Pumunta sa nilalaman

Ang European Court of Human Rights sa Strasbourg, France

SETYEMBRE 29, 2022
BALITA SA BUONG DAIGDIG

Naglabas ng Pinal na Desisyon ang European Court May Kaugnayan sa Kalayaan ng Pagsamba sa Russia at Lithuania

Naglabas ng Pinal na Desisyon ang European Court May Kaugnayan sa Kalayaan ng Pagsamba sa Russia at Lithuania

Noong Setyembre 7, 2022, inilabas ng European Court of Human Rights (ECHR) ang dalawang mahalagang pinal na desisyon nito may kaugnayan sa mga Saksi ni Jehova. Noong Hunyo 7, 2022, idineklara ng ECHR na labag sa batas ang pagbabawal ng Russia sa mga Saksi ni Jehova noong 2017. Nang araw ding iyon, nagpasiya ang ECHR na nilabag ng Lithuania ang European Convention on Human Rights sa kaso ni Brother Stanislav Teliatnikov, na tumangging maglingkod sa militar dahil sa budhi.

Hindi umapela ang Russia o ang Lithuania sa Grand Chamber ng ECHR para i-review ang mga pasiya noong Hunyo 7. Kaya ang dalawang bansa ay inutusan ng ECHR na sundin ang desisyon ng korte at magbigay ng bayad-pinsala sa mga taong nasasangkot.

Ayaw ng Russia na sundin ang pasiya ng korte kaya kumalas ito sa ECHR noong Hunyo 11, 2022. Pero may mga kaso pa rin bago Setyembre 16, 2022 na sinasabing nilabag ng Russia ang European Convention on Human Rights kaya maaari pa ring pagpasiyahan ng korte ang mga kasong iyon.

Dalangin natin na igalang sana ang pinal na desisyon ng ECHR at ang kalayaan ng pagsamba, para “patuloy [na] makapamuhay nang payapa, tahimik, seryoso, at may makadiyos na debosyon” ang mapayapang mga Kristiyano.—1 Timoteo 2:1, 2.