Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

 ANG PANGMALAS NG BIBLIYA

Kamatayan

Kamatayan

Nasaan ang mga patay?

“Ikaw ay alabok at sa alabok ka babalik.”Genesis 3:19.

ANG SINASABI NG MGA TAO

Naniniwala ang ilan na may Kabilang-Buhay—sa langit, impiyerno, purgatoryo, o Limbo. Naniniwala naman ang iba na ipanganganak silang muli sa ibang anyo. Pero para sa mga hindi naniniwala sa turo ng relihiyon, kamatayan ang wakas ng pag-iral ng tao.

ANG SABI NG BIBLIYA

Sinasabi sa Eclesiastes 9:10 na “walang gawa ni katha man ni kaalaman man ni karunungan man sa Sheol [o, Libingan], ang dako na iyong paroroonan.” Ipinaliliwanag din ng Bibliya kung ano ang nangyayari kapag namatay ang mga tao at hayop: “Ang lahat ay pumaparoon sa iisang dako. Silang lahat ay nanggaling sa alabok, at silang lahat ay bumabalik sa alabok.”Eclesiastes 3:20.

 Ano ang kalagayan ng mga patay?

“Ang kaniyang espiritu ay pumapanaw, siya ay bumabalik sa kaniyang pagkalupa; sa araw ring iyon ay maglalaho ang kaniyang pag-iisip.”Awit 146:4.

ANG SINASABI NG MGA TAO

Marami ang naniniwalang nakadepende sa ginawa ng isa noong nabubuhay siya sa lupa kung saan siya mapupunta sa Kabilang-Buhay. Kung naging mabuti siya, ang gantimpala niya ay walang-hanggang kaligayahan; kung masama naman, daranas siya ng walang-hanggang pagpapahirap. Pinaniniwalaan din na ang mga tao ay kailangan munang linisin sa kasalanan pagkamatay nila bago sila pahintulutang humarap sa Diyos. Kung hindi, ipagkakait sa kanila ang kaligayahang iyon.

ANG SABI NG BIBLIYA

Ang mga patay ay hindi na nakakaramdam ng saya o pahirap. Sa katunayan, dahil wala silang malay, wala na silang anumang nararamdaman; hindi rin nila kayang tulungan o saktan ang mga buháy. Ayon sa Eclesiastes 9:5, 6: “Batid ng mga buháy na sila ay mamamatay; ngunit kung tungkol sa mga patay, sila ay walang anumang kabatiran . . . Gayundin, ang kanilang pag-ibig at ang kanilang poot at ang kanilang paninibugho ay naglaho na, at wala na silang anumang bahagi hanggang sa panahong walang takda sa anumang bagay na gagawin sa ilalim ng araw.”

May pag-asa pa ba ang mga patay?

“Kung ang isang [tao] ay mamatay mabubuhay pa ba siyang muli? Sa lahat ng mga araw ng aking sapilitang pagpapagal ay maghihintay ako, hanggang sa dumating ang aking kaginhawahan.”Job 14:14.

ANG SINASABI NG MGA TAO

Naniniwala ang marami na kapag sa impiyerno napunta ang isa, wala na siyang kapag-a-pag-asa. Pahihirapan siya roon magpakailanman. Ang mga nasa purgatoryo naman ay makaaakyat lang daw sa langit matapos linisin ang kanilang mga kasalanan sa pamamagitan ng apoy.

ANG SABI NG BIBLIYA

Matapos matulog sa kamatayan, ang mga patay ay bubuhaying muli sa lupa ng Anak ng Diyos. Sinasabi ng Bibliya: “Huwag kayong mamangha rito, sapagkat ang oras ay dumarating na ang lahat ng nasa mga alaalang libingan ay makaririnig ng kaniyang tinig at lalabas.” (Juan 5:26, 28, 29) Pagkatapos, depende sa magiging paggawi niya kung bibigyan siya ng buhay na walang hanggan. *

^ par. 14 Para sa higit pang impormasyon tungkol sa pagkabuhay-muli, tingnan ang kabanata 7 ng aklat na Ano ba Talaga ang Itinuturo ng Bibliya? na inilalathala ng mga Saksi ni Jehova at available sa www.isa4310.com/tl.