Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Isasapuso Mo Ba ang mga Bagay na Isinulat?

Isasapuso Mo Ba ang mga Bagay na Isinulat?

“Isinulat ang mga [bagay na] ito bilang babala sa atin na dinatnan ng mga wakas ng mga sistema ng mga bagay.”—1 COR. 10:11.

AWIT: 11, 61

1, 2. Bakit natin tatalakayin ang halimbawa ng apat na hari ng Juda?

KAPAG may nakita kang nadulas at nadapa sa daan, malamang na mag-iingat ka kung daraan ka rin doon. Totoo rin iyan sa espirituwal. Kung isasaalang-alang natin ang mga pagkakamali ng iba, maiiwasan nating magawa ang mga iyon. May matututuhan tayong mahahalagang aral sa pagkakamali ng iba, kasama na ang mga nakaulat sa Bibliya.

2 Ang apat na hari ng Juda na tinalakay sa naunang artikulo ay naglingkod kay Jehova nang may sakdal na puso. Pero nakagawa sila ng malulubhang pagkakamali. Ano ang matututuhan natin sa mga nagawa nila, at paano natin maiiwasang maulit ang mga iyon? Makikinabang tayo sa pagbubulay-bulay sa mga bagay na isinulat noong una para sa ating ikatututo.—Basahin ang Roma 15:4.

KAPAHAMAKAN ANG DULOT NG PAGTITIWALA SA KARUNUNGAN NG TAO

3-5. (a) Kahit sakdal ang puso ni Asa kay Jehova, anong problema ang napaharap sa kaniya? (b) Bakit kaya sa tao nagtiwala si Asa nang sumalakay si Baasa laban sa Juda?

3 Talakayin muna natin si Asa at tingnan kung paano dapat makaapekto ang Salita ng Diyos sa buhay natin. Nagtiwala si Asa kay Jehova nang salakayin ng isang milyong Etiope ang Juda. Pero hindi niya iyon ginawa nang simulan ni Baasa, hari ng Israel, na patibayin ang Rama, isang lunsod sa hangganan ng nasasakupan ni Asa. (2 Cro. 16:1-3) Nagtiwala si Asa sa sarili niyang karunungan at sinuhulan si Haring Ben-hadad ng Sirya para salakayin si Baasa. Nagtagumpay ba ang taktika ni Asa? Sinasabi ng Bibliya: “Nang marinig ito ni Baasa, kaagad niyang itinigil ang pagtatayo ng Rama at inihinto ang kaniyang gawain.” (2 Cro. 16:5) Sa unang tingin, mukhang nagtagumpay ang estratehiya ni Asa.

4 Pero ano ang tingin ni Jehova sa ginawa ni Asa? Isinugo ng Diyos ang kaniyang tagapagsalitang si Hanani para sawayin si Asa dahil hindi ito nagtiwala kay Jehova. (Basahin ang 2 Cronica 16:7-9.) Sinabi ni Hanani: “Mula ngayon ay magkakaroon ng mga digmaan laban sa iyo.” Naitaboy nga si Baasa; pero sa natitirang bahagi ng paghahari ni Asa, nakaranas ang kaniyang bayan ng maraming digmaan.

5 Gaya ng natutuhan natin sa naunang artikulo, sinuri ng Diyos ang puso ni Asa at nakitang sakdal ito sa Kaniya. (1 Hari 15:14) Sa kabuoan, nakita ng Diyos na lubos ang debosyon ni Asa at sumusunod siya sa Kaniyang mga kahilingan. Pero kinailangang anihin ni Asa ang masasamang resulta ng ginawa niya. Sa pagharap kay Baasa, bakit kaya nagtiwala si Asa sa tao—kay Ben-hadad at sa sarili niya—sa halip na kay Jehova? Inisip kaya niya na mas magtatagumpay ang diplomasya o taktika sa militar kaysa sa paghingi ng tulong sa Diyos? Dahil kaya ito sa masamang payo ng iba?

6. Ano ang matututuhan natin sa pagkakamali ni Asa? Ilarawan.

6 Pakikilusin ba tayo ng ulat tungkol kay Asa na suriin ang ating sarili? Kapag napapaharap sa mga problema na parang napakahirap, madali sa atin na magtiwala kay Jehova. Pero paano kung maliliit na problema lang? Umaasa ba tayo sa sariling karunungan para solusyunan ito? O naghahanap tayo ng mga simulain sa Bibliya at sinusunod ang mga ito, na nagpapakitang nagtitiwala tayo kay Jehova? Halimbawa, baka tutol ang mga kapamilya mo sa pagdalo mo sa mga pulong o asamblea. Hilingin ang patnubay ni Jehova na tulungan kang malaman ang pinakamagandang paraan para harapin ito. Paano naman kung nawalan ka ng trabaho, at nahihirapan kang maghanap? Sasabihin mo pa rin ba sa inaaplayan mo na kailangan mong regular na dumalo sa mga pulong linggo-linggo? Anuman ang problemang mapaharap sa atin, sundin natin ang sinabi ng salmista: “Igulong mo kay Jehova ang iyong lakad, at manalig ka sa kaniya, at siya mismo ang kikilos.”—Awit 37:5.

ANO ANG PUWEDENG MAGING EPEKTO NG MASASAMANG KASAMA?

7, 8. Anong mga pagkakamali ang nagawa ni Jehosapat, at ano ang resulta? (Tingnan ang larawan sa simula ng artikulo.)

7 Pag-usapan naman natin ang anak ni Asa na si Jehosapat. Marami siyang magagandang katangian. Dahil sa pagtitiwala niya sa Diyos, marami siyang nagawang mabuti. Pero nakagawa rin siya ng maling mga desisyon. Halimbawa, nakipag-alyansa siya ukol sa pag-aasawa kay Ahab, ang masamang hari ng hilagang kaharian. At kahit binabalaan siya ni propeta Micaias, sumama pa rin si Jehosapat kay Ahab sa pakikipaglaban sa mga Siryano. Sa labanan, muntik nang mapatay si Jehosapat. (2 Cro. 18:1-32) Pagbalik niya sa Jerusalem, tinanong siya ni propeta Jehu: “Sa balakyot ba dapat ibigay ang tulong, at yaon bang mga napopoot kay Jehova ang dapat mong ibigin?”—Basahin ang 2 Cronica 19:1-3.

8 Natuto ba si Jehosapat mula sa karanasang iyon? Patuloy siyang nagpakita ng sigasig para sa Diyos, pero lumilitaw na hindi siya natuto sa karanasan niya kay Ahab at sa babala ni Jehu. Muling nakipag-alyansa si Jehosapat sa isa pang kalaban ng Diyos, ang anak ni Ahab na si Haring Ahazias. Gumawa sina Jehosapat at Ahazias ng mga barko, na nasira lang at hindi napakinabangan.—2 Cro. 20:35-37.

9. Paano makaaapekto sa atin ang masasamang kasama?

9 Ang ulat tungkol kay Jehosapat ay dapat magpakilos sa atin na suriin ang ating sarili. Paano? Sa kabuoan, naging mabuting hari si Jehosapat. Ginawa niya ang tama at ‘hinanap niya si Jehova nang kaniyang buong puso.’ (2 Cro. 22:9) Pero hindi siya ligtas sa epekto ng masasamang kasama. Tandaan ang kinasihang kawikaang ito: “Siyang lumalakad na kasama ng marurunong ay magiging marunong, ngunit siyang nakikipag-ugnayan sa mga hangal ay mapapariwara.” (Kaw. 13:20) Siyempre pa, baka sinisikap nating tulungan ang mga interesado na malaman ang katotohanan. Pero muntik nang mapatay si Jehosapat dahil sa di-kinakailangang pakikipagsamahan kay Ahab. Puwede rin tayong mapahamak dahil sa di-kinakailangang pakikipagsamahan sa mga hindi naglilingkod kay Jehova.

10. (a) Kung gusto nating mag-asawa, ano ang matututuhan natin kay Jehosapat? (b) Ano ang dapat nating tandaan kapag napapaharap sa masasamang kasama?

10 Ano pa ang matututuhan natin sa karanasan ni Jehosapat? Baka magsimulang mahulog ang loob ng isang Kristiyano sa isa na hindi umiibig kay Jehova, sa pag-aakalang wala siyang makikitang angkop na mapapangasawa sa tunay na mga Kristiyano. O baka pinipilit siya ng di-Saksing mga kamag-anak na mag-asawa na ‘bago lumampas sa kalendaryo.’ Baka ang iba naman ay gaya ng isang sister, na nagsabi: “Likas sa atin na maghangad ng pagmamahal at ng makakasama.” Ano ang gagawin ng isang Kristiyano? Makatutulong ang pagbubulay-bulay sa nangyari kay Jehosapat. Kadalasan, humihiling naman siya ng patnubay sa Diyos. (2 Cro. 18:4-6) Pero nang makipagsamahan si Jehosapat kay Ahab, na hindi umiibig kay Jehova, binale-wala niya ang babala ni Jehova. Tinandaan sana ni Jehosapat na ang mga mata ni Jehova ay nakatingin sa mga may pusong sakdal sa kaniya. Sa ngayon din, ang mga mata ng Diyos ay “lumilibot sa buong lupa,” at handa siyang “ipakita ang kaniyang lakas” alang-alang sa atin. (2 Cro. 16:9) Naiintindihan niya ang sitwasyon natin at mahal niya tayo. Nagtitiwala ka ba na sasapatan ng Diyos ang pangangailangan mo ng pagmamahal at ng makakasama? Makatitiyak ka na sa tamang panahon, gagawin niya iyon!

Huwag magkaroon ng romantikong kaugnayan sa hindi sumasamba kay Jehova (Tingnan ang parapo 10)

HUWAG HAYAANG MAGMATAAS ANG IYONG PUSO

11, 12. (a) Paano nabunyag ang nasa puso ni Hezekias? (b) Bakit nakaligtas si Hezekias sa galit ng Diyos?

11 Ano ang matututuhan natin kay Hezekias? Minsan, ibinunyag ng Tagasuri ng puso kung ano ang nasa puso ni Hezekias. (Basahin ang 2 Cronica 32:31.) Nang magkasakit siya nang malubha, binigyan siya ng Diyos ng isang tanda na nagpapakitang gagaling siya—ang anino na umatras nang 10 baytang sa hagdan. Lumilitaw na nagsugo ng mga kinatawan ang mga prinsipe ng Babilonya para alamin ang tungkol sa tandang iyon. (2 Hari 20:8-13; 2 Cro. 32:24) Noong “iniwan siya” ni Jehova, ipinakita ni Hezekias sa mga Babilonyo “ang kaniyang buong imbakang-yaman.” Dahil sa di-matalinong pagkilos na iyan, nabunyag “ang lahat ng nasa kaniyang puso.”

12 Hindi sinasabi ng Bibliya kung bakit naging mapagmataas ang puso ni Hezekias. Dahil kaya ito sa tagumpay niya sa mga Asiryano o sa makahimalang pagpapagaling sa kaniya ng Diyos? O baka naman dahil sa kaniyang “kayamanan at kaluwalhatian na lubhang napakalaki”? Anuman ang rason, dahil naging mapagmataas si Hezekias, siya ay “hindi gumanti nang ayon sa pakinabang na isinagawa sa kaniya.” Napakasaklap nga! Kahit masasabing naglingkod siya sa Diyos nang may sakdal na puso, may panahong hindi niya napalugdan si Jehova. Pero nang maglaon, “si Hezekias ay nagpakumbaba,” kung kaya siya at ang kaniyang bayan ay nakaligtas sa galit ng Diyos.—2 Cro. 32:25-27; Awit 138:6.

13, 14. (a) Sa anong pagkakataon tayo maaaring ‘iwan ni Jehova para ilagay tayo sa pagsubok’? (b) Paano tayo dapat tumugon kapag pinupuri dahil sa mga nagawa natin?

13 Paano tayo makikinabang sa pagbabasa at pagbubulay-bulay sa ulat tungkol kay Hezekias? Tandaan na lumitaw ang kaniyang pagiging mapagmataas matapos talunin ni Jehova si Senakerib at pagalingin si Hezekias mula sa nakamamatay na sakit. Kung pinupuri tayo dahil may nagawa tayong mabuti, posible kaya na ‘iniiwan tayo ni Jehova para ilagay tayo sa pagsubok’ at makita kung ano ang nasa puso natin? Halimbawa, baka pinaghandaang mabuti ng isang brother ang kaniyang pahayag na ihaharap sa maraming tagapakinig. Marami ang pumuri sa kaniya dahil dito. Paano siya tutugon?

14 Kapag pinupuri, makabubuting sundin ang sinabi ni Jesus: “Kapag nagawa na ninyo ang lahat ng mga bagay na iniatas sa inyo, sabihin ninyo, ‘Kami ay walang-kabuluhang mga alipin. Ang aming ginawa ang siyang dapat naming gawin.’” (Luc. 17:10) Muli, may matututuhan tayo kay Hezekias. Lumitaw ang kaniyang pagiging mapagmataas dahil “hindi [siya] gumanti nang ayon sa pakinabang na isinagawa sa kaniya.” Ang pagbubulay-bulay sa mga ginawa ng Diyos para sa atin ay tutulong para maiwasan ang saloobing kinapopootan ni Jehova. Kaya kapag pinupuri, puwede nating sabihin kung paano tayo tinulungan ni Jehova. Tutal, siya ang naglaan ng Bibliya at ng banal na espiritu na tumutulong sa kaniyang bayan.

MAG-INGAT SA PAGDEDESISYON

15, 16. Bakit naiwala ni Josias ang proteksiyon ng Diyos, na naging dahilan ng kamatayan niya?

15 Anong babala ang matututuhan natin sa nangyari sa mabuting hari na si Josias? Pansinin kung ano ang dahilan ng pagkatalo at kamatayan niya. (Basahin ang 2 Cronica 35:20-22.) Si Josias ay “lumabas upang harapin” si Haring Neco ng Ehipto, kahit sinabi ng haring ito kay Josias na hindi siya ang kalaban nito. Sinasabi ng Bibliya na ang mga salita ni Neco ay “mula sa bibig ng Diyos.” Kung gayon, bakit kaya gustong makipaglaban ni Josias? Hindi sinasabi ng Bibliya.

16 Pero paano malalaman ni Josias kung mula nga kay Jehova ang mga salita ni Neco? Nagtanong sana siya kay Jeremias, isa sa tapat na mga propeta. (2 Cro. 35:23, 25) Pero walang ulat na ginawa niya iyon. Isa pa, Carkemis ang pupuntahan ni Neco para makipagdigma “laban sa ibang sambahayan,” hindi sa Jerusalem. Hindi rin naman sangkot dito ang pangalan ng Diyos dahil hindi naman tinutuya ni Neco si Jehova o ang bayan Niya. Kaya mali ang desisyon ni Josias na makipaglaban kay Neco. Ano ang aral para sa atin? Kapag napapaharap sa isang problema, makabubuting alamin muna ang kalooban ni Jehova tungkol dito.

17. Kapag nagkaproblema tayo, paano natin maiiwasang makagawa ng pagkakamaling gaya ng kay Josias?

17 Kapag nagkaproblema, dapat nating pag-isipan ang kaugnay na mga simulain sa Bibliya at sundin ang mga ito sa balanseng paraan. Sa ilang kaso, makabubuting lumapit tayo sa mga elder. Baka may mga bagay na tayong alam tungkol sa problema natin, at nakapagsaliksik na rin tayo sa mga publikasyon. Pero baka matulungan tayo ng isang elder na isaalang-alang ang iba pang simulain sa Bibliya. Halimbawa, alam ng isang sister na may pananagutan siyang mangaral ng mabuting balita. (Gawa 4:20) Ipagpalagay na may plano siyang lumabas sa larangan. Pero nang araw na iyon, gusto ng kaniyang di-sumasampalatayang mister na sa bahay lang siya. Sinabi nito na halos wala na silang panahon sa isa’t isa, at gusto nitong mag-date sila. Para makapagdesisyon nang tama, maaaring pag-isipan ng sister ang kaugnay na mga teksto sa Bibliya, gaya ng pagsunod sa Diyos at ang utos na gumawa ng mga alagad. (Mat. 28:19, 20; Gawa 5:29) Pero kailangan din niyang tandaan ang tungkol sa pagpapasakop ng asawang babae at ang pagiging makatuwiran. (Efe. 5:22-24; Fil. 4:5) Talaga bang hinahadlangan siya ng mister niya na lumabas sa larangan, o gusto lang nitong makasama siya sa araw na iyon? Kailangan nating maging balanse sa paggawa ng kalooban ng Diyos at magsikap na magkaroon ng mabuting budhi.

PANATILIHIN ANG SAKDAL NA PUSO AT MAGING MASAYA

18. Paano ka nakinabang sa pagtalakay natin sa apat na hari ng Juda?

18 Dahil hindi tayo sakdal, baka magawa rin natin ang mga pagkakamaling nagawa ng apat na haring tinalakay natin. Baka (1) magtiwala tayo sa karunungan ng tao, (2) pumili ng masasamang kasama, (3) maging mapagmataas, o (4) magdesisyon nang hindi muna inaalam ang kalooban ng Diyos. Napakabait ni Jehova dahil tinitingnan niya ang mabubuting katangian natin, gaya ng ginawa niya sa apat na haring iyon! Nakikita rin ni Jehova kung gaano natin siya kamahal at na gusto natin siyang paglingkuran nang lubusan. Kaya naglaan siya ng mga babalang halimbawa na tutulong sa atin na makaiwas sa malulubhang pagkakamali. Bulay-bulayin natin ang mga ulat na ito ng Bibliya at pasalamatan si Jehova dahil sa mga ito!