Pumunta sa nilalaman

Nitong nakaraang buwan, milyon-milyon ang lumikas mula sa Ukraine, kasama diyan ang mahigit 16,000 na mga Saksi ni Jehova

MARSO 31, 2022
BALITA SA BUONG DAIGDIG

Mga Kuwento ng mga Lumikas sa Ukraine Kung Paano Nila Iniwan ang Lahat

“Ang Kaugnayan Mo kay Jehova ang Pinakamahalaga”

Mga Kuwento ng mga Lumikas sa Ukraine Kung Paano Nila Iniwan ang Lahat

Isang tawag mula sa elder ng kongregasyon nila nang 5:00 n.u. ang gumising kina Brother Femi Durodola at sa asawa niyang si Yana. “Sinabi ng brother: ‘Huwag kayong mag-panic, basta maghanda lang kayo. Paparating na sa Kyiv ang mga sundalo ng Russia!’” Sinabi naman ni Yana: “Noong oras na iyon, ninerbiyos na ako nang husto.”

Bagong kasal lang sina Femi at Yana. Taga-Nigeria si Femi at taga-Ukraine naman si Yana. Nagbihis agad sila, uminom ng kape sa huling pagkakataon sa bahay nila, at binasa ang teksto para sa araw na iyon. Ang sabi: “Magkakaroon kayo ng lakas kung mananatili kayong panatag at magtitiwala.” (Isaias 30:15) Marubdob na nanalangin si Femi kay Jehova. Pagkatapos, kinuha nila ang mga go bag nila at iniwan ang lahat para lumikas papuntang Netherlands.

Ganiyan din ang naranasan ng maraming kapatid na nagdesisyong umalis sa Ukraine mula nang umatake ang Russia noong Pebrero 24, 2022. Mga 130,000 ang mga Saksi ni Jehova sa Ukraine. Sa ngayon, mahigit 36,000 sa kanila ang nagdesisyong umalis sa bahay nila at mahigit 16,000 naman ang lumikas sa ibang bansa. Iniwan ng marami ang bahay nila, trabaho, at kongregasyon. Sa panahon ng kaguluhan, hindi pinapayagang umalis ng bansa ang mga lalaking Ukrainian na nasa edad 18 hanggang 60. Pero ang mga lalaki na hindi mamamayan doon ay pinayagang umalis ng bansa.

Mga kailangan lang nila ang dala ng mga lumikas. Kahit mahirap, sumasakay sila ng tren at bus para lang makapunta sa mas ligtas na lugar. Minsan, hindi pa nga nila alam kung saan sila dadalhin ng biyaheng iyon. Sa tulong ng pananampalataya kay Jehova, iniwan nila ang mga lugar na may kaguluhan nang hindi alam kung makakabalik pa sila.

“Iniwan namin ang lahat. Kaunti lang ang dinala namin,” ang sabi ni Yana. “Ipinaalala sa amin ng sitwasyong ito na ang kaugnayan mo kay Jehova ang pinakamahalaga.”

Dinig na dinig ni Sister Lilia Antoniuk sa bahay niya sa Kyiv ang malalakas na tunog ng sirena na nagbababala kapag may paparating na bomba. At dinig na dinig din niya ang mga pagsabog. Nagkalat sa daan ang mga nasunog na kotse at mga debris ng pinasabog na mga gusali at tulay.

Nagdesisyong umalis ng bansa si Lilia at ang anak niyang 17 years old na si Oleksandra. Ilang araw silang bumiyahe sakay ng siksikang tren papunta sa Poland. Kaunting-kaunti lang ang pagkain nila at kailangan nilang tumayo nang ilang oras. Nang makarating sila sa Przemyśl, Poland, nabawasan ang pag-aalala nila.

“Nang makita namin ang mga kapatid na may dalang ‘JW.ORG’ sign, alam namin na magiging okey na ang lahat,” ang sabi ni Lilia. Dinala ang mga sister sa Kingdom Hall para makapagpainit, makakain, at makapagpahinga bago sila ihatid sa mga bahay na tutuluyan nila.

“Ramdam na ramdam namin ang pagmamahal ni Jehova at lalong tumibay ang pananampalataya namin,” ang sabi ni Lilia, na nasa Germany na ngayon. “Talagang nagpapasalamat ako kay Jehova sa pagmamalasakit niya at sa mga kapatid na handang tumulong sa mahihirap na sitwasyon.”

Si Anastasiia Kovalyova

Ikinuwento ni Sister Anastasiia Kovalyova kung paano inatake ang lunsod ng Zaporizhzhia mula sa ere. Nakikita niya ang mga liwanag mula sa mga mortar at dinig na dinig niya mula sa apartment niya ang mga pagsabog nito. May seven at three years old na mga pamangkin si Anastasiia, nakakatrauma sa kanila ang sunod-sunod na pambobomba, kaya nagdesisyong lumikas ang pamilya. “Dahil kaunti lang ang madadala namin, kulang ang mga damit namin at iba pang kailangan namin,” ang sabi ni Anastasiia. “Pero inasikaso kami ng mga kapatid. Binigyan nila kami ng lahat ng kailangan namin at sobra pa nga.” Si Anastassia, ang hipag niyang si Anya, at ang mga bata ay bumiyahe mula sa Ukraine papuntang Poland hanggang sa makarating sa Germany.

Si Anastasiia Shchukina at ang nanay niyang si Olha Lysenko

Nagtatago naman sina Sister Anastasiia Shchukina kasama ang nanay niyang si Sister Olha Lysenko, sa malamig na basement ng maliit na bahay nila kapag naririnig nila ang sirenang nagbababala na may paparating na bomba. Ang dalawang sister na ito ay mga pioneer at naglilingkod sila bilang mga need greater sa maliit na bayan ng Brailiv, Vinnytsia Oblast. Nagdadalawang-isip sila kung aalis ba sila o hindi, pero bandang huli, nagdesisyon silang umalis nang lumalala na ang sitwasyon. Kinuha lang nila ang mga kailangan nila, at kahit kaunti lang ang tulog nila, bumiyahe sila nang dalawang araw sakay ng tren. May sakit si Olha at 58 years old na. Kaya mahirap para sa kaniya na lumikas. Alas dos na ng madaling araw nang makarating sila sa Rzeszów, Poland. Nandoon ang mga kapatid para salubungin sila. “Kahit alanganing oras na, hinintay kami ng mga kapatid,” ang sabi ni Anastasiia. “Talagang nagpapasalamat kami kay Jehova at sa mga kapatid.”

Sina Elizabeth at Andrzej Chyba

Sa lunsod ng Sumy, si Brother Andrzej Chyba—isang Polish—at ang asawa niyang si Elizabeth, mula sa Britain, ay nagtago sa basement ng bahay ng isang kapatid, kasama ng limang iba pa. Naririnig nila ang mga fighter jet pati ang mga barilan at mga bomba. Nakatulong sa mga kapatid nang panoorin nila ang Bible drama na O Jehova, . . . sa Iyo Ako Naglalagak ng Aking Tiwala. Ipinakita doon kung ano ang ginawa ni Haring Hezekias nang lulusubin ng mga Asiryano ang Jerusalem.

“Nakakapagpatibay ang mensahe mula sa Bibliya na ipinadala ng mga kapatid. Ipinabasa rin nila sa amin ang Awit 27,” ang sabi ni Andrzej, na nasa Poland na ngayon kasama ng asawa niya.

‘Tinalikuran ng mga kapatid ang lahat ng materyal na mga bagay’ at umaasa sila sa panahong mawawala na ang mga digmaan. Kaya sigurado tayong pagpapalain sila ni Jehova.​—Filipos 3:8.