Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Sinaunang mga Eksperto sa Medisina

Sinaunang mga Eksperto sa Medisina

MARAMING aspekto ng makabagong medisina ang maaaring hindi na bago gaya ng iniisip ng ilan. Sa katunayan, ang ilan sa karaniwang pamamaraan ngayon sa medisina ay daan-daang taon nang ginagawa sa ilang lupain. Halimbawa, isaalang-alang ang kasaysayan ng medisina sa Gitnang Silangan noong Edad Medya.

Noong 805 C.E., si CALIPH HARUN AR-RASHID ay nagtayo ng isang ospital sa kaniyang kabisera, ang Baghdad. Mula noong ika-9 hanggang ika-13 siglo C.E., ang iba pang mga tagapamahala ay nagtayo rin at nagpatakbo ng mga ospital sa buong imperyo ng Islam, mula Espanya hanggang India.

Sa mga ospital na ito, puwedeng magpagamot ang mayayaman at mahihirap, anuman ang relihiyon nila. Ang mga manggagamot doon ay hindi lang nagpapagaling ng maysakit; nagsasaliksik din sila at nagsasanay ng mga bagong manggagamot. May kani-kaniyang ward para sa iba’t ibang espesyalisasyon—para sa mga sakit na hindi kailangan ng operasyon, mga sakit na kailangang operahan, mga sakit sa mata, mga sakit sa buto, mga sakit na nakahahawa, at mga sakit sa isip. Ang mga doktor, kasama ang kanilang mga estudyante, ay dumadalaw tuwing umaga sa mga maysakit at nagpapayo ng kakainin nila at nagrereseta ng gamot. May mga parmasiyutiko roon na nagbibigay ng mga gamot. Mayroon ding mga tagapag-asikaso sa mga rekord, badyet, paghahanda ng pagkain, at sa iba pang tungkuling administratibo—kagaya rin ng ginagawa sa ngayon.

Ayon sa mga istoryador, ang mga ospital na ito ang “isa sa mahahalagang nagawa ng lipunang Islam noong Edad Medya.” Sa buong imperyo ng Islam, “ang ospital bilang isang institusyon ay pinasulong nang husto anupat nakaimpluwensiya ito sa mga siyensiya ng kalusugan at paggamot hanggang sa modernong panahon,” ang sabi ng awtor at istoryador na si Howard R. Turner.

Si RHAZES ay isinilang noong kalagitnaan ng ikasiyam na siglo sa sinaunang lunsod ng Rayy, ngayo’y karatig-pook ng Tehran. Siya ay tinaguriang “ang pinakadakilang manggagamot at clinician ng Islam at maging noong buong Edad Medya.” Para sa kapakinabangan ng ibang praktisyoner, inirekord ng siyentipikong ito ang mga pamamaraan, kalagayan, aparato, at mga resulta ng ginawa niyang mga eksperimento. At pinayuhan niya ang mga doktor na umalinsabay sa pinakabagong mga tuklas sa kanilang larangan.

Maraming naiambag si Rhazes sa larangan ng medisina. Halimbawa, ang mga isinulat niya ay mababasa sa Al-Hawi (Komprehensibong Aklat) na may 23 tomo, na isa sa mahahalagang akda sa medisina. Sinasabing ang mga saligang kaalaman tungkol sa obstetrics, gynecology, at pag-oopera sa mata ay mula sa aklat na ito. Kasama sa kaniyang 56 na akda tungkol sa medisina ang pinakamatanda at tumpak na paglalarawan sa bulutong at tigdas. Natuklasan din ni Rhazes na ang lagnat ay isa sa mga depensa ng katawan ng tao.

Nangasiwa rin si Rhazes sa mga ospital sa Rayy at Baghdad, at dahil sa mga naitulong niya sa mga may sakit sa isip, tinawag siyang ama ng sikolohiya at psychotherapy. Bukod sa medisina, sumulat din siya ng mga aklat sa kemistri, astronomiya, matematika, pilosopiya, at teolohiya.

Si AVICENNA, isa pang nangunguna sa larangan ng medisina, ay mula sa Bukhara, sa modernong Uzbekistan. Isa siya sa mga kilaláng manggagamot, pilosopo, astronomo, at matematiko noong ika-11 siglo. Sumulat siya ng isang ensayklopidiya, ang The Canon of Medicine, na sumasaklaw sa lahat ng nalalaman noon tungkol sa medisina.

Sinabi ni Avicenna sa kaniyang Canon na ang tuberkulosis ay nakakahawa, na ang sakit ay puwedeng kumalat sa pamamagitan ng tubig at lupa, na ang emosyon ay may epekto sa kalusugan,  at na ang mga nerbiyo ang nagta-transmit ng kirot at ng mga signal para sa paggalaw ng kalamnan. Ang Canon ay naglalarawan sa mga 760 gamot—ang mga katangian nito, mga nagagawa, at mga sakit na nagagamot—at nagbibigay ng mga tuntunin sa pagte-test ng mga bagong gamot. Ang salin nito sa Latin ay daan-daang taóng ginamit ng mga paaralan sa medisina sa Europa.

Manuskritong Arabe na nagpapakita ng mga instrumento sa pag-oopera na dinisenyo ni Albucasis

Si ALBUCASIS ang isa pang kinikilala sa kasaysayan ng medisina. Ang innovator na ito noong ikasampung siglo, na mula sa Andalusia, sa modernong Espanya, ay gumawa ng isang kompendiyo na may 30 tomo, kasama ang isang 300-pahinang akda tungkol sa pag-oopera. Inilarawan niya roon ang makabagong mga pamamaraan gaya ng paggamit ng catgut para sa pagtahi sa loob ng katawan, pag-aalis ng bato sa pantog gamit ang isang instrumentong ipinapasok sa daanan ng ihi, pagtanggal ng glandula ng thyroid, at pag-aalis ng katarata.

Gumamit si Albucasis ng “maituturing na modernong mga teknik sa paggamot” para padaliin ang mahirap na panganganak at ibalik sa ayos ang nalinsad na balikat. Pinasimulan niya ang paggamit ng bulak bilang pambenda sa mga hiwa ng operasyon at gumamit siya ng semento, o plaster cast, sa pagpapagaling ng buto. Inilarawan din niya ang mga teknik sa pagbabalik ng natanggal na mga ngipin, paggawa ng pustiso, pag-aayos ng mga sungking ngipin, at pag-aalis ng tartar sa ngipin.

 Ang unang mga larawan ng mga kagamitan ng siruhano ay makikita sa akda ni Albucasis tungkol sa pag-oopera. Nakadrowing dito ang mga 200 instrumento at nagbibigay ito ng instruksiyon kung paano at kailan gagamitin ang mga iyon. Ang ilan sa mga instrumentong dinisenyo niya ay halos walang ipinagbago pagkaraan ng isang milenyo.

Si Avicenna habang pinangangasiwaan ang paghahanda ng mga gamot para sa bulutong

Lumaganap sa Kanluran ang Kaalaman

Noong ika-11 at ika-12 siglo, sinimulan ng mga iskolar na isalin sa Latin ang mga akda ng mga Arabe tungkol sa medisina, partikular na sa Toledo, Espanya, at sa Monte Cassino at Salerno, Italya. Ang mga saling ito ay pinag-aralan ng mga manggagamot sa mga unibersidad sa mga bahagi ng Europa na gumagamit ng Latin. Kaya ang kaalaman sa medisina mula sa Gitnang Silangan ay “nagamit nang husto sa Europa sa sumunod na mga siglo, marahil nang higit kaysa sa iba pang siyensiya ng Islam,” ang sabi ng manunulat sa siyensiya na si Ehsan Masood.

Maliwanag, ang mga tuklas at imbensiyon ng sinaunang mga eksperto gaya nina Rhazes, Avicenna, Albucasis, at ng kanilang mga kakontemporaryo ay maituturing na pundasyon ng tinatawag natin ngayon na modernong medisina.