Pumunta sa nilalaman

Kailangan Bang Maging Miyembro ng Isang Organisadong Relihiyon?

Kailangan Bang Maging Miyembro ng Isang Organisadong Relihiyon?

Ang sagot ng Bibliya

 Oo, kasi gusto ng Diyos na magsama-sama ang mga tao para sumamba. Sinasabi ng Bibliya: “Isaalang-alang natin ang isa’t isa upang mag-udyukan sa pag-ibig at sa maiinam na gawa, na hindi pinababayaan ang ating pagtitipon.”—Hebreo 10:24, 25.

 Ipinahiwatig ni Jesus na ang kaniyang mga tagasunod ay bubuo ng isang organisadong grupo nang sabihin niya sa kanila: “Sa ganito malalaman ng lahat na kayo ay aking mga alagad, kung kayo ay may pag-ibig sa isa’t isa.” (Juan 13:35) Para ipakita ang pag-ibig na ito, kailangang makisama ang mga alagad ni Kristo sa kanilang mga kapananampalataya. Oorganisahin sila bilang mga kongregasyon na regular na magtitipon para sumamba. (1 Corinto 16:19) Sila ay magiging isang pambuong-daigdig na kapatiran.—1 Pedro 2:17.

Higit pa ang kailangan kaysa sa pagiging miyembro lang ng isang relihiyon

 Bagaman ipinakikita ng Bibliya na ang mga tao ay dapat na magsama-sama para sumamba sa Diyos, hindi nito itinuturo na matutuwa ang Diyos sa isang tao kung basta miyembro lang siya ng isang relihiyon. Para sang-ayunan ng Diyos, dapat na may epekto sa buhay ng isa ang kaniyang relihiyon. Halimbawa, sinasabi ng Bibliya: “Ang dalisay at walang kapintasang relihiyon na tinatanggap ng Dios at ating Ama ay ito: tulungan ang mga ulila at mga babaing balo sa kanilang kahirapan, at ingatan ang sarili na hindi mahawa sa kasamaan ng sanlibutang ito.”Santiago 1:27, Ang Biblia—Bagong Salin sa Pilipino.