Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Dapat Bang Mag-aral sa Paaralan ang Aking Anak?

Dapat Bang Mag-aral sa Paaralan ang Aking Anak?

Dapat Bang Mag-aral sa Paaralan ang Aking Anak?

MAGUGUNIGUNI mo ba ang iyong madarama kung hindi mo kayang basahin ang mga salita sa pahinang ito? Paano kung hindi ka makapagsalita sa opisyal na wika ng iyong bansa? Paano kung hindi mo kayang hanapin sa mapa ng daigdig ang iyong tinubuang lupain? Di-mabilang na mga bata ang lálaki sa gayon mismong situwasyon. Kumusta naman ang iyong anak?

Dapat bang mag-aral sa paaralan ang iyong anak? Sa maraming bansa, isang kahilingan ang primarya at sekundaryang edukasyon at ito ay karaniwan nang libre. Itinuturing ng Kombensiyon Hinggil sa mga Karapatan ng Bata na isang pangunahing karapatan ang pormal na edukasyon. Gayundin ang sinasabi ng Pandaigdig na Deklarasyon ng mga Karapatang Pantao. Subalit sa ilang lupain, maaaring hindi libre ang pag-aaral at baka isa itong pinansiyal na pabigat sa mga magulang. Suriin natin ang bagay na ito sa pangmalas ng mga Kristiyanong magulang na nagnanais na matutong bumasa at sumulat ang kanilang mga anak, ito man ay sa pamamagitan ng pormal na edukasyon o sa ibang paraan.

Mga Halimbawa sa Bibliya Hinggil sa Kakayahang Bumasa at Sumulat

Karamihan sa mga lingkod ng Diyos na binabanggit sa Bibliya ay nakababasa at nakasusulat. Sina Pedro at Juan na mga apostol ni Jesus ay mga mangingisdang Judio subalit sumulat sila ng mga aklat ng Bibliya sa wikang Griego, hindi sa kanilang diyalekto sa Galilea. * Maliwanag na tiniyak ng mga magulang nila na ang kanilang mga anak ay makapagtamo ng saligang edukasyon. Kabilang sa mga manunulat ng Bibliya na gayundin ang kalagayan ay ang pastol na si David, ang manggagawa sa bukid na si Amos, at ang kapatid-sa-ina ni Jesus na si Judas, na malamang na isang karpintero.

Ang lalaking si Job ay nakababasa at nakasusulat, at ipinahihiwatig ng aklat ng Bibliya na nagtataglay ng kaniyang pangalan na siya ay may kaunting kaunawaan sa siyensiya. Malamang na siya rin ay may kakayahang pampanitikan dahil ang kaniyang mga pananalita na sinipi sa aklat ng Job ay nasa matulaing anyo. At alam natin na ang sinaunang mga Kristiyano ay marunong bumasa at sumulat sapagkat ang waring maka-Kasulatang mga nota nila ay matatagpuan sa mga bibinga, mga piraso ng basag na mga kagamitang luwad.

Mahalaga ang Edukasyon sa mga Kristiyano

Ang lahat ng Kristiyano ay kailangang sumulong sa kaalaman sa Bibliya upang mapalugdan ang Diyos. (Filipos 1:9-11; 1 Tesalonica 4:1) Ang masikap na paggamit ng Kasulatan at salig-Bibliyang mga pantulong sa pag-aaral ay makatutulong sa espirituwal na pagsulong. Yamang inilaan ng Diyos ang kaniyang nasusulat na Salita, inaasahan niya na ang kaniyang mga mananamba ay marunong bumasa at sumulat hangga’t maaari. Mas madaling ikapit ang payo ng Bibliya kapag ito ay binabasa nang may unawa. Sabihin pa, baka kailangan nating basahin nang mahigit sa isang beses ang ilang bahagi nito upang lubos nating maunawaan ang mga punto at mabulay-bulay ang mga ito.​—Awit 119:104; 143:5; Kawikaan 4:7.

Taun-taon, tumatanggap ang bayan ni Jehova ng daan-daang pahina ng kapaki-pakinabang na nakasulat na materyal na inihanda sa ilalim ng pangangasiwa ng “tapat at maingat na alipin.” (Mateo 24:45-47) Tinatalakay ng gayong mga literatura ang buhay-pampamilya, kaugalian, relihiyon, siyensiya, at marami pang ibang paksa. Higit na mahalaga, naglalaan ito ng maka-Kasulatang payo hinggil sa espirituwal na mga bagay. Kung hindi nakababasa ang inyong mga anak, mapagkakaitan sila ng napakaraming mahalagang impormasyon.

Mahalaga ang pag-aaral sa kasaysayan ng sangkatauhan sapagkat tumutulong ito sa atin na maunawaan kung bakit kailangan ang Kaharian ng Diyos. Mabuti rin na magkaroon ng isang saligang kaalaman sa heograpiya. Tinutukoy ng Bibliya ang maraming lugar, gaya ng Israel, Ehipto, at Gresya. Mahahanap ba ng iyong anak kung nasaan ang mga ito sa mapa ng daigdig? Kaya ba niyang hanapin kung saan matatagpuan ang kaniyang sariling bansa? Maaari pa ngang malimitahan ang kakayahan ng isang tao sa pagganap ng kaniyang ministeryo sa isang iniatas na lugar kapag hindi siya marunong bumasa ng mapa.​—2 Timoteo 4:5.

Mga Pribilehiyo sa Kongregasyon

Maraming pananagutan ang Kristiyanong matatanda at ministeryal na mga lingkod na nagsasangkot ng pagbabasa. Halimbawa, may mga bahagi na kailangang ihanda para sa mga pulong ng kongregasyon. Nariyan din ang pangangailangang mag-ingat ng mga rekord may kinalaman sa mga suplay ng literatura at mga abuloy. Kung walang saligang edukasyon, mahihirapan nang husto ang isang tao na mabisang gampanan ang mga pananagutang ito.

Ang mga boluntaryong manggagawa ay naglilingkod sa mga tahanang Bethel sa palibot ng daigdig. Upang maging mahusay sa pakikipagtalastasan ang mga boluntaryong ito at maisagawa nila ang kanilang mga tungkulin, gaya ng pagsasalin ng literatura at pagkukumpuni ng makinarya, kailangang marunong silang bumasa at sumulat sa opisyal na wika ng bansang kanilang tinitirhan. Kung sa dakong huli ay matamasa ng iyong mga anak ang mga pribilehiyong tulad nito, karaniwan nang kailangan ng saligang edukasyon. Ano pa ang ilang praktikal na dahilan kung bakit dapat mag-aral sa paaralan ang iyong anak?

Karalitaan at Pamahiin

Ang mga taong nabubuhay sa karalitaan ay baka halos wala nang pag-asa sa ilang kalagayan. Gayunman, sa ibang mga kaso, ang sapat na edukasyon ay makatutulong sa atin at sa ating mga anak na maiwasan ang di-kinakailangang paghihirap. Kakaunti lamang sa mga taong hindi marunong bumasa at sumulat ang maalwang nakararaos sa buhay. Kung minsan ay namamatay ang mga bata at maging ang mga magulang dahil imposibleng magpagamot sa kanilang maliit na kita. Ang malnutrisyon at di-maayos na pabahay ang karaniwang kinasasadlakan ng mga taong may kaunti o walang pinag-aralan. Ang edukasyon o kahit man lamang ang kakayahang bumasa at sumulat ay makatutulong sa paanuman sa mga bagay na ito.

Nababawasan din ang hilig na maging mapamahiin dahil sa kakayahang bumasa at sumulat. Sabihin pa, karaniwan nang naniniwala sa mga pamahiin kapuwa ang mga taong may pinag-aralan at ang mga hindi nakapag-aral. Subalit yaong walang sapat na edukasyon ay mas madaling malinlang at mapagsamantalahan kaysa sa iba, yamang hindi nila nababasa ang materyal na naglalantad sa gayong mga panlilinlang. Kaya, may tendensiya sila na maging mas mapamahiin at maniwala na ang isang albularyo ay makahimalang makapagpapagaling.​—Deuteronomio 18:10-​12; Apocalipsis 21:8.

Hindi Lamang Para Makapagtrabaho ang Layunin ng Edukasyon

Inaakala ng marami na ang pangunahing layunin ng edukasyon ay ang kumita ng pera. Gayunman, ang ilan sa mga taong may-pinag-aralan ay walang trabaho o dili kaya’y hindi kumikita nang sapat upang matugunan ang pangunahing mga pangangailangan. Kaya naman maaaring isipin ng ilang magulang na hindi na mahalaga na papag-aralin pa ang anak sa paaralan. Subalit ang pag-aaral ay hindi lamang naghahanda sa isa upang kumita; sa pangkalahatan ay sinasangkapan nito ang mga bata ukol sa buhay. (Eclesiastes 7:12) Kung ang isang tao ay nakapagsasalita, nakababasa, at nakasusulat sa opisyal na wika ng bansang kinaroroonan niya, ang pakikipag-ugnayan sa mga manggagamot, mga awtoridad ng bayan, o mga empleado sa bangko, ay nagiging mas madali, anupat pangkaraniwan pa nga, sa halip na nakatatakot.

Sa ilang lugar, ang mga batang hindi nakapag-aral ay maaaring ipagkatiwala sa isang tao upang maging isang aprentis sa paglalagay ng ladrilyo, pangingisda, pananahi, o sa iba pang trabaho. Kapaki-pakinabang naman na matuto ng isang trabaho, subalit kung hindi na makapag-aaral ang mga batang ito sa paaralan, malamang na hindi nila matututuhan ang tamang pagbasa at pagsulat. Walang alinlangan na mas hindi sila mapagsasamantalahan at magkakaroon pa nga sila ng mas kasiya-siyang buhay kung makapagtatamo muna sila ng saligang edukasyon at pagkatapos ay matututo ng isang trabaho.

Si Jesus ng Nazaret ay isang karpintero at maliwanag na tumanggap ng isang uri ng pagsasanay mula kay Jose na kaniyang ama-amahan. (Mateo 13:55; Marcos 6:3) Marunong ding bumasa at sumulat si Jesus, dahil bagaman 12 taóng gulang pa lamang siya noon, kaya na niyang makibahagi sa makabuluhang pakikipag-usap sa mga edukadong lalaki sa templo. (Lucas 2:46, 47) Sa kaso ni Jesus, hindi nakahadlang ang pagkatuto ng isang trabaho sa pagkakaroon ng ibang uri ng edukasyon.

Dapat Din Bang Papag-aralin ang mga Anak na Babae?

Karaniwan nang pinag-aaral ng mga magulang ang kanilang mga anak na lalaki sa paaralan subalit hindi ang kanilang mga anak na babae. Marahil ay iniisip ng ilang magulang na napakalaki ng gagastusin kung papag-aaralin nila ang kanilang mga anak na babae at naniniwala sila na mas magiging kapaki-pakinabang ang mga anak na babae sa kanilang ina kung mananatili ang mga ito sa bahay sa buong maghapon. Subalit magiging disbentaha sa isang anak na babae kung hindi siya matututong bumasa at sumulat. Ganito ang sinabi ng isang publikasyon ng United Nations Children’s Fund (UNICEF): “Ipinakikita ng maraming pag-aaral na ang paglalaan ng edukasyon sa mga babae ay isa sa pinakamabuting paraan upang wakasan ang pagkaalipin sa karalitaan.” (Poverty and Children: Lessons of the 90s for Least Developed Countries) Higit na nasasangkapan sa pagharap sa mga problema sa buhay ang may-pinag-aralang mga babae at nakagagawa sila ng mas matatalinong pasiya, sa gayo’y nakikinabang ang buong pamilya.

Ipinahihiwatig ng isang pag-aaral may kinalaman sa pagkamatay ng mga sanggol sa Benin, Kanlurang Aprika, na bilang isang grupo, ang mga ina na hindi marunong bumasa at sumulat ay namamatayan ng mga anak na wala pang limang taóng gulang sa bilang na 167 sa bawat 1,000, samantalang yaong mga babae na nakapag-aral sa paaralang sekundarya ay namamatayan lamang ng 38. Ganito ang konklusyon ng UNICEF: “Samakatuwid, ang antas ng edukasyon ay isang pangunahing salik sa dami ng namamatay na sanggol sa Benin, na totoo rin naman sa buong daigdig.” Kung gayon ang pagpapaaral sa mga anak na babae ay nagdudulot ng iba’t ibang pakinabang.

Sapat Na ba ang mga Klase sa Pagbasa at Pagsulat?

Kapag kailangan, nagdaraos ang mga Saksi ni Jehova ng mga klase sa pagbasa at pagsulat para sa mga miyembro ng kongregasyon na hindi nakababasa. * Tinutulungan ng kapaki-pakinabang na paglalaang ito ang mga tao upang matuto silang bumasa, karaniwan na sa kanilang lokal na wika. Angkop ba itong ihalili sa pormal na edukasyon? Dapat bang asahan na ang kongregasyon ay maglalaan ng edukasyon para sa iyong mga anak kahit na may mga regular na paaralang mapapasukan?

Bagaman ang mga klase sa pagbasa at pagsulat ay isang maibiging kaayusan na isinasagawa ng mga kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova, ang mga ito ay nilayon para sa mga adultong hindi nakapag-aral sa paaralan noong mga bata pa sila. Malamang, hindi nababatid ng kanilang mga magulang ang kahalagahan ng kakayahang bumasa at sumulat, o dili kaya’y walang paaralang mapapasukan noon. Matutulungan ang gayong mga indibiduwal sa pamamagitan ng pagpasok sa mga klase sa pagbasa at pagsulat na idinaraos sa mga kongregasyon. Subalit ang mga klaseng ito ay hindi kahalili ng regular na pag-aaral sa paaralan at hindi dinisenyo upang maglaan ng saligang edukasyon. Ang mga asignaturang gaya ng agham, matematika, at kasaysayan ay hindi tinatalakay sa mga klaseng ito ng pagbasa at pagsulat. Subalit malamang na sinasaklaw ito sa regular na kurikulum ng paaralan.

Sa Aprika, kadalasan nang idinaraos ang mga klase sa pagbasa at pagsulat batay sa mga wika ng bawat tribo at mas madalang itong ibinabatay sa opisyal na wika ng bansa. Subalit ang pormal na pag-aaral sa paaralan ay kadalasang idinaraos batay sa opisyal na wika. Nagbibigay ito ng karagdagang pakinabang sa mga bata dahil mas maraming aklat at iba’t iba pang babasahin ang makukuha sa opisyal na wika. Bagaman ang mga klase ng kongregasyon sa pagbasa at pagsulat ay maaaring kapupunan ng pormal na edukasyon ng bata, hindi ito maihahalili sa pormal na edukasyon. Kung gayon, hindi ba’t nararapat lamang na bigyan ng pormal na edukasyon ang mga bata hangga’t praktikal ito?

Pananagutan ng Magulang

Ang mga lalaking nangunguna sa pag-aasikaso sa espirituwal na mga pangangailangan ng kongregasyon ay kailangang mga ulirang Kristiyano. Dapat nilang pamunuan ang kanilang sambahayan at mga anak sa “mahusay na paraan.” (1 Timoteo 3:4, 12) Kalakip sa pamumuno sa “mahusay na paraan” ang gawin ang lahat ng magagawa upang tulungan ang ating mga anak na maiwasan ang mga disbentaha sa hinaharap.

Malaking pananagutan ang ibinigay ng Diyos sa Kristiyanong mga magulang. Dapat nilang palakihin ang kanilang mga anak ayon sa kaniyang Salita at tulungan ang mga ito na maging mga “maibigin sa kaalaman.” (Kawikaan 12:1; 22:6; Efeso 6:4) Sumulat si apostol Pablo: “Kung ang sinuman nga ay hindi naglalaan para roon sa mga sariling kaniya, at lalo na para roon sa mga miyembro ng kaniyang sambahayan, itinatwa na niya ang pananampalataya at lalong masama kaysa sa taong walang pananampalataya.” (1 Timoteo 5:8) Dapat ding ilaan ang angkop na edukasyon sa ating mga anak.

Kung minsan, ang sistema ng paaralan ay naglalaan ng mababang uri ng edukasyon dahil sa sobrang dami ng estudyante, kakulangan ng pondo, o marahil ay hindi maligaya at hindi sapat ang sahod ng mga guro nito. Samakatuwid, mahalaga sa mga magulang na magkaroon ng aktibong interes sa natututuhan ng kanilang mga anak sa paaralan. Isang katalinuhan na makilala ang mga guro, lalo na sa pasimula ng bawat semester, na hinihingi pa nga ang kanilang payo kung paano magiging mas mahuhusay na estudyante ang mga bata. Sa gayon, madarama ng mga guro na sila ay pinahahalagahan at magaganyak silang gawin ang ibayong pagsisikap upang matugunan ang mga pangangailangan ng mga bata hinggil sa edukasyon.

Ang edukasyon ay isang mahalagang bahagi sa pagsulong ng bata. “Ang marunong ang siyang nag-iingat ng kaalaman,” ang sabi ng Kawikaan 10:14. Lalo na itong totoo kung tungkol sa kaalaman sa Bibliya. Ang mga kabilang sa bayan ni Jehova​—bata man o matanda​—ay dapat na may malawak na kaalaman hangga’t maaari upang matulungan ang iba sa espirituwal na paraan at ‘upang maiharap ang kanilang sarili bilang sinang-ayunan ng Diyos na walang anumang ikinahihiya, na ginagamit nang wasto ang salita ng katotohanan.’ (2 Timoteo 2:15; 1 Timoteo 4:15) Kung gayon, dapat bang mag-aral sa paaralan ang iyong mga anak? Walang alinlangan, mahihinuha mo na dapat silang mag-aral, bagaman nakasalalay ito nang malaki sa kung ano ang praktikal sa inyong bansa. Subalit kailangang sagutin ng Kristiyanong mga magulang ang mas mahalagang tanong na ito, ‘Dapat bang magkaroon ng edukasyon ang aking mga anak?’ Saan ka man nakatira, hindi ka ba sasang-ayon na ang dapat na sagot ay isang mariin na oo?

[Mga talababa]

^ par. 5 Ang kanilang katutubong wika ay alinman sa diyalekto ng Aramaiko sa Galilea o isang diyalekto ng Hebreo. Tingnan ang Tomo 1, pahina 144-6, ng Insight on the Scriptures, na inilathala ng mga Saksi ni Jehova.

[Kahon/Larawan sa pahina 12, 13]

KUNG IMPOSIBLENG MAKAPAG-ARAL SA PAARALAN

Ang pag-aaral sa paaralan ay imposible sa ilang kalagayan. Halimbawa, iniulat ng magasing Refugees na 1 kuwalipikadong bata lamang sa bawat 5 ang pinagkakalooban ng pribilehiyong makapag-aral sa paaralan sa mga kampo para sa mga nagsilikas. Sa ilang kaso, nagsasara ang lokal na mga paaralan sa loob ng mahabang yugto ng panahon dahil sa mga welga. Baka wala o napakalayo ng mga paaralan sa isang rehiyon. Ang pag-uusig sa mga Kristiyano ay maaari ring humantong sa pagpapatalsik sa mga bata mula sa paaralan.

Paano mo matutulungan ang iyong mga anak sa gayong mga kalagayan? Ano ang maaaring gawin kung marami ang iyong mga anak at nakatira kayo sa isang lugar kung saan imposibleng pormal na papag-aralin silang lahat? Buweno, kaya mo bang papag-aralin ang isa o dalawa sa iyong mga anak nang hindi isinasapanganib ang kanilang espirituwalidad? Kung gayon, maaaring makatulong sila upang maituro sa iba mo pang mga anak ang anumang natututuhan nila sa paaralan.

Ang ilang bansa ay may tinatawag na pag-aaral sa bahay. * Sa kaayusang ito, ang isa sa mga magulang ay karaniwan nang gumugugol nang ilang oras sa pagtuturo sa kaniyang anak bawat araw. Noong panahon ng mga patriyarka, lubos na nagtagumpay ang mga magulang sa pagtuturo sa kanilang mga anak. Maliwanag na dahil sa mahusay na pagsasanay ng kaniyang mga magulang, ang anak ni Jacob na si Jose ay may kakayahan nang mangasiwa bagaman nasa murang edad pa.

Ang isang pormal na kurikulum, o programa sa pagtuturo, ay maaaring mahirap matamo sa mga lugar na gaya ng kampo para sa mga nagsilikas, subalit maaaring gamitin ng mga magulang ang mga literaturang inilathala ng mga Saksi ni Jehova bilang saligan sa pagtuturo. Halimbawa, Ang Aking Aklat ng mga Kuwento sa Bibliya ay maaaring makatulong sa pagtuturo sa iyong maliliit na anak. Ang magasing Gumising! ay naglalaman ng mga artikulo hinggil sa napakaraming paksa. Ang aklat na Life​—How Did It Get Here? By Evolution or by Creation? ay maaaring gamitin sa pagtuturo sa mga paksang hinggil sa siyensiya. Ang Taunang Aklat ng Mga Saksi ni Jehova ay may maliit na mapa ng daigdig at isinasalaysay nito ang buhay at gawaing pangangaral sa iba’t ibang lupain.

Maraming mabubuting bagay ang magagawa kung ang pagtuturo ay inihandang mabuti at ibinagay sa kakayahang umunawa ng mga bata. Kung magpapatuloy sila sa pagbasa at pag-aaral, mas madali silang makaaagapay sa regular na pag-aaral sa paaralan kung sakaling makapag-aral na sila sa hinaharap. Sa pamamagitan ng pagkukusa at pagsisikap, matutulungan mo ang iyong mga anak na maging edukado. Tunay ngang magiging kasiya-siya iyon!

[Talababa]

^ par. 40 Tingnan ang artikulong “Pag-aaral sa Bahay​—Ito ba’y Para sa Iyo?” sa Gumising! ng Abril 8, 1993, pahina 9-12.

[Larawan]

Ano ang maaaring gawin kung nakatira kayo sa isang lugar kung saan hindi makapag-aaral ang iyong mga anak sa paaralan?