Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

KABANATA 4

Mga “Hindi Nakapag-aral at Pangkaraniwan”

Mga “Hindi Nakapag-aral at Pangkaraniwan”

Naging matapang ang mga apostol, at pinagpala sila ni Jehova

Batay sa Gawa 3:1–5:11

1, 2. Anong himala ang isinagawa nina Pedro at Juan malapit sa pinto ng templo?

 MEDYO mataas pa ang sikat ng araw. Dumadating na sa templo ang mga debotong Judio at ang mga alagad ni Kristo. Malapit na ang “oras ng panalangin.” a (Gawa 2:46; 3:1) Nakikipagsiksikan sina Pedro at Juan sa maraming tao papunta sa pinto ng templo na tinatawag na Maganda. Sa gitna ng nagkakaingay at naglalakarang mga tao, isang pulubi, na mahigit 40 taóng gulang at ipinanganak na lumpo, ang namamalimos.​—Gawa 3:2; 4:22.

2 Habang papalapit sina Pedro at Juan, binigkas ng pulubi ang kaniyang gasgas nang linya sa pamamalimos. Huminto ang mga apostol, at tinawag ang pansin ng umaasang lalaki. “Wala akong pilak at ginto,” ang sabi ni Pedro, “pero ibibigay ko sa iyo kung ano ang mayroon ako. Sa ngalan ni Jesu-Kristo na Nazareno, lumakad ka!” Ilarawan sa isip ang pagkamangha ng mga tao nang hawakan ni Pedro ang kamay ng lumpo at—sa kauna-unahang pagkakataon sa buhay nito—tumayo nang tuwid ang lalaki! (Gawa 3:6, 7) Nakikini-kinita mo ba ang lalaki na nakatitig sa kaniyang mga binti habang unti-unti niya itong inihahakbang? Hindi nga kataka-takang nagtatalon siya at naghihiyaw sa pagpuri sa Diyos!

3. Anong di-matutumbasang regalo ang maaaring tanggapin ng mga tao at ng dating lumpo?

3 Ang nagkakagulong mga tao ay nagtakbuhan papunta kina Pedro at Juan sa may kolonada ni Solomon. Sa mismong lugar na ito kung saan dating tumayo at nagturo si Jesus, ipinaalám ni Pedro sa kanila ang tunay na kahulugan ng naganap na himala. (Juan 10:23) Isang regalong higit pa sa pilak o ginto ang iniaalok niya sa mga tao at sa dating lumpo. Hindi lang ito basta pagpapagaling. Ito’y ang pagkakataong magsisi, mapatawad ang mga kasalanan, at maging mga tagasunod ni Jesu-Kristo, ang “Punong Kinatawan para sa buhay” na inatasan ni Jehova.​—Gawa 3:15.

4. (a) Naging mitsa ng anong komprontasyon ang naganap na makahimalang pagpapagaling? (b) Anong dalawang tanong ang sasagutin natin?

4 Hindi nga pangkaraniwan ang araw na iyon! Gumaling sa pisikal na paraan ang isang lalaki at nakalalakad na. Libo-libo pa ang nabigyan ng pagkakataong mapagaling sa espirituwal na paraan upang sila’y makapamuhay nang karapat-dapat sa harap ng Diyos. (Col. 1:9, 10) Isa pa, ang mga pangyayari noong araw na iyon ay naging mitsa ng komprontasyon sa pagitan ng mga tapat na tagasunod ni Kristo at ng mga nasa kapangyarihan, na magtatangkang pumigil sa kanila na tuparin ang utos ni Jesus na ipangaral ang mensahe ng Kaharian. (Gawa 1:8) Ano ang matututuhan natin kina Pedro at Juan—mga “hindi nakapag-aral at pangkaraniwan”—hinggil sa kanilang mga pamamaraan at saloobin sa pagpapatotoo sa mga tao? b (Gawa 4:13) At paano natin matutularan sina Pedro at Juan at ang iba pang mga alagad sa pagharap sa pagsalansang?

Hindi ‘Dahil sa Sariling Kapangyarihan’ (Gawa 3:11-26)

5. Ano ang matututuhan natin sa paraan ng pakikipag-usap ni Pedro sa mga tao?

5 Tumayo sina Pedro at Juan sa harap ng mga tao kahit alam nilang kamakailan lang, ang ilan sa mga iyon ay kasama sa mga gustong magpapatay kay Jesus. (Mar. 15:8-15; Gawa 3:13-15) Isip-isipin ang lakas ng loob ni Pedro nang ihayag niya na gumaling ang lumpo sa pangalan ni Jesus. Hindi natakot si Pedro na sabihin ang katotohanan. Tahasan niyang sinabi na may pananagutan din ang mga taong naroroon sa pagkamatay ni Kristo. Pero hindi naman galit si Pedro sa kanila dahil alam niyang “ginawa [nila] iyon dahil sa kawalang-alam.” (Gawa 3:17) Tinawag pa nga niya silang mga kapatid at sinabi sa kanila ang tungkol sa mensahe ng Kaharian. Kung magsisisi sila at mananampalataya kay Kristo, darating sa kanila “ang mga panahon ng pagpapaginhawa” mula kay Jehova. (Gawa 3:19) Sa ngayon, kailangan din nating maging matapang at tuwiran sa paghahayag ng dumarating na paghatol ng Diyos. Pero hindi naman tayo dapat na maging magaspang, mabagsik, o mapanghusga. Sa halip, itinuturing natin ang ating mga pinangangaralan bilang potensiyal na mga kapatid, at tulad ni Pedro, nagtutuon tayo ng pansin lalo na sa positibong mga aspekto ng mensahe ng Kaharian.

6. Paano ipinakita nina Pedro at Juan na mapagpakumbaba sila?

6 Mapagpakumbaba ang mga apostol. Hindi nila inangkin ang mga papuri sa naisagawa nilang himala. Sinabi ni Pedro sa mga tao: “Bakit kayo nakatitig sa amin na para bang napalakad namin siya dahil sa sarili naming kapangyarihan o makadiyos na debosyon?” (Gawa 3:12) Alam ni Pedro at ng iba pang apostol na anuman ang nagawa nila, dahil ito sa kapangyarihan ng Diyos, at hindi sa sarili nilang lakas. Kaya iniukol nila kay Jehova at kay Jesus ang lahat ng papuri.

7, 8. (a) Ano ang maireregalo natin sa mga tao? (b) Paano natutupad sa ngayon ang pangakong “[ibabalik] sa dati ang lahat ng bagay”?

7 Kailangan din nating magpakita ng gayong kapakumbabaan kapag nangangaral tungkol sa Kaharian. Totoo, hindi binibigyang-kapangyarihan ng espiritu ng Diyos ang mga Kristiyano sa ngayon na magpagaling sa makahimalang paraan. Pero matutulungan natin ang mga tao na manampalataya sa Diyos at kay Kristo at tumanggap ng regalong gaya ng inialok ni Pedro—ang pagkakataong mapatawad ang mga kasalanan at mapaginhawa ni Jehova. Bawat taon, libo-libo ang tumatanggap sa alok na ito at nagiging bautisadong mga alagad ni Kristo.

8 Tunay ngang nabubuhay na tayo sa panahon ng ‘pagbabalik sa dati ng lahat ng bagay’ na binabanggit ni Pedro. Bilang katuparan ng mga hula na “inihayag ng Diyos sa pamamagitan ng kaniyang banal na mga propeta noon,” itinatag ang Kaharian sa langit noong 1914. (Gawa 3:21; Awit 110:1-3; Dan. 4:16, 17) Di-nagtagal, sinimulan ni Kristo ang pangangasiwa sa gawain ng espirituwal na pagbabalik sa lupa. Bilang resulta, milyon-milyon na ang nakapasok sa espirituwal na paraiso, anupat napasailalim sa Kaharian ng Diyos. Hinubad nila ang kanilang luma at bulok na personalidad, at “[isinuot] ang bagong personalidad na nilikha ayon sa kalooban ng Diyos.” (Efe. 4:22-24) Gaya ng pagpapagaling sa pulubing lumpo, ang kagila-gilalas na gawaing ito ay naisasagawa, hindi sa pamamagitan ng lakas ng tao, kundi sa pamamagitan ng espiritu ng Diyos. Tulad ni Pedro, dapat na buong tapang at mabisa nating gamitin ang Salita ng Diyos sa pagtuturo sa iba. Anuman ang naisasagawa natin sa pagtulong sa mga tao na maging mga alagad ni Kristo, ito ay dahil sa kapangyarihan ng Diyos, at hindi sa ating sariling lakas.

“Hindi Namin Kayang Tumigil sa Pagsasalita” (Gawa 4:1-22)

9-11. (a) Ano ang naging reaksiyon ng mga Judiong lider sa mensahe nina Pedro at Juan? (b) Ano ang naging paninindigan ng mga apostol?

9 Lumikha ng pagkakagulo ang pahayag ni Pedro at ang nagtatatalon at naghihihiyaw na dating lumpo. Kaya dali-daling pumunta ang kapitan ng templo—na inatasang mangasiwa sa seguridad sa lugar ng templo—at ang mga punong saserdote upang magsiyasat. Malamang na ang mga lalaking ito ay mga Saduceo, isang mayaman at makapangyarihang sekta na sipsip sa mga Romano, tutol sa bibigang kautusan na labis na pinahahalagahan ng mga Pariseo, at laban sa paniniwala sa pagkabuhay-muli. c Inis na inis silang makita sa templo sina Pedro at Juan, na buong tapang na nagtuturong si Jesus ay binuhay-muli!

10 Kinabukasan, ipinabilanggo ng galit na mga mananalansang sina Pedro at Juan at kinaladkad sila sa mataas na hukumang Judio. Para sa mayayabang na tagapamahalang iyon, “hindi nakapag-aral at pangkaraniwan” sina Pedro at Juan. Kaya wala silang karapatang magturo sa templo. Hindi sila nakapag-aral sa alinmang kinikilalang relihiyosong paaralan. Pero namangha ang hukuman sa paninindigan nila at pagiging tahasan. Bakit napakahusay nila? Ang isang dahilan ay “kasama [sila] noon ni Jesus.” (Gawa 4:13) Di-tulad ng mga eskriba, ang kanilang Panginoon ay nagturo nang may tunay na awtoridad.​—Mat. 7:28, 29.

11 Inutusan ng hukuman ang mga apostol na huminto sa pangangaral. Sa lipunang iyon, napakalakas ng kapangyarihan ng hukuman. Mga ilang linggo pa lamang ang nakalilipas, humarap din si Jesus sa hukumang ito, at sinabi ng mga miyembro nito: “Dapat siyang mamatay.” (Mat. 26:59-66) Pero hindi pa rin natakot sina Pedro at Juan. Habang nakatayo sa harap ng mayayaman, matataas ang pinag-aralan, at maiimpluwensiyang lalaking ito, walang takot ngunit magalang na inihayag nina Pedro at Juan: “Kung sa tingin ninyo ay tama sa paningin ng Diyos na makinig kami sa inyo sa halip na sa Diyos, nasa sa inyo iyon. Pero kami, hindi namin kayang tumigil sa pagsasalita tungkol sa mga bagay na nakita namin at narinig.”​—Gawa 4:19, 20.

12. Ano ang makatutulong para tumibay ang ating paninindigan at lumakas ang ating loob?

12 Malakas din ba ang loob mo tulad nina Pedro at Juan? Paano kung may pagkakataon kang magpatotoo sa mayayaman, matataas ang pinag-aralan, o maiimpluwensiyang tao sa inyong komunidad? Paano kung may kamag-anak, kaeskuwela, o katrabaho kang tumutuya sa iyo dahil sa iyong mga paniniwala? Natatakot ka ba? Kung oo, mapagtatagumpayan mo ang ganiyang damdamin. Noong nasa lupa si Jesus, tinuruan niya ang mga apostol kung paano ipagtatanggol nang may pagtitiwala at paggalang ang pananampalataya nila. (Mat. 10:11-18) Matapos siyang buhaying muli, ipinangako ni Jesus sa mga alagad na makakasama nila siya “sa lahat ng araw hanggang sa katapusan ng sistemang ito.” (Mat. 28:20) Sa patnubay ni Jesus, tinuturuan tayo ng “tapat at matalinong alipin” kung paano natin ipagtatanggol ang ating mga paniniwala. (Mat. 24:45-47; 1 Ped. 3:15) Ginagawa ito sa pamamagitan ng mga pulong ng kongregasyon, gaya ng Ating Buhay at Ministeryong Kristiyano, at ng salig-Bibliyang mga publikasyon, tulad ng mga artikulong “Sagot sa mga Tanong sa Bibliya” na nasa website na jw.org. Pinahahalagahan mo ba nang husto ang mga paglalaang ito? Kung oo, titibay ang iyong paninindigan at lalakas ang iyong loob. At, tulad ng mga apostol, hindi mo hahayaang may pumigil sa iyo sa pagsasalita tungkol sa kamangha-manghang espirituwal na mga katotohanan na iyong nakita at narinig.

Huwag mong hayaang may pumigil sa iyo sa pagsasalita tungkol sa kamangha-manghang espirituwal na mga katotohanang natutuhan mo

“Sama-sama Silang Nanalangin sa Diyos” (Gawa 4:23-31)

13, 14. Kung napapaharap tayo sa pagsalansang, ano ang dapat nating gawin, at bakit?

13 Karaka-raka matapos palayain sina Pedro at Juan, nakipagkita sila sa iba pang miyembro ng kongregasyon. “Sama-sama silang nanalangin sa Diyos” para sa lakas ng loob na patuloy na makapangaral. (Gawa 4:24) Alam na alam ni Pedro ang kamangmangan ng pagtitiwala sa sariling lakas kapag sinisikap nating gawin ang kalooban ng Diyos. Mga ilang linggo pa lamang ang nakalilipas, tiwalang-tiwala siya sa sarili nang sabihin niya kay Jesus: “Kahit na iwan ka nilang lahat, hinding-hindi kita iiwan!” Subalit gaya ng inihula ni Jesus, agad na nadaig si Pedro ng takot sa tao anupat ikinaila niya ang kaniyang kaibigan at guro. Gayunman, natuto si Pedro sa kaniyang pagkakamali.​—Mat. 26:33, 34, 69-75.

14 Higit pa sa determinasyon ang kailangan upang matupad mo ang atas na magpatotoo tungkol kay Kristo. Kapag tinatangka ng mga mananalansang na sirain ang iyong pananampalataya o pahintuin ka sa iyong pangangaral, tularan mo ang halimbawa nina Pedro at Juan. Manalangin kay Jehova na bigyan ka ng lakas. Humingi ng tulong sa kongregasyon. Sabihin sa mga elder at iba pang may-gulang na mga kapatid ang mga problemang kinakaharap mo. Maaaring maging napakalaking tulong ang panalangin ng iba.​—Efe. 6:18; Sant. 5:16.

15. Bakit hindi dapat masiraan ng loob ang mga huminto noon sa pangangaral?

15 Kung nadaig ka man noon ng panggigipit at huminto sa pangangaral sa loob ng ilang panahon, huwag masiraan ng loob. Tandaan, pansamantalang huminto sa pangangaral ang lahat ng apostol pagkamatay ni Jesus. Pero di-nagtagal, muli silang naging aktibo. (Mat. 26:56; 28:10, 16-20) Sa halip na magpadaig sa mga pagkakamali mo noon, puwede mong gamitin ang mga natutuhan mo sa karanasang iyon upang palakasin ang iba.

16, 17. Ano ang matututuhan natin sa panalangin ng mga alagad ni Kristo sa Jerusalem?

16 Ano ang dapat nating ipanalangin kapag sinisiil tayo ng mga nasa awtoridad? Pakisuyong pansinin na hindi hiniling ng mga alagad na iligtas sila mula sa mga pagsubok. Tandang-tanda nila ang sinabi ni Jesus: “Kung pinag-usig nila ako, pag-uusigin din nila kayo.” (Juan 15:20) Sa halip, hiniling ng tapat na mga alagad na ito kay Jehova na “bigyang-pansin” ang banta ng mga mananalansang. (Gawa 4:29) Malinaw na naunawaan ng mga alagad na ang pag-uusig sa kanila ay, sa katunayan, isang katuparan ng hula. Alam nila, gaya ng itinuro sa kanila ni Jesus na ipanalangin, na ang kalooban ng Diyos ay ‘mangyayari sa lupa’ anuman ang gawin ng mga tagapamahalang tao.​—Mat. 6:9, 10.

17 Upang magawa ang kalooban ng Diyos, nanalangin ang mga alagad kay Jehova: “Tulungan mo ang iyong mga alipin na patuloy na ihayag ang iyong salita nang walang takot.” Ano ang mabilis na tugon ni Jehova? “Nayanig ang lugar na pinagtitipunan nila, at silang lahat ay napuspos ng banal na espiritu at walang takot nilang inihayag ang salita ng Diyos.” (Gawa 4:29-31) Walang makapipigil sa pagsasakatuparan ng kalooban ng Diyos. (Isa. 55:11) Gaano man kalaki ang hadlang o gaano man kalakas ang kalaban, kung mananalangin tayo sa Diyos, siguradong pagkakalooban niya tayo ng lakas para patuloy na mangaral nang may katapangan.

Mananagot ‘sa Diyos, Hindi sa Tao’ (Gawa 4:32–5:11)

18. Ano ang ginawa ng mga miyembro ng kongregasyon sa Jerusalem para sa isa’t isa?

18 Di-nagtagal, ang bilang ng miyembro ng bagong-tatag na kongregasyon sa Jerusalem ay lumago sa mahigit 5,000. d Sa kabila ng iba’t ibang pinagmulan ng mga alagad, “nagkakaisa ang puso at isip” nila. Nagkakaisa sila sa kaisipan at pagpapasiya. (Gawa 4:32; 1 Cor. 1:10) Hindi lang nanalangin ang mga alagad kay Jehova na pagpalain ang pagsisikap nila. Tinulungan din nila ang isa’t isa kapuwa sa espirituwal at, kung kinakailangan, sa materyal. (1 Juan 3:16-18) Halimbawa, ibinenta ng alagad na si Jose, na binigyan ng mga apostol ng apelyidong Bernabe, ang kaniyang lupain at walang pag-iimbot na iniabuloy ang buong halaga upang tulungan ang mga nanggaling sa malalayong lupain na manatili pa sa Jerusalem para matuto sila nang higit tungkol sa kanilang bagong pananampalataya.

19. Bakit pinatay ni Jehova sina Ananias at Sapira?

19 Ang mag-asawang Ananias at Sapira ay nagbenta rin ng isang pag-aari at nag-abuloy. Sinabi nilang iniabuloy nila ang buong halaga, pero ang totoo, “itinago [nila] ang isang bahagi ng napagbentahan.” (Gawa 5:2) Pinatay ni Jehova ang mag-asawang ito, hindi dahil kulang ang ibinigay nila, kundi dahil napakasama ng motibo nila at mapandaya sila. “Sa Diyos [sila] nagsinungaling, hindi sa tao.” (Gawa 5:4) Gaya ng mga mapagkunwari na hinatulan ni Jesus, mas hinangad nina Ananias at Sapira ang papuri ng tao kaysa sa pagsang-ayon ng Diyos.​—Mat. 6:1-3.

20. Ano ang matututuhan natin tungkol sa pagbibigay kay Jehova?

20 Taglay ang bukas-palad na espiritu na ipinakita ng tapat na mga alagad sa Jerusalem noong unang siglo, milyon-milyong Saksi sa ngayon ang sumusuporta sa pambuong-daigdig na gawaing pangangaral sa pamamagitan ng boluntaryong pag-aabuloy. Hindi sila napipilitang magbigay ng oras o pera upang suportahan ang gawaing ito. Ayaw ni Jehova na maglingkod tayo sa kaniya nang mabigat sa loob o napipilitan lang. (2 Cor. 9:7) Kapag nagbibigay tayo, interesado si Jehova, hindi sa halaga, kundi sa motibo. (Mar. 12:41-44) Hinding-hindi natin nanaising maging gaya nina Ananias at Sapira, anupat hinahayaang maudyukan ng pansariling interes o paghahangad ng sariling kaluwalhatian ang ating paglilingkod sa Diyos. Sa halip, gaya nina Pedro, Juan, at Bernabe, maudyukan sana ng tunay na pag-ibig sa Diyos at sa ating kapuwa ang ating paglilingkod kay Jehova.​—Mat. 22:37-40.

a Nananalangin ang mga tao sa templo sa panahong inihahain ang pang-umaga at panggabing handog. Ang panggabing handog ay inihahain tuwing “ikasiyam na oras,” o mga alas-tres ng hapon.

d Maaaring mayroon lamang mga 6,000 Pariseo at mas maliit na bilang ng mga Saduceo sa Jerusalem noong 33 C.E. Maaaring isa pang dahilan ito kung bakit lubhang nabahala ang dalawang grupong ito sa mga turo ni Jesus.