Pumunta sa nilalaman

OKTUBRE 9, 2013
GERMANY

Saksing Nakaligtas sa Holocaust—Ipinagtayo ng Monumento sa Germany

Saksing Nakaligtas sa Holocaust—Ipinagtayo ng Monumento sa Germany

SELTERS, Germany—Isang monumento para sa namatay nang si Max Liebster, isang Saksi ni Jehova na nakapagtiis nang mahigit limang taon sa mga kampong piitan ng Nazi, ang inialay noong Hunyo 21, 2013, sa Lautertal-Reichenbach. Ipinakita ng mayor at ng ibang opisyal ng lunsod ang monumento sa isang seremonyang dinaluhan ng lokal na mga residente, pati na ng biyuda ni Mr. Liebster, si Simone Liebster, na isa ring Saksi ni Jehova.

Bilang isang Judio na nakatira sa Germany noong panahon ng rehimeng Nazi, si Mr. Liebster ay inaresto ng Gestapo noong 1939 at pagkatapos ay nabilanggo sa limang kampong piitan: Sachsenhausen, Neuengamme, Auschwitz, Buna, at Buchenwald. Walo sa kaniyang kapamilya ang namatay sa mga kampo. Kasama na rito ang kaniyang ama, na ang bangkay ay dinala mismo ni Mr. Liebster sa krematoryo ng Sachsenhausen.

Nakilala ni Mr. Liebster sa mga kampong piitan ang mga kapuwa niya bilanggo na mga Saksi ni Jehova. Pagkalaya niya noong 1945, nabautismuhan siya bilang Saksi ni Jehova. Ayon sa isa sa mga plakeng bronse sa kaniyang monumento, ang pananampalataya ni Mr. Liebster ay “nagbigay [sa kaniya] ng lakas at determinasyong mabuhay.” Namatay siya noong 2008 sa edad na 93.

Ayon sa imbitasyon sa parangal na ito, si Mr. Liebster “ay kumbinsido na ang pamantayang Kristiyano ay sa ikabubuti ng mga tao.” Si Wolfram Slupina, isang tagapagsalita ng mga Saksi ni Jehova sa Germany, ay nagsabi: “Natutuwa kami na ginugunita ang katapangan ng isa sa maraming kapananampalataya namin na nanindigan sa harap ng pag-uusig ng relihiyon. Ang monumentong ito ay isang patunay sa kapangyarihan ng mensahe ng Bibliya tungkol sa kapayapaan at pagkakaisa, na sinisikap sundin ng mga Saksi ni Jehova.”

Media Contacts:

International: J. R. Brown, Office of Public Information, tel. +1 718 560 5000

Germany: Wolfram Slupina, tel. +49 6483 41 3110