Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Ang Macadamia Nut—Espesyal na Pagkain ng Australia

Ang Macadamia Nut—Espesyal na Pagkain ng Australia

Ang Macadamia Nut​—Espesyal na Pagkain ng Australia

TAKOT na takot ang botanikong si Walter Hill nang kumain ng mga nut ang kabataang assistant niya. Ang nut na ito ay mula sa isang bagong-tuklas na uri ng puno na makikita sa subtropikal na kagubatan sa timog-silangang Queensland sa Australia. Nabalitaan ni Hill na nakalalason ito. Pero hindi naman nagkasakit o namatay ang kabataan. Nasarapan pa nga siya sa mga nut na ito. Kaya tinikman din ito ni Hill at nasarapan din siya. Di-nagtagal, binigyan niya ng mga binhi ng macadamia ang mga kaibigan niya at ang mga botaniko sa buong daigdig. *

Mga 150 taon na ang nakalilipas, at ang macadamia nut ay paborito na ngayon sa buong daigdig​—at hindi ito nakapagtataka. Ipinaliwanag ng babasahing Chronica Horticulturae: “Ang macadamia ay masasabing isa sa pinakamasarap na nut sa buong daigdig dahil naiiba ang lasa nito, lutóng, at kulay na parang gatas.” Kaya naman, ang macadamia nut ang pinakapopular na katutubong pananim sa Australia!

Isang Nut na Mahirap Biyakin

Ang puno ng macadamia na laging madahon ay makikita sa subtropikal na silangang baybayin ng Australia. Dalawa sa siyam na uri nito ay namumunga ng nut na makakain. May bunot ito na mahibla, at shell na kulay-tan at pabilog. Ang laman naman nito ay sinlaki ng holen at kulay-gatas.

Pero matigas ang shell nito at mahirap biyakin. * Gumamit ang mga Aborigine ng bato para biyakin ito. Gumamit naman ng martilyo at bakal na patungan ang eksperto sa paghahalaman na si John Waldron. Sa katunayan, sa pamamagitan ng simpleng mga kagamitang ito, nakapagbiyak siya ng mga walong milyong nut sa loob ng 50 taon. May makina bang makagagawa nito? Hindi ito kaya ng mga unang disenyo ng makina dahil nasisira nito ang mismong laman. Pero nang maglaon, naimbento ang mas epektibong mga makina.

Isa pang problema ang pagpapatubo nito. Ang mga binhi mula sa magagandang puno ay kadalasan nang hindi maganda ang bunga. At bigo rin ang mga pagsisikap na magpatubo ng ibang uri. Dahil dito, nahinto ang pagnenegosyo ng macadamia. Pero nakatuklas ang mga taga-Hawaii ng solusyon sa problema. Di-nagtagal, 90 porsiyento ng suplay ng macadamia sa buong daigdig ay nanggagaling sa Hawaii. Hindi nakapagtataka na tawagin itong Hawaiian nut.

Pagkatapos, noong dekada ’60, “naging maunlad na negosyo [sa Australia] ang macadamia.” Natuto sila sa mga taga-Hawaii. Kaya naging matagumpay ang industriyang ito sa Australia, anupat dito na nanggagaling ang mga 50 porsiyento ng suplay ngayon ng macadamia sa buong daigdig. Itinatanim na rin ito sa Aprika, Asia, at Sentral Amerika.

Pagbisita sa Isang Taniman sa Australia

Binisita ng isang manunulat ng Gumising! si Andrew, na may taniman ng macadamia malapit sa bayan ng Lismore, sa New South Wales. “Nagtatanim kami kada ilang hanay ng iba’t ibang uri ng macadamia para sa polinisasyon,” ang sabi ni Andrew. Nalaman ng Gumising! na mga 80 porsiyento ng milyun-milyong puno sa Australia ay mga piling binhi ng Hawaii. Pero ang mga breeder sa Australia ay gumagamit na ngayon ng mga sangkap mula sa ligaw na macadamia para umani ng mas magagandang nut.

Parang nakasabit na maliliit na bola sa mayayabong na puno ang daan-daang nut. Nahihinog ito sa loob ng anim na buwan at saka malalaglag sa lupa. Napansin namin na may butas ang ilang nut sa lupa. “Kayang ngatngatin ng mga daga ang shell sa loob lang ng walong segundo. Gustung-gusto rin ng mga baboy-ramo ang macadamia nut,” ang sabi ni Andrew. Sa paglalakad namin, huminto si Andrew at sinipa ang isang nut na medyo nakabaon sa lupa. “Tatlong sentimo rin ’yon,” nakangiting sinabi niya. Gumagamit ang maraming magsasaka ng makina na may drum at maiikling pangkalaykay na plastik para makuha ang mga nalaglag na nut. Pagkatapos, ang nut ay tinatanggalan ng bunot at pinagbubukud-bukod. Dinadala ito sa pabrika para doon biyakin ang shell at uriin, at saka ipadadala sa mga kostumer.

Malinamnam at Masustansiya!

Nang matapos ang aming tour, namapak kami ng macadamia. Ninamnam namin ang makremang lasa nito. Pero masustansiya ba ang macadamia nut? Ang langis ng nut na ito (pangunahin nang monounsaturated oil, o langis na mabuti sa kalusugan) ay “karaniwan nang mahigit sa 72%, pinakamataas na porsiyento ng langis na makukuha sa mga nut,” ang sabi ng isang ulat mula sa gobyerno. Ayon sa mga pag-aaral kamakailan, ang pagkain nang katamtamang dami nito ay nakapagpapababa ng bad cholesterol, triglyceride, at presyon ng dugo.

Maraming tao ang nasasarapan sa tsokolate, cookie, at ice cream na may macadamia nut. Mas gusto naman ng iba na ibusa ang macadamia, lagyan ng kaunting asin, o kainin agad pagkaalis sa shell. Anuman ang gusto nila, hinahanap-hanap ito ng marami.

[Mga talababa]

^ par. 2 Ilang taon bago nito, nanguha ng macadamia nut ang mga manggagalugad na sina Cunningham (1828) at Leichhardt (1843). Itinago nila ito at hindi nilagyan ng pangalan. Noong 1857, tinawag itong Macadamia ng kasamahan ni Hill na si Ferdinand von Mueller, isang botaniko sa Melbourne. Kuha ito sa pangalan ng kaniyang malapít na kaibigan na si Dr. John Macadam.

^ par. 6 Ang durog na shell ng macadamia nut ay napakatigas at ginagamit ng mga industriya na materyal para sa pangkiskis.

[Kahon sa pahina 23]

MGA SHELL NA GINAGAMIT NA FUEL SA PLANTA NG KURYENTE

Ang mga shell ng macadamia nut na kasintigas ng bato ay puwedeng gawing fuel na halos katulad ng kulay-kapeng karbon. Kaya ginagamit ng isang kompanya ng enerhiya sa Australia ang mga basurang shell na ito para makapagsuplay ng kuryente sa planta ng nut at sa maraming lugar. Ang kompanyang ito ang unang gumamit ng basura para makapagsuplay ng enerhiya. Mas marami pa itong maisusuplay habang dumarami ang mga nagtatanim ng macadamia na makapagbibigay ng shell nito.

[Larawan sa pahina 23]

Libu-libong puno ang itinatanim sa Australia taun-taon

[Picture Credit Line sa pahina 23]

All photos pages 22 and 23: Australian Macadamia Society