Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Breast Cancer—Ano ang Dapat Asahan? Paano Ito Makakayanan?

Breast Cancer—Ano ang Dapat Asahan? Paano Ito Makakayanan?

Breast Cancer​—Ano ang Dapat Asahan? Paano Ito Makakayanan?

HINDI mo iisiping magkakakanser si Conchita. * Siya ay 40 anyos, malusog, at wala pang nagkaka-breast cancer sa pamilya niya. Regular siyang nagpapa-mammogram at normal naman ang resulta. Pero minsan, nang salatin niya ang kaniyang suso habang naliligo, may nakapa siyang bukol. Kanser pala. Natulala si Conchita at ang kaniyang asawa habang ipinaliliwanag ng doktor kung ano ang mga puwede niyang gawin.

Noon, sinasabi ng mga doktor na ang tanging pag-asa ng mga babaing may breast cancer ay radical mastectomy​—ang pagtanggal sa suso, mga lymph node sa dibdib at kilikili, at mga kalamnan sa dibdib. Kadalasan nang dagdag pa sa pahirap ang chemotherapy o radiation. Kaya naman mas kinatatakutan ng marami ang “paggamot” kaysa sa mismong sakit.

Sa pakikipaglaban sa breast cancer, karaniwan nang ang tunguhin ay patayin agad ang mga cancer cell nang hindi na kinakailangang tanggalin ang suso at danasin ang makikirot na side effect. Tulad ni Conchita, ang mga pasyente ngayon ng breast cancer ay marami nang mapagpipiliang paraan ng paggamot. * At ang patuloy na pagsasaliksik sa medisina at mga ulat ng media ay nagbibigay ng pag-asa na masusugpo ang sakit na ito sa tulong ng mga bagong-tuklas na paggamot, mga test para malaman kung magkakaroon ng sakit na ito ang isa, at mga pagkaing panlaban dito.

Pero sa kabila ng pagsulong sa medisina, breast cancer pa rin ang pangunahing sanhi ng pagkamatay ng mga babaing nagkakaroon ng kanser. * Mataas ang bilang ng nagkakakanser sa mauunlad na bansa sa Hilagang Amerika at Kanlurang Europa, bagaman tumataas na rin ngayon ang bilang sa Asia at Aprika. Bukod diyan, mas malaki ang proporsiyon ng namamatay sa Asia at Aprika kumpara sa bilang ng kasong nada-diagnose. Bakit? “Bihira itong matuklasan nang maaga,” ang sabi ng isang doktor sa Aprika. “Karamihan sa mga pasyente ay pumupunta sa amin kapag malala na ang sakit nila.”

Mientras nagkakaedad, lumalaki ang posibilidad na magka-breast cancer ang isa. Mga 80 porsiyento ng mga babaing may breast cancer ay mahigit 50 anyos. Pero ang maganda nito, ang breast cancer ang isa sa pinakamadaling gamuting kanser. Halimbawa, sa Estados Unidos, 97 porsiyento ng mga babaing naagapan ang breast cancer bago pa ito kumalat ay buháy pa limang taon pagkaraan ng diyagnosis. Nalampasan ni Conchita kamakailan ang limang taon.

Mga Dapat Malaman Tungkol sa Breast Cancer

Gaya sa kaso ni Conchita, ang breast cancer ay karaniwan nang ipinahihiwatig ng isang kakaibang bukol. Pero mga 80 porsiyento ng gayong bukol ay benign, o hindi kumakalat, na ang karamihan ay mga sac na punô lang ng fluid at tinatawag na cyst.

Ang breast cancer ay nagsisimula sa isang abnormal na selula na walang kontrol sa pagdami hanggang sa maging tumor. Ang isang tumor ay nagiging malignant, o kanser, kapag ang mga selula nito ay kumalat sa ibang tissue. May mga tumor na mabilis lumaki; mayroon namang inaabot ng 10 taon bago matuklasan.

Para malaman kung may kanser si Conchita, gumamit ang doktor niya ng manipis na karayom para kumuha ng sampol na tissue mula sa bukol. Natuklasang may mga selula ito ng kanser. Kaya nagpaopera si Conchita para tanggalin ang tumor at ang mga tissue sa palibot ng suso at para alamin din ang stage (laki, uri, at kung kalát na ito) at grade (bilis ng paglaki) ng tumor.

Pagkatapos ng operasyon, maraming pasyente ang sumasailalim sa karagdagang paggamot para hindi bumalik o kumalat ang kanser. Maaaring may mga selula ng kanser na humiwalay sa tumor, sumama sa daluyan ng dugo o sa lymphatic system, at muling lumaki. Ang pagkalat ng kanser, o metastasis, sa mahahalagang organ at tissue ng katawan​—sa utak, atay, bone marrow, o baga​—ang siyang nakamamatay.

Sumailalim si Conchita sa radiation at chemotherapy para patayin ang mga selula ng kanser na kumalat sa palibot ng pinagtanggalan ng bukol at sa buong katawan. Dahil ang kanser niya ay binubuhay ng estrogen, sumailalim din siya sa antihormonal therapy para walang bagong kanser na tumubo.

Dahil sa pagsulong sa paggamot sa breast cancer, marami nang opsyon ang mga pasyente ayon sa kanilang edad, kalusugan, uri ng kanser, at cancer history. Halimbawa, sa kaso ni Arlette, natuklasan ang kanser niya bago pa ito nakalabas sa daluyan ng gatas. Kaya sumailalim siya sa lumpectomy, anupat hindi na kinailangang tanggalin ang suso niya. Si Alice naman ay nagpa-chemotherapy bago magpaopera para lumiit ang tumor. Sa kaso ni Janice, inalis ng siruhano ang tumor at ang sentinel lymph node, ang unang dinadaluyan ng fluid mula sa tumor. Dahil wala naman itong selula ng kanser, hindi na inalis ang iba pang lymph node. Sa gayon, napakaliit na ng posibilidad na magkaroon si Janice ng lymphedema, ang makirot na pamamaga ng braso na maaaring mangyari kapag tinanggal ang maraming lymph node.

Marami nang nalalaman tungkol sa breast cancer, pero ang tanong pa rin ay ito: Bakit nagkaka-breast cancer ang isa at paano ito nagsisimula?

Posibleng mga Sanhi

Palaisipan pa rin ang mga sanhi ng breast cancer. Ayon sa mga kritiko, mas maraming ginagawang pagsasaliksik sa paggamot at maagang pagtuklas dito​—na pinagkakakitaan nang malaki​—kaysa sa mga sanhi at prebensiyon. Pero may natuklasan ding mahahalagang clue ang mga siyentipiko. Naniniwala ang ilan na ang breast cancer ay resulta ng isang masalimuot at mahabang proseso, na nagsisimula sa isang depektibong gene na nagpapangyari sa mga selula na maging abnormal​—dumami nang sobrang bilis, lumaban sa immune system, at umatake sa mahahalagang organ at ibang tissue.

Saan nagmumula ang mga depektibong gene? Sa pagitan ng 5 hanggang 10 porsiyento ng kaso, ang mga babae ay isinisilang na may mga gene na posibleng maging sanhi ng breast cancer. Pero waring sa maraming kaso, ang malulusog na gene ay napipinsala ng mga bagay na gaya ng radiation at mga kemikal, na ilan sa mga pangunahing suspek. Maaaring kumpirmahin ito ng mga pag-aaral sa hinaharap.

Ang isa pang suspek ay ang hormon na estrogen, na waring sanhi ng ilang uri ng breast cancer. Kaya naman mas malamang na magkakanser ang isang babae kung napakaaga niyang nagkaregla o may-edad na siya nang magmenopos, kung matanda na siya nang magkaanak o hindi siya nagkaanak, o kung siya’y nagpa-hormone replacement therapy. Dahil naglalabas ng estrogen ang mga selula ng taba, ang mga babaing masyadong mataba ay mas malamang na magkakanser kahit nagmenopos na sila, kung kailan hindi na naglalabas ng hormon ang obaryo nila. Kasama rin sa mga suspek ang mataas na level ng hormon na insulin at ang mababang level ng hormon para sa pagtulog na melatonin, isang kondisyon na karaniwan sa mga panggabi ang trabaho.

Malapit na kayang makatuklas ng mas epektibo at maginhawang mga paraan ng paggamot sa breast cancer? Sinisikap ng mga mananaliksik na tumuklas ng mga terapi na magpapalakas sa immune system ng katawan at mga gamot na sisira sa mga molecular pathway, o network ng gene at protina, na nagiging sanhi ng kanser. Samantala, dahil sa pinahusay na mga imaging technology, nagiging mas eksakto at epektibo ang radiation therapy.

Sa pakikipaglaban sa breast cancer, sinisikap din ng mga siyentipiko na matuklasan ang proseso ng metastasis, labanan ang mga cancer cell na hindi napapatay ng gamot, kontrolin ang mga signal ng pagdami ng selula, at ibagay ang paggamot sa uri ng tumor.

Pero sa panahon natin ngayon, hindi talaga mawawala ang sakit at patuloy na mamamatay ang mga tao. (Roma 5:12) Tanging ang Maylalang ang maaaring bumago sa ating masaklap na kalagayan. Pero gagawin ba niya iyon? Ang sagot ng Bibliya ay oo! Sinasabi nito na darating ang panahon na “walang sinumang tumatahan ang magsasabi: ‘Ako ay may sakit.’” * (Isaias 33:24) Kaylaking ginhawa niyan!

[Mga talababa]

^ par. 2 Binago ang ilang pangalan.

^ par. 4 Ang Gumising! ay hindi nagrerekomenda ng anumang partikular na paraan ng paggamot.

^ par. 5 Bihira lang ang breast cancer sa mga lalaki.

^ par. 21 Mas detalyadong tinatalakay ang pangakong ito sa aklat na Ano ba Talaga ang Itinuturo ng Bibliya? na inilalathala ng mga Saksi ni Jehova.

[Kahon/Larawan sa pahina 24, 25]

MGA SENYALES NA DAPAT BANTAYAN

Mahalagang matuklasan agad ang kanser. Pero ipinakikita ng ilang pag-aaral na maaaring hindi gaanong tumpak ang mga breast exam at mammogram sa mas bata pang kababaihan, anupat nauuwi lang ito sa di-kinakailangang paggamot at kabalisahan. Gayunman, hinihimok ng mga eksperto ang kababaihan na maging alisto sa mga pagbabago sa kanilang suso at lymph node. Narito ang ilang senyales na dapat bantayan:

● Bukol o anumang matigas na nasasalat sa kilikili o suso

● Anumang lumalabas sa utong maliban sa gatas

● Anumang pagbabago sa kulay o hilatsa ng balat

● Abnormal na paglubog o pangingirot ng utong

[Kahon sa pahina 25]

KUNG MA-DIAGNOSE NA MAY BREAST CANCER KA

● Asahan na isang taon o higit pa ang gamutan at paggaling.

● Kung posible, pumili ng mahusay na doktor na rerespeto sa mga paniniwala at pangangailangan mo.

● Kasama ng iyong pamilya, magpasiya kung kanino mo ipaaalam, at kung kailan. Sa gayo’y magkakaroon ng pagkakataon ang mga kaibigan mo na ipakita ang pagmamahal sa iyo at manalangin kasama mo at para sa iyo.​—1 Juan 3:18.

● Para mabawasan ang kabalisahan, magbasa ng Bibliya, manalangin, at magbulay-bulay ng positibong mga bagay.​—Roma 15:4; Filipos 4:6, 7.

● Makipag-usap sa ibang nagka-breast cancer at sa mga makapagpapatibay sa iyo.​—2 Corinto 1:7.

● Sikaping magpokus sa sitwasyon ngayon, at hindi sa kinabukasan. “Huwag kayong mabalisa tungkol sa susunod na araw,” ang sabi ni Jesus, “sapagkat ang susunod na araw ay magkakaroon ng sarili nitong mga kabalisahan.”​—Mateo 6:34.

● Huwag ubusin ang lakas mo. Kailangan mo ng sapat na pahinga.

[Kahon/Larawan sa pahina 26]

PAKIKIPAG-USAP SA IYONG DOKTOR

● Alamin ang karaniwang mga termino tungkol sa breast cancer.

● Bago pumunta sa doktor, ilista ang mga tanong mo, at magpasama sa iyong asawa o kaibigan para tulungan kang kumuha ng nota.

● Kung may sabihin ang doktor na hindi mo maintindihan, hilingin sa kaniya na ipaliwanag ito.

● Tanungin ang doktor mo kung gaano karami nang kaso na katulad ng sa iyo ang nahawakan niya.

● Kung posible, hingin ang opinyon ng isa pang doktor.

● Kung magkaiba ang opinyon ng mga doktor, tingnan kung sino sa kanila ang mas makaranasan. Hilingin sa kanila na pag-usapan ang kaso mo o kumonsulta ka sa iba pang doktor.

[Kahon/Mga larawan sa pahina 27]

KUNG PAANO MAKAKAYANAN ANG MGA SIDE EFFECT

Maaaring kasama sa mga side effect ng paggamot sa kanser ang pagsusuka, pagkalugas ng buhok, namamalaging pagkapagod, kirot, pamamanhid o pakiramdam na parang may tumutusok sa mga kamay at paa, at mga pagbabago sa balat. Ang sumusunod na mga simpleng hakbang ay maaaring makaginhawa sa iyo:

● Kumain ng masustansiyang pagkain para lumakas ang resistensiya mo.

● Gumawa ng rekord ng energy level mo at ng reaksiyon mo sa mga pagkain.

● Tingnan kung makatutulong ang gamot, acupuncture, o masahe para maibsan ang pagsusuka at kirot.

● Mag-ehersisyo nang katamtaman para mas sumigla ka, makontrol ang timbang mo, at mapalakas ang iyong resistensiya. *

● Magpahinga nang madalas, pero tandaan na nakapanlalata rin ang sobrang tulog.

● Huwag hayaang manuyo ang balat mo. Magsuot ng maluluwang na damit. Maligo ng maligamgam na tubig.

[Talababa]

^ par. 57 Ang mga may kanser ay dapat munang kumonsulta sa doktor bago simulan ang isang programa ng ehersisyo.

[Kahon sa pahina 28]

KUNG MAY KANSER ANG MAHAL MO SA BUHAY

Paano mo susuportahan ang mahal mo sa buhay na may kanser? Sundin ang payo ng Bibliya: “Makipagsaya sa mga taong nagsasaya; makitangis sa mga taong tumatangis.” (Roma 12:15) Ipakita ang pagmamahal mo at pagmamalasakit: tumawag sa telepono, magpadala ng liham o card, mag-e-mail, at dumalaw kahit sandali lang. Manalanging magkasama, at magbasa ng nakaaaliw na mga teksto sa Bibliya. “Huwag banggitin ang mga namatay sa kanser, kundi ang mga gumaling,” ang sabi ni Beryl, asawa ng isang naglalakbay na ministro ng mga Saksi ni Jehova. “Puntahan mo ang kaibigan mo at yakapin,” ang payo ni Janice, na dating may kanser. “Kung gusto niyang pag-usapan iyon, magkukuwento siya.” Ang asawang lalaki, lalo na, ang dapat magbigay ng katiyakan ng kaniyang pagmamahal.

“Regular kaming nagse-set ng isang araw na hindi muna namin pag-uusapan ang kanser,” ang sabi ni Geoff. “Ayaw ng asawa ko na lagi kaming nakapokus sa sakit niya. Kaya gumawa kami ng iskedyul ng mga araw na hindi namin pag-uusapan ang kanser sa buong maghapon. Sa halip, nagpopokus kami sa positibong mga bagay sa buhay. Para itong bakasyon mula sa sakit niya.”

[Kahon sa pahina 28]

ANG SABI NILA

Tungkol sa Diyagnosis

Sharon: Biglang nagbago ang buhay ko. “Mamamatay na yata ako,” ang sabi ko.

Tungkol sa Pinakamahihirap na Sandali

Sandra: Mas matindi ang hirap ng kalooban kaysa sa mismong gamutan.

Margaret: Pagkatapos ng ikalawang gamutan, sasabihin mo, “Ayoko na.” Pero itinutuloy mo pa rin.

Tungkol sa mga Kaibigan

Arlette: Ipinaalam namin ito sa mga kaibigan namin para maipanalangin nila kami.

Jenny: Isang ngiti lang, tango, o pagbati, masaya na ako.

Tungkol sa Mapagmahal na Asawa

Barbara: Nagpakalbo na ako bago pa maubos ang buhok ko. Ang sabi ni Colin, “Ang ganda-ganda pala ng korte ng ulo mo!” Natawa ako.

Sandra: Magkasama kaming nanalamin. Pinagmasdan ko ang mukha ni Joe, at okey na ako.

Sasha: Sinasabi ni Karl sa iba, “May kanser kami.”

Jenny: Hindi nagbago ang pagmamahal ni Geoff, at ang kaniyang espirituwalidad ay matatag at nakapagpapalakas.

[Dayagram/Larawan sa pahina 27]

(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)

Hindi sinusunod ng mga selula ng kanser ang normal na mga signal sa paglaki; sa halip, mabilis itong dumarami at inaatake ang ibang tissue

[Dayagram]

Normal na mga selula sa daluyan ng gatas

Di-kumakalat na kanser sa daluyan ng gatas

Kumakalat na kanser sa daluyan ng gatas

[Larawan sa pahina 28]

Mahalagang bahagi ng paggamot sa kanser ang maibiging suporta ng pamilya at mga kaibigan