Liham sa mga Taga-Colosas 4:1-18

4  Kayong mga panginoon, maging matuwid kayo at patas sa pagtrato sa inyong mga alipin, dahil alam ninyong may Panginoon din kayo sa langit.+  Magmatiyaga kayo sa pananalangin+ para manatili kayong gisíng, at maging mapagpasalamat kayo.+  At manalangin din kayo para sa amin,+ na magbukas sana ng daan ang Diyos para maihayag namin ang kaniyang salita, ang sagradong lihim tungkol sa Kristo, na dahilan kung bakit ako nasa bilangguan,+  at para maihayag ko ito nang malinaw gaya ng nararapat.  Patuloy na lumakad nang may karunungan kapag kasama ninyo ang mga di-kapananampalataya, at gamitin ninyo sa pinakamabuting paraan ang oras ninyo.+  Laging maging mabait sa inyong pananalita, na tinitimplahan ito ng asin,+ para malaman ninyo kung paano kayo dapat sumagot sa bawat isa.+  Si Tiquico,+ isang minamahal na kapatid at kapuwa alipin at tapat na lingkod ng Panginoon, ang magdadala sa inyo ng balita tungkol sa akin.  Isinusugo ko siya sa inyo para malaman ninyo ang kalagayan namin at para maaliw niya kayo.  Kasama niya si Onesimo,+ ang tapat at minamahal kong kapatid na galing sa inyo. Sasabihin nila sa inyo ang lahat ng nangyayari dito. 10  Binabati kayo ni Aristarco+ na kapuwa ko bihag, pati ng pinsan ni Bernabe+ na si Marcos+ (ang tinutukoy namin na malugod ninyong tanggapin+ kung sakaling pumunta siya sa inyo), 11  at ni Jesus na tinatawag na Justo, na mga kabilang sa mga tuli. Sila lang ang mga kamanggagawa ko para sa Kaharian ng Diyos, at talagang napalalakas nila ako. 12  Binabati kayo ni Epafras,+ isang alipin ni Kristo Jesus na galing sa inyo. Lagi siyang nananalangin nang marubdob para sa inyo, para manatili kayong may-gulang at nanghahawakan sa lahat ng kalooban ng Diyos hanggang sa wakas. 13  Sinasabi ko sa inyo na talagang nagpagal siya para sa inyo at sa mga nasa Laodicea at Hierapolis. 14  Binabati kayo ni Lucas,+ ang minamahal na doktor, at ni Demas.+ 15  Iparating ninyo ang pagbati ko sa mga kapatid sa Laodicea at kay Nimfa at sa kongregasyon na nagtitipon sa bahay niya.+ 16  Kapag nabasa na ninyo ang liham na ito, isaayos ninyo na mabasa+ rin ito ng kongregasyon sa Laodicea at basahin din ninyo ang liham na ipinadala ko sa Laodicea. 17  Sabihin din ninyo kay Arquipo:+ “Magpokus ka* sa ministeryong tinanggap mo mula sa Panginoon para maisagawa mo ito.” 18  Ako, si Pablo, ay bumabati rin sa inyo.+ Patuloy ninyong isaisip ang mga gapos ko sa bilangguan.+ Sumainyo nawa ang walang-kapantay na kabaitan.

Talababa

O “Magsikap ka nang husto.”

Study Notes

gamitin ninyo sa pinakamabuting paraan ang oras ninyo: O “bilhin ninyo ang naaangkop na panahon.” Lumitaw rin ang ekspresyong ito sa Col 4:5. Kailangang magsakripisyo para masunod ang payong ito, dahil nangangahulugan ito na kailangang bawasan ng isa ang panahon niya sa ibang bagay na di-gaanong mahalaga para magamit niya ang oras niya sa espirituwal na mga gawain. Espesipiko ang tinutukoy dito ni Pablo na oras, o panahon. Nang panahong iyon, maganda ang kalagayan ng mga Kristiyano sa Efeso dahil malaya nilang naisasagawa ang kanilang ministeryong Kristiyano. Kaya pinasigla sila ni Pablo na huwag sayangin ang napakagandang panahong iyon, kundi samantalahin ito at gamitin sa pinakamabuting paraan.

mga di-kapananampalataya: O “mga nasa labas.” Tumutukoy ito sa mga nasa labas ng organisasyong nagbubuklod sa lahat ng tunay na tagasunod ni Kristo. (Mat 23:8; ihambing ang 1Co 5:12.) Hinihimok ni Pablo ang mga Kristiyano na kumilos nang may karunungan dahil inoobserbahan sila ng mga di-kapananampalataya para malaman kung namumuhay talaga sila kaayon ng mga pamantayang itinuturo nila.

gamitin ninyo sa pinakamabuting paraan ang oras ninyo: O “bilhin ninyo ang naaangkop na panahon.” Ito rin ang ekspresyong ginamit ni Pablo sa Efe 5:16 (tingnan ang study note). Lumilitaw na iisa ang punto ni Pablo sa dalawang sulat na ito, dahil halos sabay niyang isinulat ang liham na ito at ang liham niya sa mga taga-Efeso.—Efe 6:21, 22; Col 4:7-9.

asin: Isang mineral na ginagamit na preserbatibo at pampalasa ng pagkain. Sa kontekstong ito, malamang na idiniriin ni Jesus ang pagiging preserbatibo ng asin; ang mga alagad niya ay makakatulong sa iba na maiwasan ang pagkabulok sa espirituwal at moral.

Maging gaya kayo ng asin: Maliwanag na ginamit dito ni Jesus ang “asin” para tukuyin ang katangiang kailangan ng mga Kristiyano para maging mabait, makonsiderasyon, at nakakapagpatibay sila sa paggawi at pagsasalita, at para makatulong sila sa pagpepreserba, o pagliligtas, sa buhay ng iba. Ganiyan din ang pagkakagamit ni apostol Pablo sa “asin” sa Col 4:6. Posibleng iniisip ni Jesus ang pagtatalo ng mga apostol niya tungkol sa kung sino ang pinakadakila. Ang makasagisag na asin ay makakatulong sa isang tao na magsalita sa mabait na paraan para madaling matanggap ng iba ang sinasabi niya at mapanatili ang kapayapaan.

mabait: Malawak ang kahulugan ng salitang Griego na khaʹris, at kadalasan nang ginagamit ito sa Kasulatan para tumukoy sa walang-kapantay na kabaitan ng Diyos. Dito, ginamit ito ni Pablo para tumukoy sa pananalita na kapaki-pakinabang, masarap pakinggan, at kahali-halina pa nga. (Ihambing ang Efe 4:29, kung saan isinalin ang khaʹris na “makinabang.”) Isinalin ang salitang ito na ‘nakagiginhawa’ sa Luc 4:22 nang tukuyin ang pananalita ni Jesus noong nasa Nazaret siya, na sarili niyang bayan. (Ihambing ang Aw 45:2 [44:3, LXX], kung saan ginamit ng Septuagint ang khaʹris para ilarawan ang kahali-halinang pananalita ng Mesiyanikong Hari.) Dapat na laging kapaki-pakinabang, mabait, masarap pakinggan, at kahali-halina pa nga ang pananalita ng isang Kristiyano. Kaya ipinapahiwatig ni Pablo na hindi lang magsasalita nang mabait ang isang Kristiyano sa pilíng mga tao o okasyon; dapat na maging natural ito sa kaniya.

tinitimplahan ito ng asin: Ilang beses na binanggit sa Kristiyanong Griegong Kasulatan ang asin, at ginagamit ito sa literal at makasagisag na diwa. Makakatulong ang pagkakagamit sa ekspresyong ito sa ibang mga teksto para maunawaan ang ibig sabihin ni Pablo. (Tingnan ang study note sa Mat 5:13; Mar 9:50.) Lumilitaw na ang tinutukoy ni Pablo ay ang kakayahan ng asin na pasarapin ang pagkain, magdagdag ng lasa, at magsilbing preserbatibo. Kaya hinihimok niya ang mga Kristiyano na ‘timplahan’ ang pananalita nila para masarap itong pakinggan at mailigtas ang mga taong makikinig sa mensahe nila.

Tiquico: Isang ministrong Kristiyano mula sa lalawigan ng Asia na naging malaking tulong kay Pablo. (Gaw 20:2-4) Ipinagkatiwala ni Pablo kay Tiquico ang pagdadala ng liham sa mga taga-Colosas, kay Filemon na miyembro ng kongregasyon sa Colosas, at sa mga taga-Efeso. Pero hindi lang iyan ang atas ni Tiquico. Siya rin ang ‘nagdala ng balita’ tungkol kay Pablo. Malamang na kasama dito ang mga detalye tungkol sa pagkakabilanggo ni Pablo, sa kalagayan niya, at sa mga pangangailangan niya. Sigurado si Pablo na kapag ang “minamahal na kapatid . . . at tapat na lingkod” na ito ang nagdala ng balita tungkol sa kaniya, maaaliw ang mga kapatid at lalo nilang mapapahalagahan ang mahahalagang aral mula sa Diyos na itinuro niya. (Col 4:8, 9; tingnan din ang Efe 6:21, 22.) Pagkalaya ni Pablo sa pagkakabilanggo, inisip niyang isugo si Tiquico sa Creta. (Tit 3:12) At nang mabilanggo si Pablo sa Roma sa ikalawang pagkakataon, ipinadala niya si Tiquico sa Efeso.—2Ti 4:12.

Onesimo: Siya rin ang Onesimo na tinukoy ni Pablo sa liham nito kay Filemon. Tumakas ang aliping si Onesimo sa amo niyang si Filemon, isang Kristiyano sa Colosas. Posibleng ninakawan din niya si Filemon bago tumakas papuntang Roma. (Flm 18) Naging Kristiyano siya sa Roma at itinuring ni apostol Pablo na parang anak. (Flm 10) Hinimok siya ni Pablo na bumalik sa amo niya sa Colosas. Sumama siya kay Tiquico, na nagdala ng mga liham ni Pablo para sa mga taga-Efeso at mga taga-Colosas. (Efe 6:21, 22; Col 4:7, 8) Posibleng si Onesimo ang nagdala ng sulat kay Filemon. Sumama si Onesimo kay Tiquico sa mahabang paglalakbay na ito papuntang Colosas posibleng para maprotektahan siya mula sa mga Romanong awtoridad, na nanghuhuli ng mga tumakas na alipin. Hiniling ni Pablo sa kongregasyon na mainit na tanggapin si Onesimo, na isang “tapat at minamahal [na] kapatid.”

Juan na tinatawag na Marcos: Isa sa mga alagad ni Jesus na “pinsan ni Bernabe” (Col 4:10) at ang manunulat ng Ebanghelyo ni Marcos. (Tingnan ang study note sa Mar Pamagat.) Ang pangalang Juan ay katumbas ng pangalang Hebreo na Jehohanan o Johanan, na nangangahulugang “Si Jehova ay Nagpakita ng Lingap; Si Jehova ay Nagmagandang-Loob.” Sa Gaw 13:5, 13, ang alagad na ito ay tinatawag lang na Juan. Pero dito at sa Gaw 12:25; 15:37, binanggit din ang Romanong apelyido niya na Marcos. Sa iba pang bahagi ng Kristiyanong Griegong Kasulatan, Marcos lang ang tawag sa kaniya.—Col 4:10; 2Ti 4:11; Flm 24; 1Pe 5:13.

Marcos: Mula sa pangalang Latin na Marcus. Marcos ang Romanong apelyido ni “Juan” na binanggit sa Gaw 12:12. Ang kaniyang ina ay si Maria, isa sa mga unang alagad na nakatira sa Jerusalem. Si Juan Marcos ay “pinsan ni Bernabe” (Col 4:10), na nakasama niya sa paglalakbay. Naglakbay rin si Marcos kasama ni Pablo at iba pang misyonerong Kristiyano noon. (Gaw 12:25; 13:5, 13; 2Ti 4:11) Hindi binanggit sa Ebanghelyo kung sino ang sumulat nito, pero sinasabi ng mga manunulat noong ikalawa at ikatlong siglo C.E. na si Marcos ang sumulat nito.

talagang napalalakas: O “napapatibay.” Sa naunang mga talata, binanggit ni Pablo ang mga kapatid na tumulong sa kaniya noong nakabilanggo siya sa Roma. (Col 4:7-11) Sinabi niyang “talagang napalalakas nila” siya. Madalas gamitin sa sinaunang mga literatura at inskripsiyon ang salitang Griego na ginamit dito, pero dito lang ito lumitaw sa Kristiyanong Griegong Kasulatan. Ayon sa isang reperensiya, ang salitang ito at ang mga anyo nito ay partikular nang ginagamit sa medisina, na tumutukoy sa ginhawang nararamdaman kapag nawawala ang sintomas ng sakit. Sinabi pa nito: “Ang salitang ito ay pangunahin nang tumutukoy sa pagbibigay ng lakas at kaaliwan, posibleng dahil sa nabanggit na paliwanag tungkol sa salitang ito.” Kaya lumilitaw na sa sitwasyon ni Pablo, pinatibay siya at pinalakas ng mga kapatid na binanggit niya, hindi lang sa salita kundi pati sa pagbibigay ng praktikal na tulong.—Kaw 17:17.

pinsan ni Bernabe: Dito, binanggit ni Pablo na si Marcos ay “pinsan ni Bernabe,” na isang posibleng dahilan kung bakit naging matindi ang di-pagkakasundo nina Pablo at Bernabe na nakaulat sa Gaw 15:37-39. (Tingnan ang study note sa Marcos sa talatang ito.) Sa Kristiyanong Griegong Kasulatan, dito lang lumitaw ang salitang “pinsan” (a·ne·psi·osʹ). Pangunahin na itong tumutukoy sa “pinsang buo,” pero puwede rin itong tumukoy sa iba pang pinsan.

Marcos: Tinawag ding Juan sa Gaw 12:12, 25; 13:5, 13. (Tingnan ang study note sa Mar Pamagat; Gaw 12:12.) Hindi nagkasundo sina Pablo at Bernabe kung isasama nila si Marcos sa ikalawang paglalakbay ni Pablo bilang misyonero (mga 49-52 C.E.). Nauwi ito sa “mainitang pagtatalo,” at naghiwalay sila ng landas. (Gaw 15:37-39) Pero sa 1Co 9:6, makikita sa sinabi ni Pablo na nagkaayos na sila ni Bernabe noong isinusulat ni Pablo ang liham niya sa mga taga-Colosas. Kasama ni Pablo si Marcos sa Roma noong una siyang mabilanggo, kaya ipinapakita nito na nagbago na ang tingin niya rito. Sinabi pa nga ni Pablo na “talagang napalalakas” siya ni Marcos. (Tingnan ang study note sa Col 4:11.) Posibleng isinulat ni Marcos ang Ebanghelyo na nakapangalan sa kaniya noong mga panahong dinalaw niya si Pablo sa Roma.—Tingnan din ang “Introduksiyon sa Marcos.”

mga tuli: Mga tuling Judiong Kristiyano. Tinulungan si Pablo ng mga kapatid na ito na binanggit niya sa pangalan. (Tingnan ang study note sa talagang napalalakas sa talatang ito.) Malamang na hindi sila nagdalawang-isip na makihalubilo sa mga di-Judiong Kristiyano, at siguradong masayang-masaya silang nangaral kasama ni Pablo sa mga di-Judio.—Ro 11:13; Gal 1:16; 2:11-14.

talagang napalalakas: O “napapatibay.” Sa naunang mga talata, binanggit ni Pablo ang mga kapatid na tumulong sa kaniya noong nakabilanggo siya sa Roma. (Col 4:7-11) Sinabi niyang “talagang napalalakas nila” siya. Madalas gamitin sa sinaunang mga literatura at inskripsiyon ang salitang Griego na ginamit dito, pero dito lang ito lumitaw sa Kristiyanong Griegong Kasulatan. Ayon sa isang reperensiya, ang salitang ito at ang mga anyo nito ay partikular nang ginagamit sa medisina, na tumutukoy sa ginhawang nararamdaman kapag nawawala ang sintomas ng sakit. Sinabi pa nito: “Ang salitang ito ay pangunahin nang tumutukoy sa pagbibigay ng lakas at kaaliwan, posibleng dahil sa nabanggit na paliwanag tungkol sa salitang ito.” Kaya lumilitaw na sa sitwasyon ni Pablo, pinatibay siya at pinalakas ng mga kapatid na binanggit niya, hindi lang sa salita kundi pati sa pagbibigay ng praktikal na tulong.—Kaw 17:17.

Magsikap kayo nang husto: O “Patuloy kayong magpursigi.” Idiniriin dito ni Jesus na kailangang ibigay ng isa ang buong makakaya niya para makapasok sa makipot na pinto. Ayon sa iba’t ibang reperensiya, puwede rin itong isalin sa tekstong ito na “Ibigay ang inyong buong makakaya; Gawin ninyo ang lahat.” Ang pandiwang Griego na a·go·niʹzo·mai ay nauugnay sa pangngalang Griego na a·gonʹ, na madalas gamitin para tumukoy sa kompetisyon ng mga atleta. Sa Heb 12:1, ginamit ang pangngalang ito para sa Kristiyanong “takbuhan” tungo sa buhay. Isinasalin din itong “problema” (Fil 1:30), “paghihirap” (Col 2:1), o “pakikipaglaban” (1Ti 6:12; 2Ti 4:7). Ang mga anyo ng pandiwang Griego na ginamit sa Luc 13:24 ay isinaling “kasali sa isang paligsahan” (1Co 9:25), “nagsisikap . . . nang husto” (Col 1:29; 1Ti 4:10), “marubdob” (Col 4:12), at “pakikipaglaban” (1Ti 6:12). Dahil iniuugnay ang ekspresyong ito sa kompetisyon ng mga atleta, sinasabi ng ilan na pinapasigla ni Jesus ang mga alagad niya na magsikap na katulad ng isang atleta na ibinubuhos ang buong makakaya para mapanalunan ang gantimpala.

marubdob: Ang pandiwang Griego na a·go·niʹzo·mai, na isinalin ditong “marubdob,” ay kaugnay ng pangngalang Griego na a·gonʹ, na kadalasang tumutukoy sa paligsahan ng mga atleta. (Tingnan ang study note sa Luc 13:24; 1Co 9:25.) Kung paanong ibinibigay ng mga atleta noon ang buong lakas nila sa palaro para matapos ang takbuhan o manalo, ibinuhos din ni Epafras ang puso at lakas niya sa pananalangin para sa mga kapatid sa Colosas. Lumilitaw na malaki ang naitulong ni Epafras para maitatag ang kongregasyon doon, kaya alam niya ang espesipikong kailangan ng mga kapananampalataya niya doon. (Col 1:7; 4:13) Gusto niya at ni Pablo na ang mga kapatid ay manghawakan sa pag-asa at manatiling may-gulang, o ganap na mga Kristiyanong may matibay na pananampalataya.—Col 1:5; 2:6-10.

lahat ng kasali sa isang paligsahan: O “lahat ng atleta.” Ang pandiwang Griego na ginamit dito ay kaugnay ng isang pangngalan na kadalasang tumutukoy sa paligsahan ng mga atleta. Sa Heb 12:1, ginamit ang pangngalang ito para sa Kristiyanong “takbuhan” tungo sa buhay. Isinasalin din itong “problema” (Fil 1:30), “paghihirap” (Col 2:1), o “pakikipaglaban” (1Ti 6:12; 2Ti 4:7). Ang mga anyo ng pandiwang Griego na ginamit dito sa 1Co 9:25 ay isinaling “magsikap kayo nang husto” (Luc 13:24), “nagsisikap . . . nang husto” (Col 1:29; 1Ti 4:10), “marubdob” (Col 4:12), at “pakikipaglaban” (1Ti 6:12). —Tingnan ang study note sa Luc 13:24.

Lucas: Sa Griego, Lou·kasʹ, mula sa Latin na Lucas. Si Lucas, ang manunulat ng Ebanghelyong ito at ng Mga Gawa ng mga Apostol, ay isang doktor at tapat na kasamahan ni apostol Pablo. (Col 4:14; tingnan din ang “Introduksiyon sa Lucas.”) Dahil sa Griegong pangalan niya at istilo ng pagsulat, ipinapalagay ng ilan na hindi Judio si Lucas. Gayundin, sa Col 4:10-14, nang banggitin ni Pablo ang “mga kabilang sa mga tuli,” hindi niya agad binanggit si Lucas. Pero ang ganiyang palagay ay hindi kaayon ng sinasabi sa Ro 3:1, 2, na sa mga Judio “ipinagkatiwala . . . ang salita ng Diyos.” Kaya malamang na si Lucas ay isang Judio na nagsasalita ng Griego at may Griegong pangalan.

Lucas: Sa tatlong beses na paglitaw ng pangalan ni Lucas sa Kristiyanong Griegong Kasulatan, lagi itong galing kay apostol Pablo. (2Ti 4:11; Flm 24) Malamang na si Lucas ay isang Judio na nagsasalita ng Griego at naging Kristiyano pagkatapos ng Pentecostes 33 C.E. Isinulat niya ang Ebanghelyo na nakapangalan sa kaniya, at pagkatapos ay ang aklat ng Gawa. (Tingnan ang study note sa Luc Pamagat.) Sinamahan niya si Pablo sa ikalawa at ikatlong paglalakbay nito bilang misyonero. At kasama siya ng apostol noong mabilanggo ito nang dalawang taon sa Cesarea. Kasama din siya ni Pablo sa paglalakbay papuntang Roma noong una itong mabilanggo doon. Noon isinulat ni Pablo ang liham niya sa mga taga-Colosas. Kasama ulit ni Pablo si Lucas noong huling mabilanggo ang apostol, na malamang na humantong sa pagpatay sa kaniya.—2Ti 4:11.

ang minamahal na doktor: Sa talatang ito lang direktang sinabi ang propesyon ni Lucas. Kahit na para bang malakas si Pablo dahil sa mga nagagawa niya, nagkakasakit din siya (Gal 4:13), kaya posibleng malaking ginhawa kay Pablo na kasama niya si Lucas. Malamang na pamilyar sa mga doktor ang mga Kristiyano sa Colosas dahil may mga paaralan sa medisina sa lugar nila.

Demas: Binanggit din ni Pablo ang kamanggagawa niyang ito sa liham niya kay Filemon. (Flm 24) Pero pagkaraan lang ng ilang taon, nang mabilanggo si Pablo sa Roma sa ikalawang pagkakataon, sinabi niya: “Pinabayaan ako ni Demas; inibig niya ang sistemang ito.” Bumalik si Demas sa Tesalonica, na malamang na sarili niyang bayan.—2Ti 4:10.

kongregasyong nagtitipon sa bahay nila: Kadalasan nang sa bahay nagtitipon ang mga mánanampalatayá noong unang siglo. (Ro 16:3, 5; Col 4:15; Flm 2) Ang salitang Griego para sa ‘kongregasyon’ (ek·kle·siʹa) ay tumutukoy sa isang grupo ng mga tao na nagsasama-sama para sa isang layunin. (1Co 12:28; 2Co 1:1) May ilang Bibliya na gumamit ng “simbahan” para ipanumbas sa salitang Griego na ek·kle·siʹa sa talatang ito at sa iba pang teksto. Pero mas naiisip ng mga tao sa salitang “simbahan” ang mismong gusali na ginagamit sa pagsamba sa halip na ang grupo ng mga taong sumasamba, kaya mas tumpak ang saling ‘kongregasyon.’

sa kongregasyon na nagtitipon sa bahay niya: Tingnan ang study note sa 1Co 16:19.

Sa liham ko sa inyo: Maliwanag na tinutukoy dito ni Pablo ang isang nauna niyang liham sa mga taga-Corinto, na hindi na nakarating sa atin. Lumilitaw na hindi na ito ipinasama ng Diyos sa Kasulatan, posibleng dahil para lang ito sa mga tumanggap ng sulat noon.—Tingnan ang study note sa 1Co 1:2.

basahin din ninyo ang liham na ipinadala ko sa Laodicea: Tinutukoy dito ni Pablo ang liham niya para sa kongregasyon sa Laodicea, na hindi na nakarating sa atin. (Ihambing ang study note sa 1Co 5:9.) Ipinapakita nito na may mga isinulat na liham si Pablo na hindi naging bahagi ng Bibliya. Posibleng ang laman ng liham na ito ay natalakay na nang detalyado sa mga liham na naging bahagi ng Bibliya. Anuman ang dahilan, makikita sa sinabi ni Pablo na ang mahahalagang liham noon, gaya ng isinulat ni Pablo, ay ipinapaikot sa mga kongregasyon para basahin. (1Te 5:27) May isang liham, na posibleng isinulat noong mga ikaapat na siglo C.E., na diumano’y ginawa ni Pablo para sa mga taga-Laodicea. Pero hindi ito kailanman itinuring na kanonikal ng mga kongregasyon noon.—Tingnan sa Glosari, “Kanon (kanon ng Bibliya).”

kayamanang ito kahit gaya lang kami ng mga sisidlang luwad: Sa Kasulatan, madalas na ihalintulad ang mga tao sa mga sisidlang luwad. (Job 10:9; Aw 31:12) Noong panahon ni Pablo, may mga tambak ng sirang sisidlan malapit sa mga daungan o pamilihan. Ginagamit ang mga sisidlang ito para paglagyan ng pagkain o likido—alak, butil, langis—pati na ng mga baryang pilak at ginto. Kadalasan na, ang mga sisidlan ay nasisira o itinatapon kapag naihatid na ang mahahalagang laman ng mga ito. Mura lang ang mga sisidlang luwad, pero malaking tulong ang mga ito sa paghahatid ng mahahalagang produkto. Ginagamit din ang mga sisidlang ito para maingatan ang mahahalagang bagay. (Jer 32:13-15) Ang isang halimbawa ay ang mga Dead Sea Scroll, na naingatan sa mga sisidlan sa may Qumran. Ang “kayamanang” tinutukoy ni Pablo sa ilustrasyon niya ay ang bigay-Diyos na atas, o ministeryo, na ipangaral ang nagliligtas-buhay na mensahe tungkol sa Kaharian ng Diyos. (Mat 13:44; 2Co 4:1, 2, 5) Ang mga sisidlang luwad ay tumutukoy sa mga taong pinagkatiwalaan ni Jehova ng kayamanang ito. Kahit na ordinaryo lang sila, di-perpekto, at may mga limitasyon, ginagamit sila ng Diyos para maihatid ang “kayamanang” ito sa mga tao.

Arquipo: Lumilitaw na ito rin ang Arquipo na tinawag ni Pablo na “kapuwa namin sundalo” sa liham niya kay Filemon. Isinulat niya ang maikling liham na iyon para “kay Filemon, . . . kay Apia, na kapatid naming babae, at kay Arquipo,” at sa kongregasyong nagtitipon sa bahay ni Filemon. (Flm 1, 2) Sinasabi ng maraming iskolar ng Bibliya na magkakapamilya ang tatlong Kristiyanong ito at nakatira sila sa iisang bahay. Walang matibay na ebidensiya ang konklusyong ito pero makatuwiran itong isipin. Bukod sa detalyeng may tinanggap na ministeryo si Arquipo, halos wala nang binanggit ang Bibliya tungkol sa kaniya. Nang sabihin ni Pablo kay Arquipo na ‘magpokus sa ministeryo,’ hindi naman ito nangangahulugang pinagsasabihan niya si Arquipo. Gusto lang ni Pablo na pahalagahan at gampanan ng lahat ng Kristiyano ang ministeryo nila.—Ihambing ang study note sa 2Co 4:7.

Ako, si Pablo, ay bumabati rin sa inyo: Lit., “Narito ang pagbati ko, ni Pablo, mula sa sarili kong kamay.” Si Pablo ang mismong sumulat ng huling pagbati sa liham na ito, malamang na para patunayang galing ito sa kaniya. Ganiyan din ang ginawa niya sa ilan sa iba pa niyang liham, na nagpapakitang madalas na may tagasulat siya ng mga liham niya.—1Co 16:21; 2Te 3:17.

Media

Ang Doktor at ang Ilan sa mga Kagamitan Niya
Ang Doktor at ang Ilan sa mga Kagamitan Niya

Makikita sa larawan (kaliwa) ang ilan sa mga kagamitan ng mga doktor noong panahon ng mga Romano. De-kalidad ang gamit ng ilang doktor, gaya ng mga panghiwa (scalpel), gunting, at pang-ipit (forceps). Gumagamit din sila ng mga gamot na galing sa halaman, pati na ng mga antiseptiko gaya ng alak at sukà. (Ihambing ang Luc 10:34.) Hindi nakikialam ang gobyerno noon sa mga doktor. May ilang doktor na propesyonal—magaling sa paggamot ng mga sakit at pag-oopera—pero may iba na nagpapanggap lang na doktor. Posibleng nakadepende ang kita at katayuan ng isang doktor sa mga pasyente niya. May ilang doktor na eksklusibong nagtatrabaho para sa isang mayamang tao o pamilya. Ang ilan ay doktor ng isang nayon, lunsod, o ng mga sundalo. May mga doktor na nagtatrabaho sa sarili nilang bahay, pero may ilan namang pumupunta sa bahay ng mga pasyente. “Ang minamahal na doktor” na si Lucas ay sumama sa ilang paglalakbay ni apostol Pablo bilang misyonero.—Col 4:14.

Ang Gapos ni Pablo Habang Nakabilanggo sa Bahay
Ang Gapos ni Pablo Habang Nakabilanggo sa Bahay

Noong unang beses na nabilanggo si apostol Pablo sa Roma, pinayagan siyang tumira sa isang inuupahang bahay kasama ng isang sundalo. (Gaw 28:16, 30) Karaniwan nang itinatanikala ng mga Romanong sundalo ang mga bilanggo. Kadalasan na, nakatanikala ang kanang kamay ng bilanggo at ang kaliwang kamay ng sundalo. Kaya magagamit ng sundalo ang kanang kamay niya. Binanggit ni Pablo ang mga tanikala, gapos, at pagkabilanggo niya sa karamihan ng liham na ginawa niya habang nakabilanggo siya sa isang bahay sa Roma.—Efe 3:1; 4:1; 6:20; Fil 1:7, 13, 14, 17; Col 4:3, 18; Flm 1, 9, 10, 13.