Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . .

Bakit ba Lagi Akong Napag-iiwanan?

Bakit ba Lagi Akong Napag-iiwanan?

“Tuwing Sabado’t Linggo, parang ang lahat ng tao sa mundo’y gumigimik puwera lang sa akin.”​—Renee.

“Lahat ng tin-edyer ay naglalakwatsa pero hindi nila ako niyayaya!”​—Jeremy.

ANG ganda ng panahon, at lahat ay may lakad maliban sa iyo. Ang lahat ng kaibigan mo ay lumalabas para mag-enjoy. Napag-iwanan ka na naman!

Talagang nakakasama ng loob kapag hindi ka niyayaya sa mga lakaran, pero mas masakit isipin kung bakit hindi ka niyaya. ‘Siguro, ako ang may diperensiya,’ ang sabi mo sa sarili mo. ‘Bakit kaya ayaw nila akong kasama?’

Kung Bakit Nakakasama ng Loob

Normal lamang na naisin mong magustuhan ka at tanggapin ng grupo. Ang totoo, nakakatulong sa atin ang pakikisalamuha sa iba. Bago lalangin si Eva, sinabi ni Jehova hinggil kay Adan: “Hindi mabuti para sa lalaki na manatiling nag-iisa.” (Genesis 2:18) Maliwanag, kailangan ng tao ang isa’t isa; nilikha tayong ganiyan. At iyan mismo ang dahilan kung bakit sumasama ang loob natin kapag napag-iiwanan tayo.

Lalo nang nakakadismaya kung paulit-ulit kang ipinupuwera o ipinadarama sa iyo na talagang hindi mo kayang sumabay sa mga taong gusto mong maging kaibigan. “May mga magkakabarkada na maraming nagagawa,” ang sabi ng kabataang babaing si Marie, “pero alam mong iniisip nilang hindi ka papasa sa kanila.” Kapag ipinupuwera ka sa grupo, maiisip mong napag-iiwanan ka at sasama ang loob mo.

Kung minsan, pakiramdam mo’y nagsosolo ka kahit marami kang kasama. Sinabi ni Nicole, “Baka hindi kayo maniwala, pero noong minsang nasa isang salu-salo ako, ang lungkut-lungkot ko. Siguro dahil wala akong ka-close kahit ang dami-daming nandun.” Pakiramdam pa nga ng iba ay nagsosolo sila kahit sa Kristiyanong mga asamblea at kombensiyon. “Parang lahat sila ay magkakakilala,” ang sabi ni Meagan, “puwera lang ako!” Ganiyan din ang nadarama ng dalagang si Maria. Sinabi niya, “Parang ang dami-daming kaibigang nakapalibot sa akin pero wala akong kaibigan ni isa.”

Lahat naman ay nakadarama ng kalungkutan​—kahit pa nga ang mga sikat o masayahin. “Maging sa pagtawa man ay maaaring nasasaktan ang puso,” ang sabi ng isang kawikaan sa Bibliya. (Kawikaan 14:13) Kapag matindi at hindi mawala-wala ang kalungkutan, nakapanghihina ito ng loob. Sinasabi ng Bibliya: “Dahil sa kirot sa puso ay may bagbag na espiritu.” Ganito ang ibang salin sa tekstong ito: “Ang kirot ng puso ay dumudurog sa espiritu.” (Kawikaan 15:13; Ang Biblia​—Bagong Salin sa Pilipino) Kung pakiramdam mo ay nadudurog ang puso mo dahil napag-iiwanan ka, ano ang puwede mong gawin?

Labanan ang Kalungkutan

Para malabanan ang kalungkutan, subukan ang sumusunod na mga hakbang:

Magaganda mong katangian ang tingnan mo. (2 Corinto 11:6) Tanungin ang sarili, ‘Anu-ano ang kaya kong gawin?’ Isipin ang mga talento mo o ang magaganda mong katangian, at itala ang mga ito sa ibaba.

․․․․․․․․․․

Kapag pakiramdam mo’y ayaw nila sa iyo, isipin mo ang magaganda mong mga katangian​—gaya ng mga isinulat mo sa itaas. Totoong may mga kahinaan ka at dapat mong pasulungin ang mga ito. Pero huwag ka namang masiraan ng loob. Sa halip, isipin mong may potensiyal ka at mapasusulong mo pa ang mga katangian mo. Ang mga ito ang tingnan mo!

Magpalawak. (2 Corinto 6:11-13) Ikaw ang maunang makipagkilala. Totoo, hindi ito madali. “Parang nakakaasiwa kapag may grupu-grupo,” ang sabi ng 19-anyos na si Liz, “pero kapag nilapitan mo at binati ang isa sa kanila, magiging kagrupo ka na nila kaagad.” (Tingnan ang kahong “Mga Tip sa Pakikipag-usap.”) Kung ayaw mong mapag-iwanan, tiyakin mong wala ka ring napag-iiwanan​—gaya ng mga may-edad na. “Noong ako’y 10 o 11 taóng gulang,” ang sabi ng isang tin-edyer na si Cori, “may kaibigan akong mas matanda sa akin. Napaka-close namin kahit malaki ang agwat ng edad namin.”

Mag-isip ng dalawang adulto sa inyong kongregasyon na gusto mong makilala pa nang higit.

․․․․․․․․․․

Sa susunod ninyong pulong sa kongregasyon, bakit hindi lapitan ang isa sa mga inilista mo sa itaas. Kausapin siya. Tanungin ang taong iyon kung paano siya nagkainteres sa Bibliya. Habang sinisikap mong makilala ang “buong samahan ng mga kapatid,” mababawasan ang pagkadama mong nag-iisa ka at napag-iiwanan.​—1 Pedro 2:17.

Makipag-usap sa isang adulto. (Kawikaan 17:17) Kapag ipinakikipag-usap mo ang iyong mga problema sa iyong mga magulang o sa isang adulto, mababawasan ang pakiramdam mo na nagsosolo ka. Iyan ang napatunayan ng isang 16-na-taóng-gulang na babae. Noong una, palagi niyang iniisip na napag-iiwanan siya. “Paulit-ulit kong iniisip kung ano ang nangyari at kung bakit pakiramdam ko’y napag-iwanan ako,” ang sabi niya. “Pero sinasabi ko kay Nanay ang nararamdaman ko, at pinapayuhan niya ako kung paano haharapin ang situwasyon. Talagang nakakatulong kapag inihihinga mo ang problema mo!”

Kung pakiramdam mo’y lagi kang napag-iiwanan at kailangan mo ng isang mapaghihingahan, sino ang puwede mong lapitan?

․․․․․․․․

Isipin ang iba. (1 Corinto 10:24) Sinasabi ng Bibliya na dapat “na itinutuon [natin] ang [ating] mata, hindi lamang sa personal na kapakanan ng [ating] sariling mga bagay-bagay, kundi sa personal na kapakanan din ng iba.” (Filipos 2:4) Totoo, kapag nadarama mong napag-iiwanan ka, madali kang malungkot o panghinaan ng loob. Pero sa halip na tuluyan kang masiraan ng loob, bakit hindi ka tumulong sa iba na nangangailangan? Baka dahil diyan, magkaroon ka ng bagong mga kaibigan!

Isipin mo kung sino, marahil sa pamilya mo o sa kongregasyon, ang nangangailangan ng tulong o makakasama. Isulat mo sa ibaba ang pangalan ng taong iyon, at itala kung paano mo siya matutulungan.

․․․․․․․․․

Kapag inisip mo hindi lamang ang iyong kapakanan kundi ang kapakanan din ng ibang tao at tinulungan mo sila, hindi mo na gaanong maiisip na nagsosolo ka. Dahil diyan, lalong magiging positibo ang pananaw mo sa buhay pati na ang iyong disposisyon, at ito ang aakit sa iba na makipagkaibigan sa iyo. Sinasabi ng Kawikaan 11:25: “Ang saganang dumidilig sa iba ay sagana ring didiligin.”

Maging mapamili. (Kawikaan 13:20) Mas mainam na magkaroon ng iilang tunay na kaibigan na nagmamalasakit sa iyo kaysa sa maraming tinatawag na kaibigan na magpapahamak naman sa iyo. (1 Corinto 15:33) Isaalang-alang ang kabataang si Samuel na binabanggit sa Bibliya. Malamang na may mga panahong nadama niyang nagsosolo siya sa tabernakulo. Kasa-kasama niya roon sina Hopni at Pinehas, na hindi magandang kaibiganin dahil sa kanilang masamang paggawi​—kahit mga anak pa nga sila ng mataas na saserdote. Kung makikiayon si Samuel sa kanila, masisira ang kaniyang kaugnayan kay Jehova. Pero tiyak na ayaw ni Samuel na mangyari iyan! Sinasabi ng Bibliya: “Samantala, ang batang si Samuel ay lumalaki at nagiging higit na kaibig-ibig kapuwa sa pangmalas ni Jehova at niyaong sa mga tao.” (1 Samuel 2:26) Sinong mga tao? Tiyak na hindi sina Hopni at Pinehas, na marahil ay umiwas pa nga kay Samuel dahil sa mabuting paggawi nito. Sa halip, dahil sa kapuri-puring mga katangian ni Samuel, kinagiliwan siya ng mga nagtataguyod ng mga pamantayan ng Diyos. Ang mga taong umiibig kay Jehova ang uri ng mga kaibigang kailangan mo!

Maging positibo. (Kawikaan 15:15) Lahat ng tao ay nakadarama kahit paano na napag-iiwanan sila paminsan-minsan. Ano kaya ang puwedeng makatulong? Sa halip na puro negatibong mga bagay ang isipin, sikaping magkaroon ng positibong pananaw sa buhay. Tandaan na bagaman hindi mo makokontrol ang lahat ng nangyayari sa buhay mo, makokontrol mo naman ang reaksiyon mo sa mga bagay-bagay.

Kapag pakiramdam mo’y napag-iiwanan ka, kumilos ka upang mabago mo ang situwasyon o kung hindi man, mabago mo ang iyong pananaw. Laging tandaan na si Jehova ang gumawa sa iyo, kaya alam niya ang kailangan mo at ang pinakamainam na paraan para mapunan ito. Manalangin kay Jehova kung palagi mong nadaramang napag-iiwanan ka. Magtiwala na “siya ang aalalay sa iyo.”​—Awit 55:22.

Mas marami pang artikulo mula sa seryeng “Young People Ask . . .” ang mababasa sa Web site na www.watchtower.org/ype

PAG-ISIPAN

◼ Anu-anong positibong hakbang ang maaari kong gawin kapag nadarama kong napag-iiwanan ako?

◼ Anu-anong teksto ang tutulong sa akin na maging timbang sa halip na panghinaan ng loob sa pag-iisip ng negatibong mga bagay?

[Kahon/Larawan sa pahina 12]

Mga Tip sa Pakikipag-usap

Ngumiti. Maaakit ang mga tao na kausapin ka kung magiliw ka sa kanila.

Magpakilala. Sabihin ang iyong pangalan at kung saan ka nakatira.

Magtanong. Maaari kang magtanong nang hindi naman nanghihimasok sa kanilang pribadong buhay.

Makinig. Huwag kang mag-alala sa susunod mong sasabihin. Makinig ka muna. Kusa mo nang maiisip kung ano ang susunod mong itatanong o sasabihin.

Relaks! Magkakaroon ka ng bagong mga kaibigan kapag nakikipag-usap ka. Kaya mag-enjoy ka lamang habang nakikipag-usap!