Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Masiyahan sa Ating Magandang Lupa

Masiyahan sa Ating Magandang Lupa

Masiyahan sa Ating Magandang Lupa

NATUKLASAN ng mga astronomo na ang tahanan ng sangkatauhan ay isang tuldok lamang sa napakalawak na uniberso. Sa buong pisikal na uniberso, dito lamang sa lugar na ito may buhay. Ang planetang Lupa lamang ang may tamang-tamang kalagayan.

Bukod diyan, kasiya-siyang mamuhay sa magandang globong ito. Kaysarap madampian ng init ng araw sa malamig na panahon! Sino ang hindi mapapahanga sa nakabibighaning pagsikat at paglubog ng araw? Mangyari pa, hindi lamang kasiya-siya sa pandamdam ang ating araw. Napakahalaga nito sa mismong pag-iral natin.

Sa loob ng di-mabilang na mga taon, hindi nagbabago ang orbit ng lupa at ng iba pang mga planeta dahil sa grabidad ng araw. At gaya ng itinuturo sa paaralan, ang buong sistema solar ay umiikot sa pinakasentro ng ating galaksing Milky Way. Pero sa ating galaksi, isa lamang ang araw sa mahigit 100 bilyong bituin na sama-sama sa pag-ikot na ito.

Ang galaksing Milky Way ay kabilang sa kumpol ng mga 35 galaksi na pinagbubuklod ng grabidad. May libu-libong galaksi sa mas malalaking kumpol. Hindi magiging gayon katatag ang ating sistema solar kung naroroon ito sa mas malaki at masinsing kumpol ng galaksi. Iilang lugar lamang sa uniberso ang “tamang-tama sa masalimuot na buhay na gaya ng sa atin,” ang sabi ni Guillermo Gonzalez at Jay W. Richards sa kanilang aklat na The Privileged Planet.

Nagkataon lamang ba ang buhay sa planetang ito o may makabuluhang layunin ang buhay sa magandang Lupang ito?

Maraming tao ang nakumbinsi na sadyang dinisenyo ang ating makalupang tahanan para masustinihan ang buhay. * Daan-daang taon na ang nakalilipas, itinawag-pansin ng isang makatang Hebreo ang lupa at ang langit. Isinulat niya: “Kapag tinitingnan ko ang iyong langit, ang mga gawa ng iyong mga daliri, ang buwan at ang mga bituin na iyong inihanda, ano ang taong mortal?” (Awit 8:3, 4) Naniniwala ang makatang ito na mayroon ngang Maylalang. Makatuwiran kaya ang paniniwalang ito ngayong masulong na ang siyensiya?

[Talababa]

^ par. 7 Basahin ang aklat ng Mga Awit, partikular na ang Awit 8.

[Kahon/Larawan sa pahina 3]

“Mula sa malayo, ang Lupa ay kumikinang na parang asul na hiyas sa madilim na kalawakan,” ang sabi ng The Illustrated Science Encyclopedia​—Amazing Planet Earth.

[Credit Line]

Globe: U.S. Fish & Wildlife Service, Washington, D.C./NASA