Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

PATULOY NA MAGBANTAY!

Relihiyon at Digmaan sa Ukraine—Ano ang Sinasabi ng Bibliya?

Relihiyon at Digmaan sa Ukraine—Ano ang Sinasabi ng Bibliya?

 Tingnan ang ilang komento tungkol sa mga kilalang lider ng relihiyon at sa digmaan sa Ukraine:

  •   “Walang sinasabi ang lider ng Russian Orthodox Church na si Patriarch Kirill laban sa ginagawang pag-atake ng Russia. . . . Ang Simbahan niya ay nagpapakalat ng mga propaganda o di-totoong mga kuwento tungkol sa Ukraine at nagagamit ito ni Putin para palabasin na tama lang ang ginagawa niya.”—EUobserver, Marso 7, 2022.

  •   “Para kay Patriarch Kirill . . . walang mali sa pag-atake ng bansa nila sa Ukraine. Sinasabi niyang bahagi ito ng paglaban sa kasalanan.”—AP News, Marso 8, 2022.

  •   “Noong Lunes, binasbasan ng lider ng Ukrainian Orthodox Church na si Metropolitan Epiphanius I ng Kyiv ang mga miyembro nila para ‘labanan ang militar ng Russia’ . . . Sinabi pa [niya] na ang pagpatay sa mga sundalo ng Russia ay hindi isang kasalanan.”—Jerusalem Post, Marso 16, 2022.

  •   “Kami [ang Ukrainian Council of Churches and Religious Organizations (UCCRO)] ay sumusuporta sa militar ng Ukraine at sa lahat ng lumalaban para sa bansa namin, binabasbasan namin ang mga ginagawa nila para ipagtanggol ang Ukraine sa mga kaaway nito, at ipinagdarasal namin sila.”—Pahayag ng UCCRO a, Pebrero 24, 2022.

 Ano sa palagay mo? Dapat bang hikayatin ng mga relihiyong nagsasabing sumusunod sila kay Jesu-Kristo ang mga miyembro nila na sumali sa digmaan? Ano ang sinasabi ng Bibliya?

Ang kasaysayan ng relihiyon sa mga digmaan

 Ipinapakita ng kasaysayan na madalas kunsintihin ng mga relihiyon ang mga digmaan. Itinuturo din nilang katanggap-tanggap ito o na kailangan talagang makisali dito. Kasabay nito, sinasabi nilang itinataguyod nila ang kapayapaan. Matagal nang sinasabi ng mga Saksi ni Jehova sa mga tao ang pagkukunwaring ito ng mga relihiyon. Tingnan ang ilang halimbawa na makikita sa mga publikasyon namin.

Dapat bang sumuporta ang mga relihiyong Kristiyano sa digmaan?

 Ang itinuro ni Jesus: “Dapat mong mahalin ang iyong kapuwa gaya ng iyong sarili.” (Mateo 22:39) “Patuloy na mahalin ang inyong mga kaaway.”—Mateo 5:44-47.

 Pag-isipan: Masasabi bang sinusunod ng isang relihiyon ang utos ni Jesus tungkol sa pag-ibig kung hihikayatin nito ang mga miyembro nila na pumatay sa digmaan? Para malaman ang sagot, basahin ang mga artikulong “Ang Tunay na mga Kristiyano at ang Digmaan” at “Posible Kayang Ibigin ang Kaaway?

 Ang sinabi ni Jesus: “Ang Kaharian ko ay hindi bahagi ng sanlibutang ito. Kung ang Kaharian ko ay bahagi ng sanlibutang ito, lumaban sana ang mga tagasunod ko para hindi ako madakip.” (Juan 18:36) “Ang lahat ng gumagamit ng espada ay mamamatay sa espada.”—Mateo 26:47-52.

 Pag-isipan: Kung hindi sapat na dahilan ang pagprotekta kay Jesus para lumaban ang mga Kristiyano, may iba pa bang mas mabigat na dahilan para lumaban sila? Para makita kung paano tinularan ng mga Kristiyano noon ang halimbawa at mga turo ni Jesus, basahin ang artikulong “Dapat Bang Sumali sa Digmaan ang mga Kristiyano?

Ano ang mangyayari sa mga relihiyong nagtataguyod o sumusuporta sa mga digmaan?

 Itinuturo ng Bibliya na hindi tinatanggap ng Diyos ang mga relihiyong nag-aangking tagasunod ni Jesus pero hindi naman sumusunod sa mga turo niya.—Mateo 7:21-23; Tito 1:16.

  •   Ipinapakita ng aklat ng Apocalipsis na sisingilin ng Diyos sa mga relihiyong ito ang “lahat ng pinatay sa lupa.” (Apocalipsis 18:21, 24) Para malaman kung bakit, basahin ang artikulong “Ano ang Babilonyang Dakila?

  •   Ipinakita ni Jesus na lahat ng relihiyong itinakwil ng Diyos ay pupuksain dahil sa masasamang ginagawa nila, kung paanong ang bulok na puno na namumunga ng bulok na bunga ay “pinuputol at inihahagis sa apoy.” (Mateo 7:15-20) Para malaman kung paano ito mangyayari, basahin ang artikulong “Malapit Na ang Wakas ng Huwad na Relihiyon!

Photo credits, left to right: Photo by Sefa Karacan/Anadolu Agency/Getty Images; Maxym Marusenko/NurPhoto via Getty Images

a Ang UCCRO, o Ukrainian Council of Churches and Religious Organizations, ay may 15 relihiyon na kumakatawan sa Ortodokso, Griego at Romano Katoliko, Protestante, at relihiyong Evangelical, pati na sa mga Judio at Muslim.