Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Pagrespeto sa mga Pagkakaiba ng mga Tao—Kung Paano Makakatulong ang Bibliya

Pagrespeto sa mga Pagkakaiba ng mga Tao—Kung Paano Makakatulong ang Bibliya

 “Ang pagrespeto sa mga pagkakaiba ng mga tao ay isang magandang katangian na nagiging daan sa kapayapaan.”—UNESCO Declaration of Principles on Tolerance, 1995.

 Kung walang respeto sa mga pagkakaiba ng mga tao, mapopoot o magagalit sila sa isa’t isa. Kaya nagkakaroon ng hate speech, diskriminasyon, at karahasan.

 Pero iba-iba ang ideya ng mga tao pagdating sa pagrespeto sa mga pagkakaiba. Iniisip ng ilan na ang ibig sabihin nito, tatanggapin na nila ang lahat ng ginagawa at ugali ng iba. Kapareho naman ng Bibliya ang pananaw ng iba. Kahit hindi sila sang-ayon sa mga ugali at paniniwala ng ibang tao, iginagalang pa rin nila ang mga ito.

 Matutulungan ba ng Bibliya ang mga tao na talagang irespeto ang iba sa ngayon?

Ang prinsipyo ng Bibliya sa pagrespeto sa mga pagkakaiba ng mga tao

 Pinapayuhan tayo ng Bibliya na irespeto ang pagkakaiba ng mga tao. Sinasabi nito: “Makita nawa ng lahat ang pagiging makatuwiran ninyo.” (Filipos 4:5) Sinasabi rin ng Bibliya na maging makonsiderasyon tayo, mabait, at patas sa iba. Pero hindi ibig sabihin nito na laging sasang-ayon sa paniniwala ng iba ang mga sumusunod sa payo ng Bibliya. Hinahayaan lang nila na kumilos ang iba ayon sa gusto ng mga ito.

 Pero ipinapakita ng Bibliya na may pamantayan ang Diyos para sa mga tao. Mababasa rito: “Sinabi [ng Diyos] sa iyo, O tao, kung ano ang mabuti.” (Mikas 6:8) Mababasa sa Bibliya ang mga utos ng Diyos para maging tunay na masaya ang mga tao.—Isaias 48:17, 18.

 Pero hindi tayo binigyan ng Diyos ng karapatang husgahan ang iba. Sabi sa Bibliya, “Iisa lang ang Tagapagbigay-Batas at Hukom . . . Sino ka para hatulan ang kapuwa mo?” (Santiago 4:12) Binibigyan tayo ng Diyos ng kalayaang magpasiya, at responsibilidad natin anuman ang maging resulta nito.—Deuteronomio 30:19.

Ang sinasabi ng Bibliya tungkol sa respeto

 Sinasabi ng Bibliya na “igalang ninyo ang lahat ng tao.” (1 Pedro 2:17, Magandang Balita Biblia) Kaya dapat igalang ng mga sumusunod sa prinsipyo ng Bibliya ang lahat ng tao, anuman ang paniniwala o pamumuhay nila. (Lucas 6:31) Hindi naman ibig sabihin nito na sasang-ayon na ang mga sumusunod sa Bibliya sa lahat ng paniniwala o opinyon ng iba, o na susuportahan nila ang bawat desisyon ng iba. Pero imbes na magpakita ng kawalang-galang, gagawin nila kung ano ang ginawa ni Jesus.

 Halimbawa, may nakilala si Jesus na isang babaeng iba ang relihiyon na hindi sinasang-ayunan ni Jesus. May kinakasama rin ang babaeng ito na hindi niya asawa—isang pamumuhay na kinokondena ni Jesus. Pero kinausap pa rin siya ni Jesus nang may respeto.—Juan 4:9, 17-24.

 Gaya ni Jesus, handa ring ipaliwanag ng mga Kristiyano ang mga paniniwala nila sa mga gustong makinig. Ginagawa nila iyon nang “may matinding paggalang.” (1 Pedro 3:15) Itinuturo ng Bibliya sa mga Kristiyano na huwag ipilit sa iba ang mga opinyon nila. Sinasabi nito na ang mga tagasunod ni Kristo ay “hindi kailangang makipag-away, kundi kailangang maging mabait sa lahat,” pati na sa mga iba ang paniniwala.—2 Timoteo 2:24.

Ang sinasabi ng Bibliya tungkol sa poot

 Sinasabi ng Bibliya na “makipagpayapaan kayo sa lahat ng tao.” (Hebreo 12:14) Kapag nakikipagpayapaan ang isa, sinisikap niyang huwag mapoot, o magalit. Ginagawa niya ang lahat para makisama nang mapayapa sa iba nang hindi tinatalikuran ang mga paniniwala niya. (Mateo 5:9) Sinasabi rin ng Bibliya na dapat mahalin ng mga Kristiyano ang mga kaaway nila, at dapat silang maging mabait sa mga hindi maganda ang ginagawa sa kanila.—Mateo 5:44.

 Sinasabi ng Bibliya na “kinapopootan” ng Diyos, o “kasuklam-suklam” sa kaniya, kapag inaalisan ng dignidad ng mga tao ang iba o may ginagawa silang masama sa kapuwa nila. (Kawikaan 6:16-19) Sa tekstong ito, ginamit ng Bibliya ang salitang “kinapopootan” para ipakitang ayaw na ayaw ng isa ang masasamang gawain. Ipinapakita ng Bibliya na handa ang Diyos na patawarin at tulungan ang mga taong gustong magbago at sumunod sa mga utos niya.—Isaias 55:7.

Mga teksto sa Bibliya tungkol sa respeto

 Tito 3:2: “Maging makatuwiran at mahinahon sa pakikitungo sa lahat ng tao.”

 Kalmado pa rin ang isang makatuwirang tao kahit hindi pareho ang opinyon ng iba sa opinyon niya, kaya napapanatili ang respeto ng lahat sa isa’t isa.

 Mateo 7:12: “Kaya lahat ng gusto ninyong gawin ng mga tao sa inyo, iyon din ang gawin ninyo sa kanila.”

 Natutuwa tayo kapag nirerespeto tayo ng iba at iniintindi ang mga opinyon at nararamdaman natin. Para malaman kung paano isasabuhay ang kilalang aral na itinuro ni Jesus, tingnan ang artikulong “Ano ang Gintong Tuntunin?

 Josue 24:15: “Pumili kayo ngayon kung sino ang paglilingkuran ninyo.”

 Kapag nirerespeto natin ang karapatan ng iba na magdesisyon, pinapanatili natin ang kapayapaan.

 Gawa 10:34: “Hindi nagtatangi ang Diyos.”

 Walang pinapaboran ang Diyos dahil lang sa kultura, kasarian, bansa, lahi, o pinagmulan. Nirerespeto ng mga sumusunod sa Diyos ang lahat ng tao.

 Habakuk 1:12, 13: ‘Hindi matitiis ng Diyos ang kasamaan.’

 Hindi nangungunsinti ang Diyos. Hindi niya hahayaang magpatuloy ang kasamaan ng mga tao. Para sa higit pang impormasyon, panoorin ang video na Bakit Pinahihintulutan ng Diyos ang Pagdurusa?

 Roma 12:19: “Bigyang-daan ninyo ang poot [ng Diyos]; dahil nasusulat: ‘Akin ang paghihiganti; ako ang gaganti,’ sabi ni Jehova.” a

 Hindi pinapayagan ng Diyos na gumanti ang kahit sino. Sisiguraduhin niyang magkakaroon ng katarungan sa takdang panahon niya. Para sa higit pang impormasyon, basahin ang artikulong “Makakamit Pa Ba Natin ang Katarungan?

a Jehova ang personal na pangalan ng Diyos. (Awit 83:18) Tingnan ang artikulong “Sino si Jehova?