Ikalawang Liham sa mga Taga-Corinto 9:1-15

9  Ngayon, may kinalaman sa paglilingkod sa mga banal,+ hindi ko na talaga kailangang sumulat sa inyo,  dahil alam kong handa kayong tumulong, at ipinagmamalaki ko sa mga taga-Macedonia na isang taon nang nakahanda ang Acaya, at ang buong-pusong pagsisikap ninyo ay nagpakilos sa karamihan sa kanila.  Pero papupuntahin ko riyan ang mga kapatid para talagang maging handa kayo gaya ng sinabi ko tungkol sa inyo at para mapatunayan na gusto ninyong tumulong gaya ng ipinagmamalaki namin.  Dahil kung sasama sa akin ang mga taga-Macedonia sa pagpunta riyan at maabutan kayong hindi handa, mapapahiya kami—pero pati kayo—dahil sa pagtitiwala namin sa inyo.  Kaya naisip kong kailangan kong himukin ang mga kapatid na maunang pumunta sa inyo para maihanda nang patiuna ang bukal-sa-pusong kontribusyon na ipinangako ninyo; sa gayon, ito ay magiging isang regalo na ibinigay nang bukal sa puso at hindi sapilitan.  Pero may kinalaman dito, ang naghahasik ng kaunti ay mag-aani rin ng kaunti, at ang naghahasik ng marami ay mag-aani rin ng marami.+  Magbigay ang bawat isa nang mula sa puso, hindi mabigat sa loob o napipilitan,+ dahil mahal ng Diyos ang masayang nagbibigay.+  Isa pa, magagawa ng Diyos na ibuhos sa inyo ang kaniyang walang-kapantay na kabaitan para hindi kayo magkulang sa mga pangangailangan ninyo at managana rin kayo sa anumang kinakailangan para sa bawat mabuting gawa.+  (Gaya ng nasusulat: “Namahagi siya sa marami; nagbigay siya sa mga dukha. Ang katuwiran* niya ay mananatili magpakailanman.”+ 10  Ngayon, ang Isa na saganang naglalaan ng binhi sa manghahasik at ng tinapay na makakain ay saganang maglalaan sa inyo ng binhing ihahasik, at pararamihin niya ang mga bunga ng inyong katuwiran.) 11  Pinagpapala kayo sa lahat ng bagay para maging bukas-palad kayo sa iba’t ibang paraan, at magpapasalamat ang mga tao sa Diyos dahil sa kontribusyon ninyo na dadalhin namin; 12  dahil ang pangmadlang paglilingkod na ito ay hindi lang pupuno sa pangangailangan ng mga banal+ kundi mag-uudyok din sa marami na magpasalamat sa Diyos. 13  Ang pagbibigay ninyo ng tulong ay patunay kung anong uri kayo ng mga tao, at bilang resulta, luluwalhatiin nila ang Diyos dahil isinasabuhay ninyo ang mensaheng ipinangangaral ninyo, ang mabuting balita tungkol sa Kristo, at dahil bukas-palad kayong nagbigay sa kanila at sa lahat ng iba pa.+ 14  At mamahalin nila kayo at magsusumamo sila para sa inyo, dahil sa walang-kapantay* na kabaitan ng Diyos sa inyo. 15  Salamat sa Diyos dahil sa kaniyang walang-bayad na regalo na hindi mailarawan ng mga salita.

Talababa

Tingnan sa Glosari.
O “di-sana-nararapat.”

Study Notes

isusugo ko ang mga lalaking inaprobahan . . . para magdala sa Jerusalem ng inyong kusang-loob na abuloy: Noong mga 55 C.E., naghirap nang husto ang mga Kristiyano sa Judea, kaya pinangasiwaan ni Pablo ang paglikom ng pondo mula sa mga kongregasyon sa Galacia, Macedonia, at Acaya. (1Co 16:1, 2; 2Co 8:1, 4; 9:1, 2) Noong dadalhin na ni Pablo sa Jerusalem ang abuloy noong 56 C.E., sinamahan siya ng ilang lalaki. Sa mahabang paglalakbay na iyon, dala nila ang perang ipinagkatiwala sa kanila ng maraming kongregasyon; posibleng bawat isa sa mga kongregasyong ito ay nagsugo ng mga lalaki para samahan si Pablo. (Gaw 20:3, 4; Ro 15:25, 26) Posibleng marami ang pinasama kay Pablo dahil may mga magnanakaw sa dadaanan niya. (2Co 11:26) Dahil inaprobahan ang mga lalaking kasama ni Pablo na magdadala ng pera, walang dapat alalahanin ang mga nag-abuloy. Makakatiyak sila na gagamitin sa tamang paraan ang perang iyon.—2Co 8:20.

papupuntahin ko riyan ang mga kapatid: Tingnan ang study note sa 1Co 16:3.

hindi sapilitan: Ang salitang Griego na isinalin ditong “sapilitan” ay kadalasan nang isinasaling “kasakiman.” (Luc 12:15; Ro 1:29; Efe 4:19; 5:3; Col 3:5) Kaya ipinapakita ng ekspresyong Griego na ito na hindi kasakiman ang motibo ni Pablo at ng mga kamanggagawa niya sa paglikom ng kontribusyon. Hindi pinilit ni Pablo ang mga Kristiyano sa Corinto na magbigay ng tulong. Wala siyang ginawa para maramdaman nila na sinasamantala sila o kinikikilan. Dapat na masaya at bukal sa puso ang pagbibigay.—2Co 9:7.

ang naghahasik ng marami ay mag-aani rin ng marami: Ang ekspresyong “marami” ay tumutukoy sa paghahasik ng maraming materyal na pagpapala o tulong. Pinasigla ni Pablo ang mga Kristiyano sa Corinto na maghasik ng marami, ibig sabihin, maging bukas-palad sa pagtulong sa mga kapatid sa Jerusalem. (Ro 15:26; 2Co 8:4; 9:1, 7) Lumilitaw na maraming pinagdaanan ang mga kapatid na iyon, at posibleng nawalan sila ng maraming ari-arian dahil sa pag-uusig sa mga Judio. (1Te 2:14) Sinabi ni Pablo na “mag-aani rin ng marami” ang mga Kristiyano sa Corinto—tatanggap sila ng mga pagpapala, gaya ng walang-kapantay na kabaitan at pabor ng Diyos, at makakaasa silang paglalaanan din sila sa materyal. (2Co 9:8, 10) Papupurihan at pasasalamatan ng lahat ng kapatid ang Diyos, dahil man iyon sa pribilehiyong makapagbigay o sa tulong na tinanggap nila.—2Co 9:11-14.

Magbigay ang bawat isa nang mula sa puso: O “Ibigay ng bawat isa kung ano ang ipinasiya niya sa kaniyang puso.” Nang banggitin ni Pablo ang tungkol sa pagtulong sa mga nangangailangang Kristiyano sa Judea, naniniwala siya na gusto talagang tumulong ng mga Kristiyano sa Corinto. (2Co 8:4, 6, 10; 9:1, 2) Ngayon, kailangan na nilang ipakita sa gawa ang kagustuhan nilang tumulong. (2Co 9:3-5) Ayaw silang pilitin ni Pablo dahil hindi ‘masayang magbigay’ kapag pinilit lang. Nagtitiwala si Pablo na ipinasiya na nilang magbigay. Ang salitang Griego dito na puwedeng isaling “ipinasiya” ay nangangahulugang “magdesisyon nang patiuna.” Kaya idiniriin dito ni Pablo na nagbibigay ang isang tunay na Kristiyano pagkatapos niyang mapag-isipan nang patiuna kung ano ang pangangailangan ng mga kapananampalataya niya at kung paano siya makakatulong.

mabigat sa loob: O “nag-aalangan.” Ang ekspresyong Griego na isinaling “mabigat sa loob” ay literal na nangangahulugang “malungkot (nagdadalamhati).”

napipilitan: Ang ekspresyong Griego para sa “napipilitan” ay nangangahulugang “dahil sa pangangailangan” o “dahil pinuwersa.” Hindi magiging masaya ang nagbigay kung pinilit lang siya o pinuwersa. Kaya ipinakita ni Pablo na sa kongregasyong Kristiyano noon, boluntaryo ang pagbibigay.—Ihambing ang Deu 15:10.

mahal ng Diyos ang masayang nagbibigay: Talagang natutuwa ang Diyos sa isang Kristiyanong nagbibigay nang may tamang motibo para suportahan ang tunay na pagsamba o tulungan ang kapananampalataya niya. Nagiging tunay na masaya ang isang tao dahil nakakapagbigay siya. Makikita sa buong kasaysayan na naging masaya ang bayan ng Diyos dahil sa pagbibigay ng kanilang sarili at anumang mayroon sila para suportahan ang pagsamba kay Jehova. Halimbawa, masayang sumuporta sa pagtatayo ng tabernakulo ang mga Israelita noong panahon ni Moises. “Bukal sa puso” silang nagbigay ng ginto, pilak, kahoy, lino, at iba pa bilang “abuloy para kay Jehova.” (Exo 35:4-35; 36:4-7) Pagkalipas ng daan-daang taon, nagbigay ng napakalaking kontribusyon si Haring David, pati na ang matataas na opisyal, mga pinuno, at iba pa para sa templo ni Jehova na itatayo ng anak ni David na si Solomon.—1Cr 29:3-9.

Namahagi . . . sa marami: Nang banggitin ni Pablo ang tungkol sa pagtulong sa mga nangangailangang Kristiyano, sinipi niya ang salin ng Griegong Septuagint sa Aw 112:9 (111:9, LXX), kung saan ang terminong Griego na isinaling “namahagi sa marami” ang ipinanumbas sa terminong Hebreo. Ang terminong Griego at Hebreo ay parehong literal na nangangahulugang “ikalat.” Sa konteksto, ang ekspresyong ito ay nagpapahiwatig ng pagiging bukas-palad o pagbibigay nang sagana. Kaya puwede rin itong isaling “namahagi . . . nang sagana.” Hindi natatakot ang isang tunay na bukas-palad na baka maghirap siya dahil sa pagbibigay niya, kahit na lumalampas siya kung minsan sa kaya niyang ibigay.—2Co 9:8, 10.

katuwiran niya: Sumipi ulit si Pablo sa Hebreong Kasulatan. (Tingnan ang study note sa Namahagi . . . sa marami sa talatang ito.) Ang taong mabait at gumagawa ng kabutihan sa iba, gaya ng pagbibigay nang sagana sa mahihirap, ay nagpapatunay na ‘matuwid’ siya. Ang isang taong namumuhay ayon sa kalooban at matuwid na pamantayan ng Diyos sa halip na ayon sa sarili niyang pamantayan ay may pag-asang magawa ito magpakailanman.—Ihambing ang Mat 6:1, 2, 33.

pangmadlang paglilingkod: Tinawag ni Pablo na “pangmadlang paglilingkod” ang pagbibigay ng tulong na “pupuno sa pangangailangan” ng mga Judiong Kristiyano sa Jerusalem at Judea. Talagang napakalaking tulong ng paglilingkod na ito sa mga kapuwa mananamba nila. Ang salitang Griego dito na lei·tour·giʹa at ang kaugnay na mga pananalitang lei·tour·geʹo (maglingkod sa publiko) at lei·tour·gosʹ (lingkod ng publiko, o manggagawa) ay ginagamit noon ng mga Griego at Romano para tumukoy sa trabaho o serbisyo sa gobyerno at ginagawa para sa kapakanan ng mga tao. Sa Kristiyanong Griegong Kasulatan, ang mga terminong ito ay karaniwan nang ginagamit para tumukoy sa paglilingkod sa templo at sa ministeryong Kristiyano. Para sa ganitong pagkakagamit, tingnan ang study note sa Luc 1:23; Gaw 13:2; Ro 13:6; 15:16.

lingkod: Ang salitang Griego na lei·tour·gosʹ ay mula sa mga salitang la·osʹ, “mga tao,” at erʹgon, “trabaho.” Noong una, ang salitang ito ay ginagamit ng mga Griego para tumukoy sa mga nagtatrabaho sa ilalim ng sekular na mga awtoridad para sa kapakanan ng mga tao, at karaniwan nang mga boluntaryo sila. Mayroon ding ganitong kaayusan ang mga Romano. Sa Bibliya, ang terminong ito ay karaniwan nang tumutukoy sa mga gumagawa ng sagradong paglilingkod. Madalas gamitin ng Septuagint ang kaugnay na terminong lei·tour·giʹa para tumukoy sa “mga atas” (Bil 7:5), “gawain” (Bil 4:28), at ‘paglilingkod’ (1Cr 6:32 [6:17, LXX]) ng mga saserdote sa tabernakulo at templo ni Jehova sa Jerusalem. Dito, ginamit ni Pablo ang terminong lei·tour·gosʹ para tumukoy sa sarili niya bilang “isang apostol para sa ibang mga bansa [o, mga bansang Gentil]” na naghahayag sa kanila ng mabuting balita ng Diyos. (Ro 11:13) Makikinabang nang husto ang publiko sa pangangaral na ito, lalo na ang mga tao ng ibang mga bansa.

lingkod ng Diyos: Ang salitang Griego na lei·tour·gosʹ (lingkod ng publiko, o manggagawa) sa talatang ito at ang kaugnay na mga salitang lei·tour·geʹo (maglingkod sa publiko) at lei·tour·giʹa (paglilingkod sa publiko) ay ginagamit noon ng mga Griego at Romano para tumukoy sa trabaho o serbisyo sa gobyerno at ginagawa para sa kapakanan ng mga tao. (Ang nabanggit na mga salitang Griego ay mula sa la·osʹ, “mga tao,” at erʹgon, “trabaho.”) Dito, ang sekular na mga awtoridad ay inilarawan bilang “mga lingkod ng Diyos” na “nagsisilbi sa mga tao” (anyong pangmaramihan ng lei·tour·gosʹ). Pero sa Kristiyanong Griegong Kasulatan, ang mga terminong Griegong ito ay karaniwan nang ginagamit para tumukoy sa paglilingkod sa templo at sa ministeryong Kristiyano. Para sa ganitong pagkakagamit, tingnan ang study note sa Luc 1:23; Gaw 13:2; Ro 15:16.

naglilingkod sila: O “nagsasagawa sila ng pampublikong paglilingkod.” Ang salitang Griego dito na lei·tour·geʹo at ang kaugnay na mga salitang lei·tour·giʹa (paglilingkod sa publiko, o ministeryo) at lei·tour·gosʹ (lingkod ng publiko, o manggagawa) ay ginagamit noon ng mga Griego para tumukoy sa trabaho o serbisyo sa gobyerno na ginagawa para sa kapakanan ng mga tao. Halimbawa, sa Ro 13:6, ang sekular na mga awtoridad ay inilarawan bilang mga “lingkod ng Diyos” na “nagsisilbi sa mga tao” (anyong pangmaramihan ng lei·tour·gosʹ). Sa Luc 1:23 (tingnan ang study note), ang terminong lei·tour·giʹa ay isinaling “paglilingkod . . . sa templo” (o, “paglilingkod sa publiko”) para tumukoy sa paglilingkod ni Zacarias, na ama ni Juan Bautista. Sa tekstong iyon, ang pagkakagamit sa salitang lei·tour·giʹa ay katulad ng pagkakagamit sa salitang ito at kaugnay na mga termino sa Septuagint, kung saan iniuugnay ang mga ito sa paglilingkod ng mga saserdote at Levita sa tabernakulo (Exo 28:35; Bil 1:50; 3:31; 8:22) at sa templo (2Cr 31:2; 35:3; Joe 1:9, 13; 2:17). Ang ganitong uri ng paglilingkod ay paglilingkod din sa publiko. Pero sa ilang konteksto, kasama rito ang pagiging banal dahil ang mga saserdoteng Levita ay nagtuturo ng Kautusan ng Diyos (2Cr 15:3; Mal 2:7) at naghahandog para sa kasalanan ng bayan (Lev 1:3-5; Deu 18:1-5). Sa Gaw 13:2, mas malawak ang pagkakagamit sa salitang Griego na lei·tour·geʹo; tumutukoy ito sa paglilingkod ng mga Kristiyanong propeta at guro sa kongregasyon sa Antioquia ng Sirya. Tumutukoy ang salitang ito sa iba’t ibang paraan ng pagpapakita ng debosyon at paglilingkod sa Diyos, gaya ng pananalangin at pagtuturo, na bahagi ng ministeryong Kristiyano. Siguradong kasama sa paglilingkod ng mga propeta at gurong ito ang pangangaral sa publiko.—Gaw 13:3.

paglilingkod . . . sa templo: O “paglilingkod sa publiko.” Ang salitang Griego dito na lei·tour·giʹa at ang kaugnay na mga pananalitang lei·tour·geʹo (maglingkod sa publiko) at lei·tour·gosʹ (lingkod ng publiko, o manggagawa) ay ginagamit noon ng mga Griego at Romano para tumukoy sa trabaho o serbisyo sa gobyerno at ginagawa para sa kapakanan ng mga tao. Halimbawa, sa Ro 13:6, ang sekular na mga awtoridad ay inilarawan bilang mga “lingkod ng Diyos” na “nagsisilbi sa mga tao” (pangmaramihang anyo ng lei·tour·gosʹ). Ang paggamit dito ni Lucas sa terminong ito ay kahawig ng pagkakagamit nito sa Septuagint, kung saan ang anyong pandiwa at pangngalan ng ekspresyong ito ay madalas tumukoy sa paglilingkod sa templo ng mga saserdote at Levita. (Exo 28:35; Bil 8:22) Ang paglilingkod sa templo ay paglilingkod din sa publiko dahil nakikinabang dito ang mga tao. Pero kailangang maging banal sa ganitong uri ng paglilingkod, dahil itinuturo ng mga saserdoteng Levita ang Kautusan ng Diyos at naghahandog sila para sa kapatawaran ng kasalanan ng bayan.​—2Cr 15:3; Mal 2:7.

nakipagsamahan sila sa isa’t isa: O “ibinahagi nila sa isa’t isa ang taglay nila.” Ang pangunahing kahulugan ng salitang Griego na koi·no·niʹa ay “pagbabahagi; pakikipagsamahan.” Ilang beses na ginamit ni Pablo ang salitang ito sa mga liham niya. (1Co 1:9; 10:16; 2Co 6:14; 13:14) Ipinapakita ng konteksto na ang tinutukoy dito ay hindi lang basta pagiging magkakilala kundi pagiging matalik na magkaibigan.

maging kaisa ng: O “makasama ninyo ang; maging kabahagi ng.” Maraming beses na ginamit ni Pablo ang salitang Griego na koi·no·niʹa sa mga liham niya. (1Co 10:16; 2Co 6:14; 13:14) Sa kontekstong ito, ipinapahiwatig ng salitang ito na ang pagiging kaisa ng Anak ng Diyos ay nangangahulugan ding pagiging matalik na kaibigan niya.—Tingnan ang study note sa Gaw 2:42.

pagbibigay . . . ng tulong: O “pagbibigay . . . ng tulong bilang paglilingkod.” Ang terminong Griego na ginamit dito ay karaniwan nang isinasaling “ministeryo.” Ipinapakita nito na ang pagtulong sa nangangailangang kapananampalataya ay isang mahalagang aspekto ng ministeryong Kristiyano. Bahagi ito ng kanilang ‘paglilingkod sa Diyos.’—Ro 12:1, 7; tingnan ang study note sa Gaw 11:29; Ro 15:31; 2Co 8:4.

nagbigay: Ang salitang Griego na koi·no·niʹa ay pangunahin nang tumutukoy sa pagbabahagi, at iba-iba ang kahulugan nito depende sa konteksto. (Tingnan ang study note sa Gaw 2:42; 1Co 1:9.) Dito, tumutukoy ito sa pagbibigay na udyok ng pakikipagkapuwa-tao. Ito rin ang salitang ginamit sa Heb 13:16: “Huwag ninyong kalimutang gumawa ng mabuti at magbahagi sa iba ng kung ano ang mayroon kayo, dahil nalulugod ang Diyos sa gayong mga handog.”

magbigay at makapaglingkod din: Ginamit dito ni Pablo ang pangngalang Griego na di·a·ko·niʹa, na isinaling “magbigay at makapaglingkod.” Madalas gamitin ang salitang ito sa Bibliya para tumukoy sa mapagpakumbabang paglilingkod sa iba dahil sa pag-ibig. Kapansin-pansin na ginagamit ang pangngalang Griego na ito para tumukoy sa dalawang bahagi ng ministeryong Kristiyano, ang pangangaral at ang pagtulong sa iba. (Tingnan ang study note sa Gaw 11:29.) Sa talatang ito, ang tinutukoy ni Pablo ay ang pagtulong sa mga kapatid nilang nangangailangan. (2Co 9:13; tingnan ang study note sa Ro 15:31.) Para sa mga kongregasyon sa Macedonia, isang pribilehiyo na makatulong sa mga kapatid. Parehong ‘paglilingkod sa Diyos’ ang mga bahaging ito ng ministeryong Kristiyano.—Ro 12:1, 6-8.

tulong na dala ko: Ang ginamit na salitang Griego na di·a·ko·niʹa, na kadalasang isinasaling “ministeryo,” ay nangangahulugan ditong “pagbibigay ng tulong,” gaya sa Gaw 11:29; 12:25; 2Co 8:4; 9:13. ‘Nagbigay ng tulong,’ o nag-abuloy, ang mga kongregasyon sa Macedonia at Acaya, at dinala ito ni Pablo sa mga kapatid sa Judea na nangangailangan. (2Co 8:1-4; 9:1, 2, 11-13) Sa halip na di·a·ko·niʹa, do·ro·pho·riʹa (pagdadala ng regalo) ang ginamit dito sa ilang sinaunang manuskrito. Sinasabi ng ilan na pinalitan ito ng isang eskriba dahil gusto niyang ipaliwanag kung anong uri ng ministeryo ang tinutukoy rito ni Pablo.​—Tingnan ang study note sa Gaw 11:29.

nagbigay ng tulong: O “nagpadala ng tulong bilang paglilingkod.” Ito ang unang nakaulat na pagkakataon na nagpadala ng tulong ang mga Kristiyano sa kapuwa nila mga Kristiyano sa ibang bahagi ng mundo. Ang salitang Griego na di·a·ko·niʹa, na karaniwang isinasaling “ministeryo,” ay puwede ring isaling ‘maibigay ang kinakailangang tulong’ (Gaw 12:25) at “magpadala ng tulong bilang paglilingkod” (2Co 8:4, tlb.). Ang pagkakagamit ng salitang Griego na di·a·ko·niʹa sa Kristiyanong Griegong Kasulatan ay nagpapakita na may dalawang bahagi ang ministeryong Kristiyano. Ang isang bahagi ay ang “ministeryo [isang anyo ng di·a·ko·niʹa] ng pakikipagkasundo,” ang gawaing pangangaral at pagtuturo. (2Co 5:18-20; 1Ti 2:3-6) Ang isa pa ay ang paglilingkod sa mga kapananampalataya, gaya ng binabanggit dito. Sinabi ni Pablo: “May iba’t ibang klase ng paglilingkod [anyong pangmaramihan ng di·a·ko·niʹa], pero may iisang Panginoon.” (1Co 12:4-6, 11) Ipinakita niya na ang mga gawaing ito sa ministeryong Kristiyano ay bahagi ng “sagradong paglilingkod.”—Ro 12:1, tlb.; Ro 12:6-8.

Media

Nag-abuloy ang Isang Pamilya sa Corinto Para Tulungan ang mga Kapatid sa Judea
Nag-abuloy ang Isang Pamilya sa Corinto Para Tulungan ang mga Kapatid sa Judea

Makikita sa larawan ang isang pamilya sa Corinto na nag-aabuloy. Regular silang nagbubukod ng pang-abuloy para matulungan ang mga kapatid sa Judea. (1Co 16:2) Masaya sila habang nakikipagtulungan sa mga lalaking inatasan sa kongregasyon na mangasiwa sa pagbibigay ng tulong. Dahil tinuruan ng mga magulang ang anak nila na mag-abuloy, natutuhan ng bata na may higit na kaligayahan sa pagbibigay. (Gaw 20:35) Sinabi ng kongregasyon sa Corinto na gusto nilang mag-abuloy. (2Co 8:10, 11) Kaya isang taon pagkatapos nito, sa ikalawang liham ni Pablo, pinasigla niya ang kongregasyon na tapusin ang sinimulan nilang magandang bagay.