Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

PATULOY NA MAGBANTAY!

Bakit Nasisira ng Politika ang Pagkakaisa ng mga Tao?—Ano ang Sinasabi ng Bibliya?

Bakit Nasisira ng Politika ang Pagkakaisa ng mga Tao?—Ano ang Sinasabi ng Bibliya?

 Sa buong mundo, maraming tao ang hindi nagkakasundo pagdating sa politika sa bansa nila. Ayon sa survey ng Pew Research Center noong 2022, “sinabi ng 65% ng mga adulto sa 19 na bansang na-survey na maraming tao sa bansa nila ang nagtatalo-talo kasi magkaiba ang sinusuportahan nilang partido sa politika.”

 Napansin mo rin ba na mas nahahati na ang mga tao sa lugar ninyo dahil sa politika? Bakit kaya? Maayos pa kaya ito? Pansinin ang sinasabi ng Bibliya.

Mga ugali na sumisira sa pagkakaisa

 Inihula ng Bibliya na sa panahon natin, na tinatawag na “mga huling araw,” imposibleng magkaisa ang mga tao dahil sa ugaling ipinapakita nila.

  •   “Sa mga huling araw, magiging mapanganib at mahirap ang kalagayan. Dahil ang mga tao ay magiging makasarili, . . . ayaw makipagkasundo.”—2 Timoteo 3:1-3.

 Ginagawa naman ng mga tao ang lahat para magtagumpay ang gobyerno nila, pero hirap na hirap pa rin sila. Dahil magkakaiba ang opinyon ng mga tao, nahihirapan silang magkaisa para solusyunan ang mga problema. Katuparan iyan ng isang matagal nang hula sa Bibliya.

  •   “Ang tao ay namamahala sa kapuwa niya sa ikapipinsala nito.”—Eclesiastes 8:9.

 Pero sinasabi ng Bibliya na may isang gobyerno na magbibigay ng solusyon. At kayang alisin ng mamumuno rito ang lahat ng problema.

Ang tunay na lider na may puso

 Sinasabi ng Bibliya na may isang kuwalipikadong lider na kayang magbigay ng solusyon: si Jesu-Kristo. May kapangyarihan at awtoridad si Jesus. At gusto rin niyang magkaisa at maging payapa ang mga tao.

  •   “Sa panahon niya, mamumukadkad ang matuwid, at mamamayani ang kapayapaan.”—Awit 72:7.

  •   “Maglilingkod sa kaniya ang lahat ng bansa.”—Awit 72:11.

 Mayroon si Jesus ng lahat ng kailangan ng isang tunay na lider—nagmamalasakit siya sa mga tao at gusto niya silang tulungan, lalo na ang mga taong nakaranas ng kawalang-katarungan.

  •   “Ililigtas niya ang dukha na humihingi ng tulong, at ang hamak at ang sinumang walang katulong. Maaawa siya sa hamak at sa dukha, at ililigtas niya ang buhay ng mga dukha. Sasagipin niya sila mula sa pang-aapi at karahasan.”—Awit 72:12-14.

 Alamin pa ang tungkol sa Kaharian ng Diyos, ang gobyerno sa langit na pamumunuan ni Jesus. Tingnan kung paano ka matutulungan nito at kung paano mo ito susuportahan.