Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Matuto Mula sa Salita ng Diyos

Ano ang Mangyayari sa mga Relihiyon?

Ano ang Mangyayari sa mga Relihiyon?

Tinatalakay ng artikulong ito ang mga tanong na maaaring naiisip mo at ipinakikita kung saan sa iyong Bibliya matatagpuan ang sagot. Nais ng mga Saksi ni Jehova na ipakipag-usap sa iyo ang mga sagot na ito.

1. Ang lahat ba ng relihiyon ay mabuti?

Kabilang sa maraming relihiyon ang taimtim na mga taong gustong magpalugod sa Diyos. Nakikita sila ng Diyos at nagmamalasakit siya sa kanila. Pero nakalulungkot, ginagamit ng ilang tao ang relihiyon para sa masamang layunin. Pinahihirapan pa nga noon ng mga lider ng relihiyon ang kanilang mga kaaway. (2 Corinto 4:3, 4; 11:13-15) Sa ngayon, ayon sa mga balita, may mga lider ng relihiyon na nagtataguyod ng terorismo, sumusuporta sa digmaan, o nasasangkot sa pang-aabuso sa mga bata.​—Basahin ang Mateo 24:3-5, 11, 12.

Itinuturo ng Bibliya na may dalawang uri ng relihiyon​—isang tunay at isang huwad. Ang huwad na relihiyon ay hindi nagtuturo ng katotohanan tungkol sa Diyos. Pero gusto ng Diyos na Jehova na malaman ng mga tao ang katotohanan tungkol sa kaniya.​—Basahin ang 1 Timoteo 2:3-5.

2. Ano ang mangyayari sa mga relihiyon?

Ayaw ng Diyos na ang mga tao ay madaya ng mga relihiyong umiibig daw sa Kaniya pero hindi naman nagtuturo ng katotohanan tungkol sa kaniya. Sa katunayan, gustung-gusto ng mga miyembro ng mga relihiyong iyon na makipagkaibigan sa sanlibutang kontrolado ni Satanas na Diyablo. (Santiago 4:4; 1 Juan 5:19) Ang mga relihiyong nag-uukol ng katapatan sa mga pamahalaan ng tao, sa halip na sa Diyos, ay inihahalintulad ng Salita ng Diyos sa isang patutot (prostitute). Ang tawag ng Bibliya sa patutot na ito ay “Babilonyang Dakila,” mula sa pangalan ng sinaunang lunsod na pinagmulan ng huwad na relihiyon pagkatapos ng Baha noong panahon ni Noe. Hindi na magtatagal at biglang wawakasan ng Diyos ang mga relihiyong nandaraya at naniniil sa mga tao.​—Basahin ang Apocalipsis 17:1, 2, 5, 17; 18:8, 23, 24.

3. Paano magdudulot ng kagalakan sa buong daigdig ang Diyos?

Ang nalalapit na paghatol sa huwad na relihiyon ay isang mabuting balita. Mawawala na ang paniniil sa buong daigdig. Hindi na kailanman maililigaw ng mga huwad na relihiyon ang mga tao para magkabaha-bahagi. Ang lahat ng nabubuhay ay magkakaisa sa pagsamba sa tanging tunay na Diyos.​—Basahin ang Isaias 11:9; Apocalipsis 18:20, 21; 21:3, 4.

4. Ano ang dapat gawin ng taimtim na mga tao?

Hindi nalilimutan ni Jehova ang taimtim na mga taong kabilang sa huwad na relihiyon. Tinitipon niya ngayon ang mga taong ito at pinagkakaisa sa pamamagitan ng pagtuturo sa kanila ng katotohanan.​—Basahin ang Mikas 4:2, 5.

Malugod na tinatanggap ni Jehova ang mga gustong maglingkod sa kaniya. Kahit na magalit ang ating mga kaibigan at kamag-anak dahil sa paglilingkod natin kay Jehova, marami naman tayong magiging pagpapala. Magiging kaibigan tayo ng Diyos, magkakaroon tayo ng bago at maibiging “pamilya,” at ng pag-asang buhay na walang hanggan.​—Basahin ang Marcos 10:29, 30; 2 Corinto 6:17, 18.

Para sa higit pang impormasyon, tingnan ang kabanata 15 at 16 ng aklat na ito, Ano ba Talaga ang Itinuturo ng Bibliya?, na inilalathala ng mga Saksi ni Jehova.

[Picture Credit Line sa pahina 16]

The Complete Encyclopedia of Illustration/J. G. Heck