Mga Asawang Lalaki—Kilalanin ang Pagkaulo ni Kristo
Mga Asawang Lalaki—Kilalanin ang Pagkaulo ni Kristo
“Ang ulo ng bawat lalaki ay ang Kristo.”—1 CORINTO 11:3.
1, 2. (a) Paano maaaring sukatin ang tagumpay ng isang asawang lalaki? (b) Bakit napakahalagang kilalanin na ang Diyos ang nagpasimula ng pag-aasawa?
PAANO mo susukatin ang tagumpay ng isang asawang lalaki? Sa talino o pisikal na kakayahan ba? Sa kaniyang kakayahang kumita nang malaki? O sa mapagmahal at mabait na pakikitungo sa kaniyang asawa at mga anak? Pagdating sa huling nabanggit, maraming asawang lalaki ang nagkukulang dahil naiimpluwensiyahan sila ng sanlibutan at ng pamantayan ng tao. Bakit? Pangunahin nang dahil sa hindi nila kinikilala at sinusunod ang patnubay ng Tagapagpasimula ng pag-aasawa—ang Isa na ‘kumuha ng tadyang mula sa lalaki at ginawang isang babae at dinala ito sa lalaki.’—Genesis 2:21-24.
2 Pinatunayan ni Jesu-Kristo ang ulat na ito ng Bibliya kung paano pinasimulan ng Diyos ang pag-aasawa, na sinasabi sa mga kritiko noon: “Hindi ba ninyo nabasa na siya na lumalang sa kanila mula sa pasimula ay ginawa silang lalaki at babae at nagsabi, ‘Sa dahilang ito ay iiwan ng lalaki ang kaniyang ama at ang kaniyang ina at pipisan sa kaniyang asawa, at ang dalawa ay magiging isang laman’? Kung kaya hindi na sila dalawa, kundi isang laman. Kaya nga, ang pinagtuwang ng Diyos [sa pag-aasawa] ay huwag paghiwalayin ng sinumang tao.” (Mateo 19:4-6) Ang totoo, para maging matagumpay ang pag-aasawa, dapat kilalanin na ang Diyos ang nagpasimula nito at na ang tagumpay ay nakadepende sa pagsunod sa tagubilin ng Salita ng Diyos, ang Bibliya.
Ang Susi sa Tagumpay ng Asawang Lalaki
3, 4. (a) Bakit alam na alam ni Jesus ang tungkol sa pag-aasawa? (b) Sino ang makasagisag na asawa ni Jesus, at paano dapat pakitunguhan ng mga asawang lalaki ang kanilang kabiyak?
3 Para magtagumpay ang asawang lalaki, dapat niyang pag-aralan ang sinabi ni Jesus at tularan ang Kaniyang ginawa. Alam na alam niya ang paksang ito dahil nasaksihan niya ang paglalang sa unang mag-asawa at ang kasal ng mga ito. Sinabi sa kaniya ng Diyos na Jehova: “Gawin natin ang tao ayon sa ating larawan, ayon sa ating wangis.” (Genesis 1:26) Oo, kausap noon ng Diyos ang Isa na unang-una Niyang nilalang at “nasa piling niya . . . bilang isang dalubhasang manggagawa.” (Kawikaan 8:22-30) Ang Isang ito “ang panganay sa lahat ng nilalang.” Siya ang “pasimula ng paglalang ng Diyos,” na umiiral na bago pa man lalangin ang uniberso.—Colosas 1:15; Apocalipsis 3:14.
4 Tinawag si Jesus na “Kordero ng Diyos,” at makasagisag na inilarawan bilang asawang lalaki. Minsan ay sinabi ng isang anghel: “Halika rito, ipakikita ko sa iyo ang kasintahang babae, ang asawa ng Kordero.” (Juan 1:29; Apocalipsis 21:9) Sino ang kasintahan, o ang asawang iyon? “Ang asawa ng Kordero” ay binubuo ng tapat at pinahiran-ng-espiritung mga tagasunod ni Kristo, na makakasama niya sa pamamahala sa langit. (Apocalipsis 14:1, 3) Kaya ang pakikitungo ni Jesus sa kaniyang mga alagad habang kasama niya sila sa lupa ay nagsisilbing huwaran kung paano dapat pakitunguhan ng mga asawang lalaki ang kanilang kabiyak.
5. Kanino nagsisilbing huwaran si Jesus?
5 Oo, ayon sa Bibliya, si Jesus ay isang huwaran sa lahat ng kaniyang mga tagasunod, gaya ng mababasa natin: “Si Kristo ay nagdusa para sa inyo, na nag-iwan sa inyo ng huwaran upang maingat ninyong sundan ang kaniyang mga yapak.” (1 Pedro 2:21) Gayunman, ang mga kalalakihan ang lalo nang dapat tumulad sa kaniya. Ang sabi ng Bibliya: “Ang ulo ng bawat lalaki ay ang Kristo; ang ulo naman ng babae ay ang lalaki; ang ulo naman ng Kristo ay ang Diyos.” (1 Corinto 11:3) Yamang si Kristo ang ulo ng lalaki, dapat tularan ng mga asawang lalaki ang kaniyang halimbawa. Kaya naman, dapat sundin ang simulain ng pagkaulo upang maging matagumpay at maligaya ang pamilya. Kailangang maging mapagmahal ang mga asawang lalaki sa kani-kanilang kabiyak gaya ng pakikitungo ni Jesus sa kaniyang makasagisag na asawa, ang kaniyang pinahirang mga alagad.
Pagharap sa mga Problema ng Mag-asawa
6. Ayon sa 1 Pedro 3:7, paano dapat pakitunguhan ng mga asawang lalaki ang kani-kanilang kabiyak?
6 Sa magulong sanlibutan ngayon, lalo nang dapat tularan ng mga asawang lalaki ang halimbawa ni Jesus sa pagiging mapagpasensiya, mapagmahal, at matatag sa pagsunod sa matuwid na mga simulain. (2 Timoteo 3:1-5) Hinggil sa huwarang iniwan ni Jesus, mababasa natin sa Bibliya: “Kayong mga asawang lalaki, patuloy na manahanang kasama [ng inyong kabiyak] sa katulad na paraan ayon sa kaalaman.” (1 Pedro 3:7) Oo, dapat na may kaalaman ang mga asawang lalaki sa pagharap sa mga problema nilang mag-asawa gaya ng pagharap ni Jesus sa mga suliranin. Mas malalaking pagsubok ang dinanas ni Jesus kaysa kaninuman, pero alam niyang si Satanas, ang mga demonyo, at ang napakasamang sanlibutan ang may kagagawan nito. (Juan 14:30; Efeso 6:12) Hindi kailanman ikinagulat ni Jesus ang mga pagsubok, kaya hindi rin dapat magulat ang mga mag-asawa kung dumanas man sila ng “kapighatian sa kanilang laman.” Nagbababala ang Bibliya na daranas ng gayong kapighatian ang mga nag-aasawa.—1 Corinto 7:28.
7, 8. (a) Ano ang ibig sabihin ng pananahanang kasama ng asawang babae ayon sa kaalaman? (b) Bakit karapat-dapat pag-ukulan ng karangalan ang mga asawang babae?
7 Ayon sa Bibliya, dapat manahanan ang mga asawang lalaki sa kani-kanilang kabiyak “ayon sa kaalaman, na pinag-uukulan sila ng karangalang gaya ng sa isang mas mahinang sisidlan, yaong may katangiang pambabae.” (1 Pedro 3:7) Sa halip na pagmalupitan ang kaniyang asawa, gaya ng inihula ng Bibliya na karaniwang gagawin ng mga lalaki, igagalang ng isang asawang lalaking may pagsang-ayon ng Diyos ang kaniyang kabiyak. (Genesis 3:16) Ituturing niya siyang gaya ng isang mahalagang pag-aari, at hindi niya ito sasaktan kailanman. Sa halip, isasaalang-alang niya ang damdamin nito, anupat palagi itong pakikitunguhan nang may paggalang at dignidad.
8 Bakit angkop lamang na mag-ukol ng karangalan ang mga asawang lalaki sa kani-kanilang kabiyak? Sumasagot ang Bibliya: “Yamang kayo ay mga tagapagmana ring kasama nila ng di-sana-nararapat na biyaya ng buhay, upang hindi mahadlangan ang inyong mga panalangin.” (1 Pedro 3:7) Kailangang maunawaan ng mga asawang lalaki na hindi nakahihigit sa paningin ni Jehova ang pagsamba ng isang lalaki sa pagsamba ng isang babae. Ang mga babaing sinasang-ayunan ng Diyos ay gagantimpalaan din ng walang-hanggang buhay gaya ng mga lalaki—marami pa nga ang mabubuhay sa langit, kung saan “walang lalaki ni babae man.” (Galacia 3:28) Kaya dapat tandaan ng mga asawang lalaki na ang pinahahalagahan ng Diyos sa isang tao ay ang katapatan nito. Hindi mahalaga kung ang isa ay lalaki, babae, o bata.—1 Corinto 4:2.
9. (a) Ayon kay Pedro, bakit dapat marangal na pakitunguhan ng mga asawang lalaki ang kani-kanilang kabiyak? (b) Paano marangal na pinakitunguhan ni Jesus ang mga kababaihan?
9 Ang kahalagahan ng marangal na pakikitungo ng asawang lalaki sa kaniyang kabiyak ay idiniin ni Panaghoy 3:43, 44) Isang katalinuhan nga na pag-aralan ng mga Kristiyanong lalaki—may asawa o nagbabalak pa lamang mag-asawa—ang marangal na pakikitungo ni Jesus sa mga babae. Isinama niya sila sa pangangaral, at naging mabait at magalang siya sa kanila. Minsan, sa mga babae pa nga unang isiniwalat ni Jesus ang nakabibiglang katotohanan, at sinabihan silang ipaalam ito sa mga kalalakihan!—Mateo 28:1, 8-10; Lucas 8:1-3.
apostol Pedro sa kaniyang huling pananalitang, “upang hindi mahadlangan ang inyong mga panalangin.” Napakapanganib nga ng maaaring idulot ng gayong hadlang! Mahaharang pa nga nito ang mga panalangin ng asawang lalaki, gaya ng nangyari sa nagpabayang mga lingkod ng Diyos noon. (Huwaran Lalo na sa mga Asawang Lalaki
10, 11. (a) Bakit kailangang pag-aralan lalo na ng mga asawang lalaki ang huwarang iniwan ni Jesus? (b) Paano maipakikita ng mga asawang lalaki ang pag-ibig sa kanilang kabiyak?
10 Gaya ng nabanggit na, inihahambing ng Bibliya ang ugnayan ng mag-asawa sa ugnayan ni Kristo at ng kaniyang “kasintahang babae,” ang kaniyang kongregasyon ng pinahirang mga tagasunod. Sinasabi ng Bibliya: “Ang asawang lalaki ang ulo ng kaniyang asawang babae kung paanong ang Kristo rin ay ulo ng kongregasyon.” (Efeso 5:23) Ang mga salitang ito ang dapat magpakilos sa mga asawang lalaki na suriin ang paraan ni Jesus ng pangunguna, o pag-akay, sa kaniyang mga tagasunod. Tanging sa paggawa lamang nito wastong matutularan ng mga asawang lalaki ang huwarang iniwan ni Jesus anupat pinaglalaanan ang kanilang kabiyak ng tagubilin, pag-ibig, at pangangalaga, gaya ng ginawa ni Jesus sa kaniyang kongregasyon.
11 “Mga asawang lalaki, patuloy na ibigin ang inyu-inyong asawang babae,” ang paghimok ng Bibliya sa mga Kristiyano, “kung paanong inibig din ng Kristo ang kongregasyon at ibinigay ang kaniyang sarili ukol dito.” (Efeso 5:25) Sa naunang kabanata ng Efeso, “ang kongregasyon” ay tinatawag na “katawan ng Kristo.” Ang makasagisag na katawang ito ay binubuo ng maraming babae’t lalaki, na pawang mahalaga para gumana nang mahusay ang katawan. Mangyari pa, si Jesus “ang ulo ng katawan, ang kongregasyon.”—Efeso 4:12; Colosas 1:18; 1 Corinto 12:12, 13, 27.
12. Paano ipinakita ni Jesus ang pag-ibig sa kaniyang makasagisag na katawan?
12 Nagpakita si Jesus ng pag-ibig sa kaniyang makasagisag na katawan, “ang kongregasyon,” lalo na sa pamamagitan ng mapagmahal na pagmamalasakit sa kapakanan ng mga magiging miyembro nito. Halimbawa, nang mapagod ang kaniyang mga alagad, sinabi niya: “Halikayo . . . sa isang liblib na dako at magpahinga nang kaunti.” (Marcos 6:31) Hinggil sa mga ginawa ni Jesus ilang oras lamang bago siya patayin, isinulat ng isa sa kaniyang mga apostol: “Si Jesus, yamang inibig niya ang mga sariling kaniya [samakatuwid nga, mga miyembro ng kaniyang makasagisag na katawan] . . . , ay umibig sa kanila hanggang sa wakas.” (Juan 13:1) Napakagandang huwaran nga ang iniwan ni Jesus kung paano dapat pakitunguhan ng mga asawang lalaki ang kanilang kabiyak!
13. Paano dapat ibigin ng mga asawang lalaki ang kani-kanilang kabiyak?
13 Patuloy na ginamit ni apostol Pablo ang huwarang iniwan ni Jesus para sa mga asawang lalaki nang payuhan niya sila: “Dapat ibigin ng mga asawang lalaki ang kani-kanilang asawang babae na Efeso 5:28, 29, 33.
gaya ng sa kanilang sariling mga katawan. Siya na umiibig sa kaniyang asawang babae ay umiibig sa kaniyang sarili, sapagkat walang taong napoot kailanman sa kaniyang sariling laman; kundi pinakakain at inaaruga niya ito, gaya ng ginagawa rin ng Kristo sa kongregasyon.” Sinabi pa ni Pablo: “Ibigin din ng bawat isa sa inyo ang kani-kaniyang asawang babae gaya ng ginagawa niya sa kaniyang sarili.”—14. Paano tinatrato ng asawang lalaki ang kaniyang di-sakdal na katawan, at ano ang itinuturo nito tungkol sa dapat na maging pakikitungo niya sa kaniyang asawa?
14 Pag-isipan ang mga sinabi ni Pablo. Sasaktan ba ng isang matinong tao ang kaniyang sarili? Kapag natalisod ang isang lalaki, sisisihin ba niya at pupukpukin ang kaniyang paa? Siyempre hindi! Hihiyain ba ng asawang lalaki ang kaniyang sarili sa harap ng kaniyang mga kaibigan o itsitsismis ang kaniyang mga pagkukulang? Hindi! Kung gayon, bakit niya pagsasalitaan, o sasaktan pa nga, ang kaniyang kabiyak kung magkamali ito? Dapat isipin ng asawang lalaki hindi lamang ang kaniyang kapakanan kundi pati ang kapakanan ng kaniyang asawa.—1 Corinto 10:24; 13:5.
15. (a) Ano ang ginawa ni Jesus nang magkulang ang kaniyang mga alagad? (b) Ano ang matututuhan natin sa kaniyang halimbawa?
15 Tingnan natin kung paano ipinakita ni Jesus ang kaniyang pagmamalasakit sa kaniyang mga alagad sa kabila ng kanilang pagkukulang noong gabing bago siya patayin. Kahit paulit-ulit niyang hiniling na manalangin sila, tatlong beses pa rin silang nakatulog sa hardin ng Getsemani. Bigla silang pinalibutan ng armadong mga lalaki. Tinanong ni Jesus ang mga lalaki: “Sino ang hinahanap ninyo?” Nang sumagot sila: “Si Jesus na Nazareno,” sinabi niya: “Ako nga siya.” Dahil alam niyang “dumating na ang oras” ng kaniyang kamatayan, sinabi niya: “Samakatuwid, kung ako nga ang hinahanap ninyo, hayaan ninyong umalis ang mga ito.” Palaging iniisip ni Jesus ang kapakanan ng kaniyang mga alagad—na kabilang sa kaniyang makasagisag na kasintahan—at inilalayo niya sila sa kapahamakan. Kung susuriin ng mga asawang lalaki kung paano pinakitunguhan ni Jesus ang kaniyang mga alagad, marami silang matututuhang simulain kung paano nila dapat pakitunguhan ang kanilang kabiyak.—Juan 18:1-9; Marcos 14:34-37, 41.
Hindi Lamang Udyok ng Emosyon ang Pag-ibig ni Jesus
16. Paano itinuwid ni Jesus si Marta?
16 Sinasabi ng Bibliya: “Iniibig nga ni Jesus si Marta at ang kaniyang kapatid na babae at si Lazaro” na madalas magpatulóy sa kaniya sa kanilang tahanan. (Juan 11:5) Pero hindi ito dahilan upang hindi na niya payuhan si Marta nang unahin nito ang paghahanda ng pagkain, anupat hindi tuloy siya masyadong nakapakinig sa mga turo ni Jesus. Ang sabi niya: “Marta, Marta, ikaw ay nababalisa at nababagabag tungkol sa maraming bagay. Gayunman, iilang bagay ang kinakailangan, o isa lamang.” (Lucas 10:41, 42) Tiyak na hindi nahirapan si Marta na tanggapin ang payo ni Jesus dahil nadama niya ang pagmamalasakit nito. Gayundin naman, dapat na maging maingat sa pagsasalita ang mga asawang lalaki at pakitunguhan ang kani-kanilang kabiyak sa mabait at mapagmahal na paraan. Pero kung kailangan ang pagtutuwid, dapat lamang na sabihin ito gaya ng ginawa ni Jesus.
17, 18. (a) Paano sinaway ni Pedro si Jesus, at bakit kailangang ituwid si Pedro? (b) Ano ang responsibilidad ng isang asawang lalaki?
17 Minsan naman, sinabi ni Jesus sa kaniyang mga apostol na dapat siyang pumunta sa Jerusalem, kung saan pag-uusigin siya ng ‘matatandang lalaki at mga punong saserdote at mga eskriba, at papatayin, at sa ikatlong araw ay ibabangon.’ Dahil dito ay dinala ni Pedro si Jesus sa isang tabi at sinimulan siyang sawayin, na sinasabi: “Maging mabait ka sa iyong sarili, Panginoon; hindi kailanman mangyayari sa iyo ang kahihinatnang ito.” Maliwanag na nadala si Pedro ng kaniyang emosyon. Dapat siyang ituwid. Kaya sinabi ni Jesus sa kaniya: “Lumagay ka sa likuran ko, Satanas! Ikaw ay isang katitisuran sa akin, sapagkat iniisip mo, hindi ang mga kaisipan ng Diyos, kundi yaong sa mga tao.”—18 Kasasabi pa lamang ni Jesus kung ano ang kalooban ng Diyos—samakatuwid nga, magdurusa siya ng maraming bagay at papatayin. (Awit 16:10; Isaias 53:12) Kaya hindi dapat na sinaway ni Pedro si Jesus. Oo, kailangan ni Pedro ang mahigpit na pagtutuwid, gaya rin natin kung minsan. Bilang ulo ng pamilya, may awtoridad at responsibilidad ang asawang lalaki na ituwid ang kaniyang pamilya, pati na ang kaniyang asawa. Bagaman kailangan ang mahigpit na pagtutuwid, dapat itong gawin sa mabait at mapagmahal na paraan. Kaya kung paanong itinuwid ni Jesus ang pananaw ni Pedro, kailangan din kung minsan na gawin ito ng mga asawang lalaki sa kani-kanilang kabiyak. Halimbawa, baka kailangang mabait na sabihan ng isang asawang lalaki ang kaniyang kabiyak tungkol sa pananamit, pagsusuot ng alahas, o pagme-make-up kung hindi na ito mahinhin gaya ng hinihiling sa Kasulatan.—1 Pedro 3:3-5.
Makabubuting Maging Mapagpasensiya ang mga Asawang Lalaki
19, 20. (a) Ano ang naging problema ng mga apostol ni Jesus, at paano ito nilutas ni Jesus? (b) Gaano katagumpay ang pagsisikap ni Jesus?
19 Kung may pagkakamali na kailangang itawag-pansin, hindi dapat laging asahan ng mga asawang lalaki na agad magtatagumpay ang kanilang taimtim na pagsisikap na ituwid ito. Paulit-ulit na sinikap ni Jesus na ituwid ang saloobin ng kaniyang mga apostol. Halimbawa, nagtalu-talo sila minsan kung sino sa kanila ang pinakadakila. Naulit na naman ito nang papatapos na ang ministeryo ni Jesus. (Marcos 9:33-37; 10:35-45) Hindi pa natatagalan pagkatapos nito, isinaayos ni Jesus na ipagdiwang nila ang kaniyang huling Paskuwa. Kaugalian noon na hugasan ang maruruming paa ng iba, pero sa pagkakataong ito, wala isa man lamang sa kanila ang nagkusang gumawa ng hamak na gawaing ito. Si Jesus ang nagkusa. Saka niya sinabi: “Nagbigay ako ng parisan para sa inyo.”—Juan 13:2-15.
20 Kung mapagpakumbaba ang mga asawang lalaki gaya ni Jesus, malamang na makipagtulungan at sumuporta ang kani-kanilang kabiyak. Pero kailangang maging mapagpasensiya. Noong gabi mismo ng Paskuwa, nagtalo na naman ang mga apostol kung sino sa kanila ang pinakadakila. (Lucas 22:24) Kailangan ang panahon at hindi madaling mabago ang mga saloobin at paggawi. Ngunit sulit na sulit naman kapag nangyari ito, gaya ng nangyari sa mga apostol!
21. Sa pagharap sa mga hamon sa ngayon, ano ang dapat tandaan at gawin ng mga asawang lalaki?
21 Sa ngayon, mas mabibigat na hamon ang napapaharap sa mga mag-asawa. Hindi na sineseryoso ng marami ang panata sa pag-aasawa. Kaya nga, kayong mga asawang lalaki, alalahanin kung sino ang nagpasimula ng pag-aasawa. Tandaan na ang pag-aasawa ay pinasimulan ng ating maibiging Diyos na si Jehova. Ibinigay niya ang kaniyang Anak na si Jesus hindi lamang bilang ating Manunubos—ating Tagapagligtas—kundi bilang huwaran din naman na dapat tularan ng mga asawang lalaki.—Mateo 20:28; Juan 3:29; 1 Pedro 2:21.
Paano Mo Sasagutin?
• Bakit mahalagang kilalanin ang nagpasimula ng pag-aasawa?
• Sa anu-anong paraan dapat ibigin ng mga asawang lalaki ang kani-kanilang kabiyak?
• Anu-anong halimbawa ng pakikitungo ni Jesus sa kaniyang mga alagad ang nagpapakita kung paano dapat gamitin ng asawang lalaki ang kaniyang pagkaulo gaya ni Kristo?
[Mga Tanong sa Aralin]
[Larawan sa pahina 14]
Bakit dapat suriin ng mga asawang lalaki ang halimbawa ni Jesus sa pakikitungo sa mga kababaihan?
[Larawan sa pahina 15]
Nang mapagod ang kaniyang mga alagad, nagpakita ng konsiderasyon si Jesus
[Larawan sa pahina 16]
Dapat na maging mabait at maingat sa pagsasalita ang mga asawang lalaki kapag nagpapayo sa kani-kanilang kabiyak