Sino o Ano ang mga Anghel?
Ang sagot ng Bibliya
Ang mga anghel ay mga nilikha na may higit na lakas at kakayahan kaysa sa mga tao. (2 Pedro 2:11) Nakatira sila sa langit, o lugar ng mga espiritu, isang antas ng pag-iral na mas mataas kaysa sa pisikal na uniberso. (1 Hari 8:27; Juan 6:38) Kaya naman tinatawag din silang mga espiritu.—1 Hari 22:21; Awit 18:10.
Saan nagmula ang mga anghel?
Nilalang ng Diyos ang mga anghel sa pamamagitan ni Jesus, na tinatawag ng Bibliya na “panganay sa lahat ng nilalang.” Inilarawan ng Bibliya kung paano ginamit ng Diyos si Jesus sa paglalang: “Sa pamamagitan [ni Jesus] ang lahat ng iba pang bagay ay nilalang sa langit at sa ibabaw ng lupa, ang mga bagay na nakikita at ang mga bagay na di-nakikita,” kasama na rito ang mga anghel. (Colosas 1:13-17) Ang mga anghel ay hindi nag-aasawa at nagkakaanak. (Marcos 12:25) Sa halip, ang “mga anak ng tunay na Diyos” ay isa-isang nilalang.—Job 1:6.
Nilalang ang mga anghel matagal na panahon na bago pa umiral ang lupa. Nang lalangin ng Diyos ang lupa, ang mga anghel ay “sumigaw sa pagpuri.”—Job 38:4-7.
Gaano karami ang mga anghel?
Hindi sinasabi ng Bibliya ang kanilang eksaktong bilang, pero ipinakikita nito na napakarami nila. Halimbawa, daan-daang milyong anghel ang nakita ni apostol Juan sa isang pangitain.—Apocalipsis 5:11.
May kani-kaniyang pangalan ba at personalidad ang mga anghel?
Oo. Binabanggit ng Bibliya ang pangalan ng dalawang anghel: Miguel at Gabriel. (Daniel 12:1; Lucas 1:26) a Sinabi ng ibang mga anghel na may pangalan sila, pero hindi nila iyon ipinaalam.—Genesis 32:29; Hukom 13:17, 18.
Ang mga anghel ay may kani-kaniyang personalidad. Maaari silang makipagtalastasan sa isa’t isa. (1 Corinto 13:1) May kakayahan silang mag-isip at magpahayag ng papuri sa Diyos. (Lucas 2:13, 14) At may kalayaan silang pumili ng tama o mali, gaya ng makikita nang magkasala ang ibang mga anghel dahil pumanig sila kay Satanas na Diyablo sa paghihimagsik nito laban sa Diyos.—Mateo 25:41; 2 Pedro 2:4.
May iba’t ibang ranggo ba ang mga anghel?
Oo. Ang anghel na pinakamataas sa kapangyarihan at awtoridad ay si Miguel na arkanghel. (Judas 9; Apocalipsis 12:7) Ang mga serapin ay mga anghel na mataas ang posisyon at nakapuwesto malapit sa trono ni Jehova. (Isaias 6:2, 6) Ang mga kerubin ay isa pang grupo ng mga anghel na may mataas na ranggo at espesyal na mga tungkulin. Halimbawa, mga kerubin ang nagbantay sa pasukan ng hardin ng Eden nang palayasin sina Adan at Eva mula roon.—Genesis 3:23, 24.
Tinutulungan ba ng mga anghel ang mga tao?
Oo, ginagamit ng Diyos ang kaniyang tapat na mga anghel para tulungan ang mga tao ngayon.
Ginagamit ng Diyos ang mga anghel para patnubayan ang kaniyang mga lingkod sa pangangaral ng mabuting balita ng Kaharian ng Diyos. (Apocalipsis 14:6, 7) Nakikinabang dito kapuwa ang mga nangangaral at mga nakikinig sa mabuting balita.—Gawa 8:26, 27.
Tumutulong ang mga anghel para hindi maparumi ng masasamang tao ang kongregasyong Kristiyano.—Mateo 13:49.
Pinapatnubayan at pinoprotektahan ng mga anghel ang mga tapat sa Diyos.—Awit 34:7; 91:10, 11; Hebreo 1:7, 14.
Malapit nang magdulot ng ginhawa sa sangkatauhan ang mga anghel kapag nakipaglaban silang kasama ni Jesu-Kristo para alisin ang kasamaan.—2 Tesalonica 1:6-8.
May kani-kaniya ba tayong guardian angel?
Tinutulungan ng mga anghel ang mga lingkod ng Diyos na maingatan ang kanilang espirituwalidad, pero hindi ito nangangahulugan na ang mga Kristiyano ay binigyan ng Diyos ng kani-kaniyang guardian angel. b (Mateo 18:10) Hindi pinoprotektahan ng mga anghel ang mga lingkod ng Diyos sa bawat pagsubok o tukso. Ipinakikita ng Bibliya na sa maraming pagkakataon, ang Diyos ay ‘gumagawa ng daang malalabasan’ ng isang tao mula sa pagsubok sa pamamagitan ng pagbibigay ng karunungan at lakas para mabata o matiis niya iyon.—1 Corinto 10:12, 13; Santiago 1:2-5.
Mga maling akala tungkol sa mga anghel
Maling akala: Lahat ng anghel ay mabuti.
Ang totoo: Binabanggit ng Bibliya na may “balakyot na mga puwersang espiritu” at “mga anghel na nagkasala.” (Efeso 6:12; 2 Pedro 2:4) Ang masasamang anghel na ito ay mga demonyo, na pumanig kay Satanas sa paghihimagsik laban sa Diyos.
Maling akala: Ang mga anghel ay imortal.
Ang totoo: Ang masasamang anghel, pati na si Satanas na Diyablo, ay pupuksain.—Judas 6.
Maling akala: Ang mga tao ay nagiging mga anghel pagkamatay nila.
Ang totoo: Ang mga anghel ay ibang uri ng nilalang ng Diyos, hindi mga taong binuhay-muli. (Colosas 1:16) Ang mga taong binubuhay-muli tungo sa langit ay tumatanggap ng regalong imortal na buhay mula sa Diyos. (1 Corinto 15:53, 54) Magiging mas mataas sila kaysa sa mga anghel.—1 Corinto 6:3.
Maling akala: Ang mga anghel ay nilalang para paglingkuran ang mga tao.
Ang totoo: Sinusunod ng mga anghel ang utos ng Diyos, hindi ang utos natin. (Awit 103:20, 21) Sinabi ni Jesus mismo na hihingi siya ng tulong sa Diyos, hindi sa mga anghel.—Mateo 26:53.
Maling akala: Puwede tayong manalangin sa mga anghel para humingi ng tulong.
Ang totoo: Ang panalangin sa Diyos ay bahagi ng ating pagsamba, na nauukol lang sa Diyos na Jehova. (Apocalipsis 19:10) Sa Diyos lang tayo dapat manalangin, sa pamamagitan ni Jesus.—Juan 14:6.
a Sa Isaias 14:12, ginagamit ng ilang salin ng Bibliya ang terminong “Lucifer,” na inaakala ng ilan na pangalan ng anghel na naging Satanas na Diyablo. Pero ang orihinal na salitang Hebreo na ginamit dito ay nangangahulugang “isa na nagniningning.” Ipinakikita ng konteksto na hindi ito tumutukoy kay Satanas kundi sa dinastiya ng Babilonya, na ibababa ng Diyos dahil sa pagmamapuri nito. (Isaias 14:4, 13-20) Ang pananalitang “isa na nagniningning” ay ginamit para tuyain ang dinastiya ng Babilonya matapos itong ibagsak.
b Inakala ng ilan na may guardian angel si Pedro dahil sa ulat tungkol sa paglaya niya sa bilangguan. (Gawa 12:6-16) Gayunman, nang sabihin ng mga alagad na “anghel [ni Pedro],” posibleng inisip lang nila na isang mensaherong anghel na kumakatawan kay Pedro ang nagpunta sa kanila, hindi si Pedro mismo.