Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Mahalaga Pa Ba ang Pamantayan ng Bibliya Tungkol sa Tama at Mali?

Mahalaga Pa Ba ang Pamantayan ng Bibliya Tungkol sa Tama at Mali?

 Para sa maraming tao—kasama na ang ilang nagsasabing Kristiyano sila—luma na ang pamantayan ng Bibliya tungkol sa sex at pag-aasawa. Kaya para makasabay sa takbo ng panahon, binago ng ilang simbahan ang pamantayan nila tungkol sa tama at mali. Mahalaga pa ba ang pamantayan ng Bibliya tungkol sa tama at mali? Oo. Alamin kung bakit natin nasabi iyan.

Kailangan ng mga tao ang pamantayan ng Diyos ng tama at mali

 Kailangan ng mga tao ang patnubay ng kanilang Maylalang—ganiyan sila dinisenyo. Sinasabi ng Bibliya: “Hindi para sa taong lumalakad ang ituwid man lang ang sarili niyang hakbang.” (Jeremias 10:23) Binigyan tayo ng Diyos na Jehova a ng kakayahang gumawa ng desisyon, pero hindi niya tayo binigyan ng awtoridad o kakayahang magtakda ng tama at mali. Sa bagay na iyan, gusto niyang umasa tayo sa kaniya.—Kawikaan 3:5.

 Mababasa natin sa Bibliya ang patnubay ng Diyos. Pansinin ang dalawang dahilan kung bakit napakahalaga ng mga pamantayang ito.

  •   Nilalang tayo ng Diyos. (Awit 100:3) Dahil ang Diyos na Jehova ang ating Maylalang, alam niya kung ano talaga ang kailangan natin sa pisikal, mental, at emosyonal para maging masaya tayo at malusog. Alam din niya ang puwedeng mangyari sa atin kung babale-walain natin ang patnubay niya. (Galacia 6:7) Isa pa, gusto ni Jehova na mapabuti tayo. Kaya naman sinasabi ng Bibliya na ang Diyos “ang nagtuturo sa iyo para makinabang ka, ang pumapatnubay sa iyo sa daan na dapat mong lakaran.”—Isaias 48:17.

  •   Puwede tayong maipahamak ng mga gusto natin. Iniisip ng marami na malalaman nila ang tama at mali kung susundin nila ang puso nila—ang mga gusto at inaasam-asam nila. Pero sinasabi ng Bibliya na “ang puso ay higit na mapandaya kaysa anupamang bagay at desperado.” (Jeremias 17:9) Kung ang puso natin ay hindi pinapatnubayan ng karunungan ng Diyos, makakagawa tayo ng bagay na pagsisisihan natin sa huli.—Kawikaan 28:26; Eclesiastes 10:2.

Dapat bang bale-walain ng mga lider ng relihiyon ang sinasabi ng Bibliya tungkol sa tama at mali?

 Hindi! Itinuturo ng Bibliya ang katotohanan tungkol sa Diyos at kung ano ang gusto niyang gawin natin. (1 Corinto 6:9-11; Galacia 5:19-23) Gusto niyang malaman ito ng mga tao. (1 Timoteo 2:3, 4) Kaya dapat ituro ng mga Kristiyano ang sinasabi ng Salita ng Diyos.—Tito 1:7-9.

 Maraming tao ang ayaw sumunod sa mga pamantayan ng Bibliya. Naghahanap sila ng mga lider ng relihiyon na “magsasabi sa kanila ng gusto nilang marinig.” (2 Timoteo 4:3, talababa) Pero ganito ang babala ng Salita ng Diyos: “Kaawa-awa ang mga nagsasabing ang mabuti ay masama at ang masama ay mabuti.” (Isaias 5:20) Maliwanag, mananagot sa Diyos ang mga lider ng relihiyong nagtuturo ng mali tungkol sa pamantayan ng Diyos.

Dapat ba nating hatulan ang mga hindi sumusunod sa pamantayan ng Bibliya?

 Hindi. Para mapasaya natin ang Diyos, kailangan nating sundin ang halimbawa at turo ni Jesu-Kristo. Itinuro ni Jesus sa mga tagasunod niya na huwag hatulan ang iba kundi mahalin at irespeto ang lahat.—Mateo 5:43, 44; 7:1.

 Sinabi ni Jesus sa mga alagad niya na dapat nilang sundin ang pamantayan ng Diyos. Pero sinabi rin niya na dapat nilang tanggapin na may mga taong hindi ganoon ang gagawin. (Mateo 10:14) Hindi nila dapat gamitin ang politika o ang iba pang paraan para pilitin ang iba na sumunod sa pamantayan ng Diyos.—Juan 17:14, 16; 18:36.

Ano ang ilang pakinabang sa pagsunod sa pamantayan ng Bibliya?

 Kung sisikapin nating sundin ang pamantayan ng Diyos ng tama at mali, makikinabang tayo ngayon at sa hinaharap. (Awit 19:8, 11) Ito ang ilang pakinabang:

a Jehova ang pangalan ng Diyos gaya ng sinasabi sa Bibliya.—Awit 83:18.